Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 2

Ang Pagliligtas kay Moises

May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi na(A) nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.

Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.”

Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.”

“Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. 10 Nang(B) malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises[a] ang ipapangalan ko sa kanya.”

Tumakas si Moises

11 Nang(C) (D) binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. 12 Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin. 13 Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”

14 “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. 15 Nakarating(E) ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian.

Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. 16 Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. 17 Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. 18 Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?”

19 “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila.

20 “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises.

21 Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. 22 Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom[b] ang batang ito.”

23 Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. 24 Narinig(F) ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. 25 Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila.

Lucas 5

Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(A)

Minsan,(B) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

Sumagot(C) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon(D) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(E)

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”[a]

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan(F) siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

Pinagaling ang Isang Paralitiko(G)

17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”

Ang Pagtawag kay Levi(H)

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.

29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(I) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”

Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(J)

33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”

34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”

36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’”

Job 19

Naniniwala si Job na Pawawalang-sala Siya ng Diyos

19 Ang sagot ni Job,
“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan
    sa mga salitang inyong binibitawan?
Maraming ulit na ninyo akong nilait,
    di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis.
Kung nakagawa man ako ng kasalanan;
    walang ibang mananagot kundi ako lamang.
Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin,
    pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin.
Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito;
    ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko.
Tumututol ako sa ganitong karahasan,
    ngunit walang nakikinig
    sa sigaw kong katarungan.
Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan;
    binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran.
Inalis niyang lahat ang aking kayamanan,
    sinira pa niya ang aking karangalan.
10 Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo,
parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo.
11 Matindi ang galit ng Diyos sa akin;
    isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing.
12 Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob,
    ang aking tahanan ay kanilang sinakop.

13 “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin;
    mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin.
14     Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan.
15 Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala;
    para na akong dayuhan sa aking mga alila.
16 Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin,
    makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin.
17 Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin;
    mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling.
18 Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait.
19 Mga(A) kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam,
    ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan.
20 Buto't balat na lamang ang natitira sa akin,
    ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting.
21 Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag;
    kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas.
22 Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos?
    Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos?

23 “Ang mga salita ko sana'y maisulat
    at maitala sa isang buong aklat!
24 At maiukit sa bato itong mga sinabi ko
    upang habang panaho'y mabasa ng mga tao.
25 Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas,[a]
    na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
26 Pagkatapos na maubos itong aking buong balat,
    makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
27 Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita;
    siya'y makikilala nitong aking mga mata.
Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya.

28 “Ako ay patuloy ninyong uusigin,
    pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin.
29 Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak,
    na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan,
    upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.”

1 Corinto 6

Ayusin ang Awayan ng Kapatiran

Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?

Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos

12 May(A) magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi(B) ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu.

18 Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi(C) ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.