Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Genesis 32

Humanda si Jacob na Salubungin si Esau

32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim[a] ang lugar na iyon.

Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”

Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.

At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. 10 Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. 11 Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. 12 Nangako(A) po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.”

13 Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng 14 dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, 15 tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. 16 Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” 17 Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ 18 Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” 19 Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. 20 Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. 21 Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon.

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(B) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(C) mag-isa si Jacob.

Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”

“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.

28 Sinabi(D) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[b] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 “Ano(E) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.

“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.

30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[c] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. 32 Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.

Marcos 3

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”

Ngunit hindi sila sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil(B) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(C)

13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[a] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][b] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

Si Jesus at si Beelzebul(D)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(E) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(F) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(G)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[c]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Ester 8

Hinirang si Mordecai

Nang araw ding iyon, ang lahat ng mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi na ni Ester na magkamag-anak sila. Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai. Itinalaga naman ni Ester si Mordecai bilang katiwala niya sa lahat ng mga ari-arian ni Haman.

Ang Bagong Kahilingan ni Ester

Minsan pang lumapit si Ester sa Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung inyong mamarapatin at kung ako'y kalugud-lugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong pawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi po maatim ng aking damdamin na makitang nililipol ang aming lahi.”

Sinabi ng Haring Xerxes kay Reyna Ester, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na sa iyo. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio. Kung iyon ay hindi pa sapat, gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”

Nang ikadalawampu't tatlong araw ng unang buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[a] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala ito sa mga tagahatid-sulat. 11 Sa pamamagitan ng sulat na iyon, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin ang kanilang mga kalaban. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.[b]

Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio[c]

Ito ang kopya ng sulat ng hari:

“Pagbati mula sa Dakilang Haring Xerxes. Ang sulat na ito ay para sa mga gobernador ng 127 lalawigan, magmula sa India hanggang Etiopia,[d] at sa lahat kong mga tapat na nasasakupan.

“Maraming tao ang nagiging palalo kapag pinagkakalooban ng karangalan at kapangyarihan. Palibhasa'y hindi marunong magdala ng karangalan at kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila, ang pinipinsala nila'y ang aking nasasakupan. Hindi lamang iyan; binabalak pa nilang ipahamak pati ang nagkaloob sa kanila ng karangalan at kapangyarihang iyon. Hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob. Dala ng kanilang kapalaluan, naniniwala sila sa mga pakunwaring papuri sa kanila ng mga mangmang at masasama. At inaakala nilang sila'y makakaligtas sa hatol ng Diyos na nakakakita ng lahat at namumuhi sa masama.

“Malimit mangyari na ang mga namumuno ay nadadala ng ilang tauhang malapit sa kanila at pinagkatiwalaang humawak ng kapangyarihan. Dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga ito, nadadamay sila sa mga pagpatay sa walang sala at sa iba pang mga kapahamakang pagsisihan ma'y wala nang lunas. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling at iba pang pandaraya, pinagsasamantalahan ng ganitong mga tauhan ang kagandahang-loob ng namumuno.

“Ang ganyang pagsasamantala ay di lamang natutunghayan sa kasaysayan. Nagaganap pa rin iyan hanggang ngayon, gaya ng pinapatunayan ng ilang malagim na pangyayaring naganap sa inyo. Kaya mula ngayon ay sisikapin kong umiral ang katahimikan at kapayapaan sa ating kaharian. Babaguhin ko ang ilang pamamalakad, at ako mismo ang buong ingat at katapatang susuri at hahatol sa bawat pangyayaring darating sa aking kaalaman.

10 “Tingnan ninyo ang ginawa ni Haman na anak ni Hamedata. Isa siyang Macedonio, isang ganap na dayuhan. Tinanggap ko siya, bagaman wala ni bahid ng dugong Persiano na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Wala rin siya ni anino ng kagandahang-loob na ipinakita ko sa kanya. 11 Pinag-ukulan ko siya ng kalinga at malasakit na ipinapakita ko sa lahat ng lahing namamayan sa ating kaharian, hanggang sa tinawag siyang Ama ng ating bayan at itinaas sa isang tungkuling pangalawa sa hari.

12 “Ngunit hindi pa siya nasiyahan sa gayong kapangyarihan. Sa paghahangad niyang maagaw sa akin ang pamumuno, pinagtangkaan niya ang aking buhay. 13 Sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang ay sinikap niyang ipapatay si Mordecai, na walang ginagawa kundi pawang kabutihan at minsan ay nagligtas sa akin sa kamatayan. Pinagtangkaan rin niyang ipapatay si Reyna Ester, ang butihin kong kabiyak, at ang lahat ng mga Judio sa kaharian. 14 Ang nais niya'y alisan ako ng mga tauhang makapagsasanggalang sa akin at sa gayo'y malupig ng mga Macedonio ang kahariang Persia. 15 Subalit napatunayan kong hindi masasamang tao ang mga Judiong pinaratangan at binabalak lipulin ni Haman. Bagkus, ang mga batas na sinusunod nila ay pinakamakatarungan sa lahat ng mga batas. 16 Ang Diyos na sinasamba nila ay ang Diyos na buháy, ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos. Siya ang Diyos na pumatnubay at nagpadakila sa ating kaharian buhat pa noong panahon ng aking mga ninuno hanggang sa ngayon.

17 “Dahil dito, ipinag-uutos ko na huwag ninyong isasagawa ang sinasabi sa sulat ni Haman. 18 Ang taong ito ay nabitay na sa pintuan ng Susa, kasama ang buo niyang angkan. Ipinalasap sa kanya ng Diyos, na namamahala sa lahat, ang parusang nararapat sa kanya.

19 “Ipinag-uutos ko rin na ilathala sa lahat ng lugar na ihayag ang mga kopya ng batas na ito. Hayaan ninyong mamuhay ang mga Judio ayon sa kanilang sariling kaugalian. 20 Tulungan ninyo sila sa pagtatanggol laban sa mga taong sasalakay sa kanila sa araw na itinakda para sa pagpuksa sa kanila—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. 21 Niloob ng Diyos, na namamahala sa lahat ng bagay, na ang araw na itinakda para sila'y lipulin ay maging araw ng pagdiriwang.

22 “Ibilang ninyo ang araw na ito sa inyong mga pista opisyal, at ipagdiwang ninyo nang buong kasiyahan. 23 Maging paalala ito sa atin at sa ating mga mamamayan kung paanong kinakalinga ng Diyos ang ating kahariang Persia. Maging babala naman ito ng parusang inilalaan niya sa sinumang mangangahas magbalak ng ating kapahamakan.

24 “Bawat lalawigan at bansa na hindi susunod sa utos na ito ay makakaranas ng bagsik ng aking galit. Mamamatay sa patalim ang kanilang mamamayan, at susunugin hanggang mapatag sa lupa ang kanilang mga lunsod. Wala nang mga taong maninirahan doon. Pati mga hayop at mga ibon ay lalayo sa mga pook na iyon at di magbabahay o magpupugad doon sa habang panahon.”[e]

13 “Bawat lalawigan ay padadalhan ng kopya nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na iyon laban sa kanilang mga kaaway.”

14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling umalis, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ipinakalat din sa Lunsod ng Susa.

15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at koronang ginto. 16 Nagbigay ito ng malaking karangalan at kagalakan sa mga Judio. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, maraming Hentil ang nagpatuli at naging Judio dahil sa takot nila sa mga ito.

Roma 3

Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? Hinding-hindi!(A) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,

“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
    at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”

Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?

Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.

Walang Sinumang Matuwid

Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(B) sa nasusulat,

“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
    walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
    Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(C) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
    Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(D) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(E) sila marunong matakot sa Diyos.”

19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(F) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.

Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao

21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.

27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(G) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.