Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Cronica 3-4

Ang Angkan ni David

Si David ay nagkaroon ng mga anak sa Hebron. Ang una ay si Amnon, anak niya kay Ahinoam na Jezreelita. Ang pangalawa ay si Daniel na anak naman niya kay Abigail na taga-Carmel. Ang pangatlo ay si Absalom, anak niya kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. Si Adonias ang pang-apat, anak naman kay Haguit. Ang panlima ay si Sefatias, anak kay Abital, at si Itream ang pang-anim na anak naman niya kay Egla. Anim(A) ang naging anak ni David sa Hebron sa loob ng pito at kalahating taon ng paghahari niya roon. Pagkatapos sa Hebron, tatlumpu't tatlong taon naman siyang naghari sa Jerusalem. Doo'y(B) apat ang naging anak niya kay Batsheba[a] na anak ni Amiel. Ito'y sina Simea, Sobab, Natan at Solomon. Siyam pa ang naging anak niya sa Jerusalem. Ito'y sina Ibhar, Elisama, Elifelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elisama, Eliada at Elifelet. Ang mga ito ang mga anak ni David bukod pa sa mga anak niya sa kanyang mga asawang-lingkod. Iisa ang anak niyang babae, si Tamar.

Ang Angkan ni Haring Solomon

10 Ito ang angkan ni Solomon: anak ni Solomon si Rehoboam na ama ni Abias, at anak naman ni Abias si Asa na ama ni Jehoshafat. 11 Anak ni Jehoshafat si Joram na ama ni Ahazias. Anak naman ni Ahazias si Joas. 12 Anak ni Joas si Amazias na ama ni Azarias, na ama naman ni Jotam. 13 Anak ni Jotam si Ahaz na ama ni Ezequias na ama naman ni Manases. 14 Anak ni Manases si Ammon na ama ni Josias. 15 Apat ang naging anak ni Josias: sina Johanan, Jehoiakim, Zedekias at Sallum. 16 Ang anak ni Jehoiakim ay si Jeconias na ama ni Zedekias.

Ang Angkan ni Haring Jeconias

17 Naging bihag sa Babilonia si Jeconias. Ang pito niyang anak ay sina Selatiel, 18 Malquiram, Pedaya, Senazar, Jacamias, Hosama at Nedabias. 19 Ang mga anak naman ni Pedaya ay sina Zerubabel at Simei. Tatlo ang unang anak ni Zerubabel, sina Mesulam at Hananias at isang babae, si Selomit. 20 Ang lima pang anak niya ay sina Hasuba, Ohel, Berequias, Hasadias at Jusab-hesed.

21 Mga anak ni Hananias sina Pelatias at Jesaias. Anak ni Jesaias si Refaias, anak ni Refaias si Arnan, anak ni Arnan si Obadias at anak ni Obadias si Secanias. 22 Anim ang naging anak ni Secanias: sina Semaya, Hatus, Igal, Barias, Nearias at Safat. 23 Tatlo ang naging anak ni Nearias: sina Elioenai, Ezequias at Azrikam. 24 Pito naman ang naging anak ni Elioenai: sina Hodavias, Eliasib, Pelaya, Akub, Johanan, Delaias at Anani.

Ang Lipi ni Juda

Kabilang ang mga ito sa mga anak ni Juda: sina Peres, Hezron, Carmi, Hur at Sobal. Anak ni Sobal si Reaias na ama ni Jahat. Anak naman ni Jahat sina Ahumai at Lahad. Ito ang angkan ng mga Zorita.

3-4 Si Hur ang panganay ni Efrata na asawa ni Caleb at ang kanyang mga apo ang nagtatag ng lunsod ng Bethlehem. Tatlo ang anak na lalaki ni Hur: sina Etam, Penuel, at Ezer. Ang mga anak na lalaki[b] naman ni Etam ay sina Jezreel, Isma at Idbas. Hazzelelponi ang pangalan ng kapatid nilang babae. Si Penuel ang nagtatag ng lunsod ng Gedor, at si Ezer naman ang nagtatag ng Husa.

Si Asur na nagtatag ng bayan ng Tekoa ay may dalawang asawa, sina Hela at Naara. Naging anak ni Asur kay Naara sina Ahuzam, Hefer, Temeni at Haahastari. Naging anak naman niya kay Hela sina Zeret, Izar at Etnan. Si Coz ang ama ni Anub at Zobeba, at ng mga angkan ni Aharhel na anak ni Harum.

Si Jabes ay higit na marangal kaysa mga kapatid niya. Jabes[c] ang ipinangalan sa kanya sapagkat sabi ng kanyang ina, “Masyado akong nahirapan nang ipanganak ko siya.” 10 Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.

Iba pang Listahan ng mga Angkan

11 Si Caleb na kapatid ni Suha ang ama ni Mehir na ama naman ni Eston. 12 Si Eston ang ama nina Beth-rafa, Pasea at Tehina na siyang nagtatag ng lunsod ng Nahas. Ang mga apo nila ang nanirahan sa Reca.

13 Mga anak ni Kenaz sina Otniel at Seraias, at mga anak naman ni Otniel sina Hatat at Meonotai. 14 Si Meonotai ang ama ni Ofra, at si Seraias naman ang ama ni Joab na nagtatag ng Libis ng mga Panday, sapagkat ang mga nakatira roon ay mga panday. 15 Ang mga anak ni Caleb na anak ni Jefune ay sina Iru, Ela at Naam. Ang anak naman ni Ela ay si Kenaz. 16 Mga anak naman ni Jehalelel sina Zif, Sifa, Tirias at Asarel.

17 Ang mga anak ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer at Jalon. Ang mga anak ni Mered kay Bitia na anak ng Faraon ay sina Miriam, Samai at Isba na siyang nagtatag ng Estemoa. 18 Sa asawa naman niyang taga-Juda, naging anak ni Mered si Jered na nagtatag ng Gedor, si Heber na nagtatag ng Soco at si Jecutiel na nagtatag ng Zanoa. 19 Ang pinagmulan ng mga Garmita na nanirahan sa Keila at ng mga Maacateo na nanirahan sa Estemoa ay ang mga anak ni Hodias sa asawa na kapatid na babae ni Naham. 20 Ang mga anak ni Simon ay sina Amnon, Rina, Benhanan at Tilon. Mga anak naman ni Isi sina Zohet at Ben-zohet.

Ang Angkan ni Sela

21 Ang mga anak ni Sela na anak ni Juda ay sina Er na nagtatag ng Leca, si Laada na nagtatag ng Maresa, at ang mga angkang humahabi ng telang lino sa Beth-asbea. 22 Siya rin ang ama ni Joquim, at ng mga taga-Cozeba, gayundin nina Joas at Saraf. Ang mga ito ay nagkaasawa sa Moab bago nagbalik at nanirahan sa Bethlehem. (Napakatagal na ang mga pangyayaring ito.) 23 Ang mga ito'y magpapalayok at tumira sa Netaim at Gedera, bilang mga lingkod ng hari.

Ang Lipi ni Simeon

24 Ang mga anak ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera at Saul. 25 Anak ni Saul si Sallum, at apo niya si Mibsan. Anak naman ni Mibsan si Misma. 26 Mga anak ni Misma sina Hamuel, Zacur at Simei. 27 Labing-anim ang anak na lalaki ni Simei at anim naman ang babae. Ngunit kaunti lamang ang anak ng kanyang mga kapatid kaya hindi lumaki ang kanilang angkan tulad ng kay Juda.

28 Ito(C) ang mga lunsod na tinirhan nila: Beer-seba, Molada, Hazar-shual, 29 Bilha, Ezem, Tolad, 30 Bethuel, Horma, Ziklag, 31 Beth-marcabot, Hazar-susim, Beth-biri, at Saaraim. Ito ang kanilang mga lunsod hanggang maging hari si David. 32 Kanila rin ang limang lunsod ng Etam, Ain, Rimon, Toquen at Asan, 33 pati ang mga nayon sa paligid nito hanggang sa bayan ng Baalat. Ito ang talaan na kanilang iniingatan tungkol sa kanilang mga angkan at mga lugar na kanilang tinirhan. Habang sila'y narito, mayroon silang sariling talaan ng kanilang angkan.

34-38 Ito ang mga naging pinuno ng kanilang mga angkan: Mesobab, Jamlec at Josa na anak ni Amazias; sina Joel at Jehu na mga anak ni Josibias na anak ni Seraias na anak naman ni Asiel; sina Elioenai, Jaacoba, Jesohaias, Asaias, Adiel, Jesimiel, at Benaias. Kabilang din si Ziza na anak ni Sifi na anak naman ni Allon. Si Allon ay anak ni Jedaias na anak ni Simri na anak naman ni Semaias.

Patuloy sa paglaki ang kanilang mga angkan, 39 kaya't kumalat sila sa dakong silangan, at sa paghahanap ng pastulan ay umabot sila hanggang sa kapatagan ng Gedor. 40 Nakatagpo sila ng magandang pastulan, malawak, tahimik at payapa. Mga Hamita ang dating nakatira sa lugar na iyon. 41 Ang nabanggit na angkang ito ni Simeon ang sumalakay sa mga Hamita nang panahong naghahari si Ezequias sa Juda. Winasak nila ang lugar na iyon, nilipol ang mga Meunim na naroon at sila ang tumira, sapagkat maganda ang pastulan doon. 42 Sa mga sumalakay na ito, limandaan pang tauhan ni Simeon ang patuloy na lumusob sa kaburulan ng Seir sa pangunguna nina Pelatias, Nearias, Refaias at Uziel, mga anak ni Isi. 43 Nilipol nila ang mga natirang Amalekita na tumakas patungo roon. Hanggang ngayo'y sila ang nakatira doon.

Mga Hebreo 9

Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit

Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo(A) ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang(B) ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon(C) ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At(D) sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.

Ganoon(E) ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit(F) tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.

11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(G) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos(H) ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing][c] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan(I) din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon(J) sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(K) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Amos 3

Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:

“Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
    kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
    dahil sa inyong mga kasalanan.”

Ang Gawain ng Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay
    ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
Umuungal ba ang leon sa kagubatan
    kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon
    kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
    kung ito'y walang huli?
Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
    hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
    hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
    kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
Kapag umungal ang leon,
    sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
    sinong hindi magpapahayag?

Ang Hatol sa Samaria

Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
    at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
    tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
    maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
    “Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
    wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
    hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”

12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.

13 “Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,”
    sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
14 “Sa(A) araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan,
    wawasakin ko ang mga altar sa Bethel,
    at malalaglag sa lupa ang mga iyon.
15 Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw.
    Guguho ang mga bahay na yari sa garing;
ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.”

Mga Awit 146-147

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
    Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
    ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
    sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.

15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
    dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
    para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
    lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
    umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.

19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
    ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!