M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Awit ng Pagtatagumpay ni David(A)
22 Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul.
2 “Si Yahweh ang aking tagapagligtas,
matibay na muog na aking sanggalang.
3 Ang Diyos ang bato na aking kanlungan,
aking kalasag at tanging kaligtasan.
Siya ang aking pananggalang,
sa mga marahas ay siya kong tanggulan.
4 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas.
Purihin si Yahweh!
5 “Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan,
tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan.
6 Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan,
patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan.
7 “Sa kagipitan ko, ako ay tumawag,
ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap.
Mula sa templo niya ay kanyang dininig,
ang aking pagsamo at ang aking hibik.
8 “Nayanig ang lupa nang siya'y magalit,
at nauga pati sandigan ng langit.
9 Nagbuga ng usok ang kanyang ilong,
at mula sa bibig, lumabas ang apoy.
10 Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa
makapal na ulap ang tuntungang pababa.
11 Sakay ng kerubin mabilis lumipad;
sa bilis ng hangin siya ay naglayag.
12 Nagtago sa likod ng dilim,
naipong tubig, ulap na maitim.
13 At magmula roon gumuhit ang kidlat,
at sa harap niya'y biglang nagliwanag.
14 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig.
15 Mga palaso niya'y pinakawalan,
dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan.
16 Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway,
sa apoy ng galit niyang nag-aalab,
ang tubig sa dagat ay halos maparam,
mga pundasyon ng mundo'y naglitawan.
17 “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat,
iniahon ako't kanyang iniligtas.
18 Iniligtas ako sa mga kaaway
na di ko makayang mag-isang labanan.
19 Sa kagipitan ko, ako'y sinalakay,
subalit para sa akin si Yahweh ang lumaban.
20 Sapagkat sa akin siya'y nasiyahan,
iniligtas niya ako sa kapahamakan.
21 “Ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran,
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
22 Sapagkat ang tuntunin ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ako lumihis sa landas ng aking Diyos.
23 Aking sinunod ang buong kautusan,
isa mang utos niya'y hindi ko sinuway.
24 Nalalaman niyang ako'y walang sala,
sa gawang masama'y lumalayo tuwina.
25 Kaya't ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran;
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
26 “Sa mga taong tapat, ikaw rin ay tapat,
sa mga matuwid, matuwid kang ganap.
27 Sa pusong malinis, bukás ka at tapat,
ngunit sa mga baluktot, hatol mo'y marahas.
28 Mga nagpapakumbaba'y iyong inililigtas,
ngunit ang palalo'y iyong ibinabagsak.
29 Ikaw po, O Yahweh, ang aking tanglaw,
pinawi mong lubos ang aking kadiliman.
30 Sa tulong mo'y nalulupig ko ang mga kaaway,
sa pamamagitan mo, Diyos, anumang pader ay nahahakbang.
31 Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan;
pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan.
Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
32 “Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba?
Iisang tanggulan, hindi ba't siya na?
33 Ang Diyos ang aking muog na kanlungan,
ang nag-iingat sa aking daraanan.
34 Tulad(B) ng sa usa, paa ko'y pinatatag,
sa mga bundok iniingatan akong ligtas.
35 Sinanay niya ako sa pakikipagdigma,
matigas na pana kaya kong mahila.
36 “Ako'y iniligtas mo, Yahweh, ng iyong kalinga,
at sa tulong mo ako'y naging dakila.
37 Binigyan mo ako ng pagtataguan,
kaya di mahuli ng mga kalaban.
38 Mga kaaway ko ay aking tinugis,
hanggang sa malipol, di ako nagbalik.
39 Nilipol ko sila at saka sinaksak,
at sa paanan ko sila ay bumagsak!
40 Pinalakas mo ako para sa labanan,
kaya't nagsisuko ang aking kalaban.
41 Mga kaaway ko'y iyong itinaboy,
mga namumuhi sa aki'y pawang nalipol.
42 Humanap sila ng saklolo, ngunit walang matagpuan.
Hindi sila pinansin ni Yahweh nang sila'y nanawagan.
43 Tinapakan ko sila hanggang sa madurog,
pinulbos ko silang parang alikabok;
sa mga lansangan, putik ang inabot.
44 “Sa mga naghimagsik, ako'y iyong iniligtas,
pamamahala sa mga bansa sa aki'y iniatas;
at marami pang ibang sumuko't nabihag.
45 Ang mga dayuhan sa aki'y yumuyukod,
kapag narinig ang tinig ko, sila'y sumusunod.
46 Sa laki ng takot ay naglalabasan
sa kanilang kutang pinagtataguan.
47 “Mabuhay si Yahweh! Purihin ang aking batong tanggulan.
Dakilain ang aking Diyos! Ang bato ng aking kaligtasan.
48 Nilulupig niya ang aking kalaban
at pinapasuko sa aking paanan.
49 Iniligtas ako sa aking kaaway,
ako'y inilayo sa sumasalakay;
sa taong marahas, ipinagsanggalang.
50 “Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.
51 Pinagkaloobang magtagumpay lagi, ang abang lingkod mong piniling hari;
di mo kailanman pababayaan ang iyong pinili,
na si Haring David at ang kanyang mga susunod na lahi.”
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
2 Makalipas(A) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2 Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. 3 Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito 4 kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6 Ngunit(B) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. 7 Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. 9 Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya
15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,(C) alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
Ang Pahayag Laban sa Egipto
29 Noong(A) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. 3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. 4 Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. 5 Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.
6 “Sa(B) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. 7 Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. 8 Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. 9 Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.
“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. 10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.[a] 11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. 12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”
13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. 14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. 15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Masasakop ang Egipto
17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: 18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. 19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. 21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
8 Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
9 Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.
32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.
by