Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 14

Hinabol Sila ni Faraon

14 Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.

Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.’

Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon.” At gayon ang kanilang ginawa.

Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”

Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.

Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.

Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.[a]

Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.

11 Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?

12 Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”

13 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.

14 Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”

15 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.

16 Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

17 Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

18 Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”

19 Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.

20 Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.

21 Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 Ang(A) mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

23 Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.

24 Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.

25 Kanyang nilagyan ng bara ang gulong[b] ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, “Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipcio.”

Ang Hukbo ng mga Ehipcio ay Nalunod

26 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.”

27 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng Panginoon ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.

28 Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.

31 Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises.

Lucas 17

Pagpapatawad sa Kapatid(A)

17 Sinabi ni Jesus[a] sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon.

Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito.

Mag-ingat(B) kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.

Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”

Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”

Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.

Katungkulan ng Isang Lingkod

“Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’

Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?

Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?

10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus[b] ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea.

12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo.

13 Sila'y nagsisigaw at nagsabi, “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”

14 Nang(C) kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari.” Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis.

15 Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos.

16 Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus[c] na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano.

17 At nagtanong si Jesus, “Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam?

18 Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?”

19 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Pagdating ng Kaharian(D)

20 Palibhasa'y tinanong si Jesus[d] ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita.

21 At di rin nila sasabihin, ‘Tingnan ninyo, naririto o naroroon!’ Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 Sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.

23 At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroroon’ o ‘Tingnan ninyo, naririto!’ Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila.

24 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw.

25 Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.

26 At(E) kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.

27 Sila'y(F) kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.

28 Gayundin(G) ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo.

29 Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.

30 Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag.

31 Sa(H) araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.

32 Alalahanin(I) ninyo ang asawa ni Lot.

33 Sinumang(J) nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon.

34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

35 May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.”

36 (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.)

37 At sinabi nila sa kanya, “Saan, Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre.”

Job 32

Ang Pagsasalita ni Elihu

32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.

Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.

Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.

Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.

At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.

Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:

“Ako'y bata pa,
    at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
    na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
    at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
Ngunit ang espiritu na nasa tao,
    ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
Hindi ang dakila ang siyang matalino,
    ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
    hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’

11 “Narito, aking hinintay ang inyong mga salita,
    pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita,
    samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
12 Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay,
    at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan,
    o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran.
13 Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo, ‘Kami ay nakatagpo ng karunungan;
    madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.’
14 Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita,
    at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita.

15 “Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa;
    sila'y walang masabi pang salita.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita,
    sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot?
17 Ibibigay ko rin naman ang sagot ko,
    ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro.
18 Sapagkat sa mga salita ako'y punung-puno,
    ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko.
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
    parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
    dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
    o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
    kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.

2 Corinto 2

Sapagkat ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may malungkot na pagdalaw.

Sapagkat kung kayo'y palungkutin ko, sino ang magpapagalak sa akin, kundi iyong pinalungkot ko?

At aking isinulat ang bagay na ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalungkutan mula doon sa mga nararapat magpagalak sa akin, sapagkat nakakatiyak ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay magiging kagalakan ninyong lahat.

Sapagkat mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo.

Pagpapatawad sa Nagkasala

Subalit kung ang sinuman ay nakapagdulot ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat, upang huwag akong maging lubhang maghigpit sa inyong lahat.

Para sa gayong tao, ang kaparusahang ito ng nakararami ay sapat na.

Bagkus, inyong patawarin siya at aliwin, baka siya ay madaig ng labis na kalungkutan.

Kaya't ako'y nakikiusap sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kanya.

Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako sumulat, upang aking masubok kayo at malaman kung kayo'y masunurin sa lahat ng mga bagay.

10 Ang inyong pinatatawad ay ipinatatawad ko rin. Ang aking pinatawad, kung ako'y nagpapatawad ay alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo.

11 At ito ay aming ginagawa upang huwag kaming malamangan ni Satanas, sapagkat kami ay hindi mangmang tungkol sa kanyang mga balak.

Pangamba ni Pablo sa Troas

12 Nang(A) ako'y dumating sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, may pintong nabuksan para sa akin sa Panginoon,

13 subalit ang aking isipan ay hindi mapalagay, sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na aking kapatid. Kaya't ako'y nagpaalam sa kanila at nagtungo sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako.

15 Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak;

16 sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito?

17 Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001