M’Cheyne Bible Reading Plan
Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ng Israel
33 Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay.
2 “Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai.
Sumikat sa Edom na parang araw,
at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran.
Sampung libong anghel ang kanyang kasama,
nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
3 Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan[a]
at iniingatan ang kanyang hinirang.
Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan,
at sinusunod ang kanyang kautusan.
4 Binigyan kami ni Moises ng kautusan,
na siyang yaman ng aming bayan.
5 Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang,
nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod.
6 “Ang lipi ni Ruben sana'y manatili,
kahit ang bilang niya'y kakaunti.”
7 Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi:
“Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda,
ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan,
at tulungan siya sa pakikipaglaban.”
8 Tungkol(A) kay Levi ay kanyang sinabi:
“Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin;
sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
9 Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang,
pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang.
Upang masunod lang ang iyong kautusan,
at maging tapat sa iyong kasunduan.
10 Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan,
siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar.
11 Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan,
paglilingkod niya'y iyong pahalagahan.
Durugin mong lahat ang kanyang kaaway,
upang di na makabangon kailanman.”
12 Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi:
“Mahal ka ni Yahweh at iniingatan,
sa buong maghapon ika'y binabantayan,
at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”
13 Tungkol kay Jose ay sinabi:
“Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain,
sa hamog at ulan ay palaging diligin,
at tubig mula sa lupa ay pabukalin.
14 Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw,
at mga pagkaing inani sa kapanahunan.
15 Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan.
16 Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan,
mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman.
Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito,
sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
17 Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan;
parang lakas ng toro ang kanyang taglay.
Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig.
Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim,
sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”
18 Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi:
“Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan,
at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan.
19 Ang ibang mga bansa ay dadalo
sa paghahandog ninyo doon sa bundok,
pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat
at sa buhanginan sa baybay nito.”
20 Tungkol kay Gad ay sinabi:
“Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad.
Si Gad ay parang leon na nag-aabang
at handang sumakmal ng leeg o kamay.
21 Pinili nila ang pinakamainam na lupain,
lupaing nababagay sa isang pangunahin.
Sumama siya sa mga pinuno ng Israel
upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”
22 Tungkol kay Dan ay sinabi:
“Isang batang leon ang katulad ni Dan,
na palukso-lukso mula sa Bashan.”
23 Tungkol kay Neftali ay sinabi:
“Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali,
mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.”
24 Tungkol kay Asher ay sinabi:
“Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher,
kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel.
Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
25 Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan.
Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.”
26 Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya,
mula sa langit dumarating upang tulungan ka.
27 Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan,
walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan.
Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan,
at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
28 Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay,
sa lupaing sagana sa lahat ng bagay,
at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan.
29 Bansang Israel, ikaw ay mapalad!
Walang bansa na iyong katulad,
pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas.
Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan,
at tabak ng iyong tagumpay.
Magmamakaawa ang iyong mga kaaway,
ngunit sila'y iyong tatapakan.
Ang Kamatayan ni Moises
34 Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan, 2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, 3 ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar. 4 Sinabi(B) sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
5 At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. 6 Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. 7 Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. 8 Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.
9 Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Mula(C) noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. 11 Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. 12 Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Qof)
145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.
Panalangin Upang Maligtas
(Resh)
153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159 Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160 Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.
Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh
(Shin)
161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
(Taw)
169 O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170 Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172 Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.
Ang Magandang Kasasapitan ng Jerusalem
60 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
3 Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Pagmasdan(A) mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
5 Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
6 Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
7 Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo,
at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot.
Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap,
at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan?
9 Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan;
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain.
May mga dala silang ginto at pilak,
bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan.
10 Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem,
“Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader,
at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari.
Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko,
ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan.
11 Ang(B) mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi,
upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa,
at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.
12 Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin.
13 At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo;
sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo;
sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa.
Upang lalong maging maningning ang aking tahanan.
14 Nakayukong(C) lalapit sa iyo bilang paggalang
ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi;
hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo,
at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’
15 “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa.
Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain;
magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman.
16 Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa,
tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak.
Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas;
at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob.
17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.
19 “Sa(D) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)
8 Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,[a] lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. 4 Pagkatapos,(B) sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”
Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano(C)
5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y(D) nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan(E) ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit(F) ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13 At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(G)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Ang Paglilingkod kay Jesus(I)
18 Nang makita ni Jesus ang mga tao[b] sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20 Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21 Isa(J) naman sa mga alagad[c] ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa(K)
23 Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. 24 Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. 25 Kaya nilapitan ng mga alagad si Jesus at ginising. “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” sabi nila. 26 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. 27 Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”
Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo(L)
28 Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,[d] sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29 Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31 Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.
33 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.