M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Hangganan ng Lupain
34 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, na ito ang lupaing magiging inyong mana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyon,
3 ang inyong lugar sa timog ay mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganan sa timog ay magiging mula sa dulo ng Dagat ng Asin sa gawing silangan.
4 Ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timog sa gulod ng Acrabim, at patuloy hanggang sa Zin, at ang mga dulo niyon ay sa dakong timog ng Kadesh-barnea; at mula rito ay patungo sa Hazar-adar, at magpapatuloy sa Azmon;
5 at ang hangganan ay paliko mula sa Azmon hanggang sa batis ng Ehipto, at matatapos iyon sa dagat.
6 “Ang inyong magiging hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat at ang baybayin niyon; ito ang magiging hangganan ninyo sa kanluran.
7 Ito ang inyong magiging hangganan sa hilaga; mula sa Malaking Dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor;
8 mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamat; at ang dulo ng hangganan ay sa Zedad;
9 ang magiging hangganan ay hanggang sa Zifron, at ang dulo nito ay ang Hazar-enan. Ito ang magiging hangganan ninyo sa hilaga.
10 Inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganan sa silangan mula sa Hazar-enan hanggang Shefam;
11 ang hangganan ay pababa mula sa Shefam hanggang sa Ribla, sa dakong silangan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cineret sa dakong silangan.
12 Ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang dulo niyon ay abot sa Dagat ng Asin. Ito ang magiging inyong lupain ayon sa mga hangganan niyon sa palibot.”
13 Iniutos(A) (B) ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng palabunutan, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;
14 sapagkat ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno ay tumanggap na, at gayundin naman ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana.
15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay tumanggap na ng kanilang mana sa kabila ng Jordan sa dakong silangan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.”
16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na magbabahagi ng lupain sa inyo bilang mana: ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun.
18 Maglalagay kayo ng isang pinuno sa bawat lipi upang maghati ng lupain bilang mana.
19 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki: sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone.
20 Sa lipi ng mga anak ni Simeon ay si Samuel na anak ni Amihud.
21 Sa lipi ni Benjamin ay si Elidad na anak ni Chislon.
22 Sa lipi ng mga anak ni Dan ay ang pinunong si Buki na anak ni Jogli.
23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases ay ang pinunong si Haniel na anak ni Efod,
24 sa lipi ng mga anak ni Efraim ay ang pinunong si Chemuel na anak ni Siftan;
25 sa lipi ng mga anak ni Zebulon ay ang pinunong si Elisafan na anak ni Farnac;
26 sa lipi ng mga anak ni Isacar ay ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan;
27 sa lipi ng mga anak ni Aser ay ang pinunong si Ahiud na anak ni Selomi;
28 at sa lipi ng mga anak ni Neftali ay ang pinunong si Pedael na anak ni Amihud.
29 Ito ang mga inutusan ng Panginoon na mamahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.”
38 Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
pinatawad niya ang kanilang kasamaan
at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
39 Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
40 Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
41 Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
42 Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
43 nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
44 Ginawa(A) niyang dugo ang mga ilog nila,
upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
45 Kanyang(B) pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
46 Ibinigay(C) niya sa higad ang kanilang mga halaman,
at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
47 Sinira(D) niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
48 Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
49 Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
poot, bagsik, at ligalig,
isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
50 Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
51 Ang(E) lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52 Pagkatapos(F) ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At(G) kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
54 At(H) kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
55 Pinalayas(I) niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.
56 Gayunma'y(J) kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
57 kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
58 Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
59 Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
at ang Israel ay kinayamutang lubos.
60 Kanyang(K) pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 at(L) ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
64 Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.
65 Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
66 At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.
67 Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
68 kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili(M) niya si David na lingkod niya,
at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
ng Israel na kanyang pamana.
72 Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.
Awit ng Pagtitiwala sa Panginoon
26 Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda,
“Tayo ay may matibay na lunsod;
kanyang inilalagay ang kaligtasan
bilang mga pader at tanggulan.
2 Buksan ninyo ang mga pintuan,
upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng katotohanan.
3 Iyong iingatan siya sa ganap na kapayapaan,
na ang pag-iisip ay nananatili sa iyo, sapagkat siya'y nagtitiwala sa iyo.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon magpakailanman,
sapagkat ang Panginoong Diyos
ay isang batong walang hanggan.
5 Sapagkat ibinaba niya
ang mga naninirahan sa kaitaasan,
ang mapagmataas na lunsod.
Kanyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa;
ibinagsak ito hanggang sa alabok.
6 Niyayapakan ito ng paa,
ng mga paa ng dukha,
ng mga hakbang ng nangangailangan.”
7 Ang daan ng matuwid ay patag,
iyong pinakinis ang landas ng matuwid.
8 Sa daan ng iyong mga hatol,
O Panginoon, naghihintay kami sa iyo;
ang pangalan ng iyong alaala
ay siyang nasa ng aming kaluluwa.
9 Kinasasabikan ka sa gabi ng kaluluwa ko,
ang espiritu sa loob ko ay masikap na naghahanap sa iyo.
Sapagkat kapag nasa lupa ang mga hatol mo,
ang mga naninirahan sa sanlibutan sa katuwiran ay natututo.
10 Kapag nagpapakita ng lingap sa masama,
hindi siya matututo ng katuwiran;
sa lupain ng katuwiran ay nakikitungo siya na may kasamaan,
at hindi nakikita ang sa Panginoon na kamahalan.
11 Panginoon,(A) ang iyong kamay ay nakataas,
gayunma'y hindi nila nakikita.
Ipakita mo ang iyong sigasig para sa bayan, at sila'y mapapahiya;
lamunin nawa sila ng apoy na para sa iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magtatalaga ng kapayapaan para sa amin,
ikaw ang gumawa para sa amin ng lahat naming mga gawa.
13 O Panginoon naming Diyos,
ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay namuno sa amin;
ngunit ang pangalan mo lamang ang kinikilala namin.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay;
sila'y mga lilim, sila'y hindi babangon.
Kaya't iyong dinalaw at winasak sila,
at pinawi mo ang lahat ng alaala nila.
15 Ngunit iyong pinarami ang bansa, O Panginoon,
iyong pinarami ang bansa; ikaw ay niluwalhati;
iyong pinalaki ang lahat ng hangganan ng lupain.
16 Panginoon, sa kabalisahan ay dinalaw ka nila,
sila'y sumambit ng dalangin,
noong pinarurusahan mo sila.
17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao
na namimilipit at dumaraing sa kanyang panganganak,
kapag siya'y malapit na sa kanyang panahon,
naging gayon kami dahilan sa iyo, O Panginoon.
18 Kami ay nagdalang-tao, kami ay namilipit,
kami ay tila nanganak ng hangin.
Kami ay hindi nagkamit ng tagumpay sa lupa;
at ang mga naninirahan sa sanlibutan ay hindi nabuwal.
19 Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon.
Magsigising at magsiawit sa kagalakan, kayong naninirahan sa alabok!
Sapagkat ang iyong hamog ay hamog na makinang,
at sa lupain ng mga lilim ay hahayaan mong bumagsak ito.
20 Ikaw ay pumarito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid,
at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo.
Magkubli kang sandali,
hanggang sa ang galit ay makalampas.
21 Sapagkat ang Panginoon ay lumalabas mula sa kanyang dako
upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan.
Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon
at hindi na tatakpan ang kanyang napatay.
Subukin ang mga Espiritu
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.
2 Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos,
3 at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na.
4 Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan.
5 Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.
6 Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12 Walang(A) nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13 Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14 At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16 At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17 Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18 Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19 Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21 At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001