Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 34

34 At lumabas si (A)Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, upang tingnan ang mga anak na babae ng lupaing yaon.

At siya'y nakita ni Sichem, anak ni Hamor, na Heveo, na prinsipe sa lupain; at siya'y kinuha at sumiping sa kaniya, at siya'y pinangayupapa.

At inilakip niya ang kaniyang kaluluwa kay Dina, na anak ni Jacob at kaniyang sininta ang dalaga, (B)at nakiusap ng kalugodlugod sa dalaga.

(C)At si Sichem ay nagsalita sa kaniyang amang kay Hamor, na sinabi, Ipakamit mo sa akin ang dalagang ito na maging asawa ko.

Nabalitaan nga ni Jacob na dinahas ang kaniyang anak na si Dina; at ang kaniyang mga anak ay nasa kasamahan ng mga hayop niya sa parang: at tumahimik si Jacob hanggang sa sila'y dumating.

At nilabas ni Hamor na ama ni Sichem si Jacob upang makiusap sa kaniya.

At ang mga anak ni Jacob ay nagsiuwi mula sa parang nang kanilang mabalitaan: at nangagdamdam ang mga lalake, at (D)nagningas ang kanilang galit, (E)sapagka't gumawa ng kaululan sa Israel, na sinipingan ang anak ni Jacob; (F)bagay na di nararapat gawin.

At nakiusap si Hamor sa kanila, na sinasabi, Ang kaluluwa ni Sichem na aking anak ay sumasa iyong anak; ipinamamanhik ko sa inyo na ipagkaloob ninyo sa kaniya na maging asawa niya.

At magsipagasawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.

10 At tatahan kayong kasama namin; (G)at ang lupain ay sasa harap ninyo; tumahan kayo (H)at mangalakal kayo riyan at (I)magkaroon kayo ng mga pagaari riyan.

11 At sinabi ni Sichem sa ama ni Dina, at sa mga kapatid niya, Makásundo nawa ako ng biyaya sa inyong mga mata at ang sabihin ninyo sa akin ay aking ibibigay.

12 (J)Hingin ninyo sa akin ang walang bilang na bigay-kaya at kaloob, at aking ibibigay ayon sa sabihin ninyo sa akin; ipagkaloob lamang ninyo sa akin ang dalaga na maging asawa ko.

13 At nagsisagot na may pagdaraya ang mga anak ni Jacob kay Sichem at kay Hamor na kaniyang ama, at sila'y nagsalitaan, sapagka't kaniyang dinahas si Dina na kanilang kapatid.

14 At sinabi niya sa kanila, Hindi namin magagawa ito, na ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; (K)sapagka't isang kasiraan ng puri namin.

15 Sa ganitong paraan lamang papayag kami sa inyo: kung kayo'y magiging gaya namin, na mangatuli ang lahat ng lalake sa inyo;

16 Ay ibibigay nga namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at tatahan kami sa inyo, at tayo'y magiging isa lamang bayan.

17 Datapuwa't kung ayaw ninyo kaming pakinggan, na kayo'y mangatuli; ay dadalhin nga namin ang aming anak na babae at kami ay yayaon.

18 At ang kanilang mga salita ay kinalugdan ni Hamor at ni Sichem, na anak ni Hamor.

19 At hindi iniliban ng binata ang paggawa niyaon, sapagka't nalugod siya sa anak na babae ni Jacob: (L)at siya ang pinarangalang higit sa buong sangbahayan ng kaniyang ama.

20 At si Hamor at si Sichem na kaniyang anak ay napasa (M)pintuang-bayan ng kanilang bayan, at sila'y nakiusap sa mga tao sa kanilang bayan, na sinasabi.

21 Ang mga taong ito ay tahimik sa atin; kaya't magsitahan sila sa lupain (N)at magsipangalakal sila riyan; sapagka't narito, ang lupain, ay may malabis na kaluwangan sa kanila; tayo'y makisama sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak.

22 Sa ganito lamang paraan papayagan tayo ng mga taong iyan, sa pagtahan sa atin, na maging isa lamang bayan, kung patuli ang lahat ng lalake sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.

23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pagaari at ang lahat nilang hayop? Atin lamang silang payagan, at tatahan sa atin.

24 At pinakinggan si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, ng lahat na lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan; at ang (O)lahat ng lalake ay nagtuli, ang lahat ng lumalabas sa pintuan ng kaniyang bayan.

Ipinaghiganti si Dina ni Simeon at ni Levi.

25 At nangyari, nang ikatlong araw, nang sila'y nangasasaktan, na ang dalawa sa mga anak ni Jacob, si (P)Simeon at si Levi, na mga kapatid ni (Q)Dina, na kumuha ang bawa't isa ng kaniyang tabak, at sila'y lihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalake.

26 At kanilang pinatay si Hamor at si Sichem na kaniyang anak, sa talim ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Sichem, at sila'y nagsialis.

Nilooban ang Sichem.

27 Nagsiparoon ang mga anak ni Jacob sa mga patay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagka't kanilang dinahas ang kapatid nila.

28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, at ang kanilang mga asno, at ang nasa bayan, at ang nasa parang;

29 At ang kanilang buong yaman, at ang lahat ng kanilang mga anak, at mga asawa, ay dinala nilang bihag at samsam, sa makatuwid baga'y lahat na nasa bahay.

30 At sinabi ni Jacob kay Simeon at kay Levi, Ako'y inyong (R)binagabag, na pinapaging mapagtanim ninyo ako sa mga tumatahan sa lupain, sa mga Cananeo, at sa mga Pherezeo; (S)at akong may kaunting tao, ay magpipisan sila laban sa akin, at ako'y sasaktan nila; at lilipulin ako at ang aking sangbahayan.

31 At kanilang sinabi, Aariin ba niya ang aming kapatid na parang isang patutot?

Marcos 5

At nagsidating sila sa kabilang ibayo ng dagat sa lupain ng mga (A)Gadareno.

At paglunsad niya sa daong, pagdaka'y sinalubong siya na galing sa mga libingan ng (B)isang lalake na may isang karumaldumal na espiritu,

Na tumatahan sa mga libingan: at sinoma'y hindi siya magapos, kahit ng tanikala;

Sapagka't madalas na siya'y ginapos ng mga damal at mga tanikala, at pinagpatidpatid niya ang mga tanikala, at pinagbabalibali ang mga damal: at walang taong may lakas na makasupil sa kaniya.

At palaging sa gabi't araw, ay nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.

At pagkatanaw niya sa malayo kay Jesus, ay tumakbo at siya'y kaniyang sinamba;

At nagsisisigaw ng malakas na tinig, na kaniyang sinabi, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? kita'y pinamamanhikan alangalang sa Dios, na huwag mo akong pahirapan.

Sapagka't sinabi niya sa kaniya, Lumabas ka sa taong ito, ikaw na karumaldumal na espiritu.

At tinanong niya siya, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya sa kaniya, (C)Pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami.

10 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing yaon.

11 At sa libis ng bundok na yaon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisipanginain.

12 At nangamanhik sila sa kaniya, na nagsisipagsabi, Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay magsipasok sa kanila.

13 At ipinahintulot niya sa kanila. At ang mga karumaldumal na espiritu ay nangagsilabas, at nangagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, na sila'y may mga dalawang libo; at sila'y nangalunod sa dagat.

14 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at ibinalita sa bayan, at sa mga bukid. (D)At nagsiparoon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari.

15 At nagsiparoon sila kay Jesus, at nakita nila ang inalihan ng mga demonio na nakaupo, (E)nakapanamit at matino ang kaniyang pagiisip, sa makatuwid baga'y siyang nagkaroon ng isang pulutong: at sila'y nangatakot.

16 At sinabi sa kanila ng nangakakita kung paanong pagkapangyari sa inalihan ng mga demonio, at tungkol sa mga baboy.

17 At sila'y nangagpasimulang magsipamanhik sa kaniya na siya'y umalis sa kanilang mga hangganan.

18 At habang lumululan siya sa daong, ay ipinamamanhik sa kaniya (F)ng inalihan ng mga demonio na siya'y ipagsama niya.

19 At hindi niya itinulot sa kaniya, kundi sa kaniya'y sinabi, Umuwi ka sa iyong bahay sa iyong mga kaibigan, at sabihin mo sa kanila kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka niya.

20 At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, at nagpasimulang ihayag sa (G)Decapolis kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus: at nangagtaka ang lahat ng mga tao.

21 At nang si (H)Jesus ay muling makatawid sa daong sa kabilang ibayo, ay nakipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.

22 (I)At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan,

23 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay.

24 At siya'y sumama sa kaniya; at sinundan siya ng lubhang maraming tao; at siya'y sinisiksik nila.

25 At isang babae (J)na may labingdalawang taon nang inaagasan,

26 At siya'y napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot, at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik, at hindi gumaling ng kaunti man, kundi bagkus pang lumulubha siya,

27 Na pagkarinig niya ng mga bagay tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya, at hinipo ang kaniyang damit.

28 Sapagka't sinasabi niya, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.

29 At pagdaka'y naampat ang kaniyang agas; at kaniyang naramdaman sa kaniyang katawan na magaling na siya sa salot niya.

30 At si Jesus, sa pagkatalastas niya agad sa kaniyang sarili na may umalis na (K)bisa sa kaniya, ay pagdaka'y pumihit sa karamihan at nagsabi, Sino ang humipo ng aking mga damit?

31 At sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sasabihin mo, Sino ang humipo sa akin?

32 At lumingap siya sa palibotlibot upang makita siya na gumawa ng bagay na ito.

33 Nguni't ang babae na natatakot at nangangatal, palibhasa'y nalalaman ang sa kaniya'y nangyari, lumapit at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.

34 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; yumaon kang payapa, at gumaling ka sa salot mo.

35 Samantalang nagsasalita pa siya, ay may nagsidating na galing sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae: bakit mo pa binabagabag ang Guro?

36 Datapuwa't hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinasalita, at nagsabi sa pinuno ng sinagoga, Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.

37 At hindi niya ipinahintulot na sinoma'y makasunod sa kaniya, liban kay (L)Pedro, at kay Santiago, at kay Juan na kapatid ni Santiago.

38 At nagsidating sila sa bahay ng pinuno sa sinagoga; at napanood niya ang pagkakagulo, at ang nagsisitangis, at nangagbubuntong-hininga ng labis.

39 At pagkapasok niya, ay kaniyang sinabi sa kanila, Bakit kayo'y nangagkakagulo at nagsisitangis? hindi patay ang bata, kundi natutulog.

40 At tinatawanan nila siya na nililibak. Datapuwa't, nang mapalabas na niya ang lahat, ay isinama niya ang ama ng bata at ang ina nito, at (M)ang kaniyang mga kasamahan, at pumasok sa kinaroroonan ng bata.

41 At pagkahawak niya sa kamay ng bata, ay sinabi niya sa kaniya, (N)Talitha cumi; na kung liliwanagin ay, Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.

42 At pagdaka'y nagbangon ang dalaga, at lumakad: sapagka't siya'y may labingdalawang taon na. At pagdaka'y nangagtaka silang lubha.

43 At ipinagbilin niya (O)sa kanilang mahigpit, na sinoman ay huwag makaalam nito: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.

Job 1

Ang pagkamatuwid ni Job at ang kaniyang kayamanan.

May isang lalake sa lupain ng (A)Uz, na ang pangalan ay (B)Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at (C)humihiwalay sa kasamaan.

At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.

Ang kaniyang pagaari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa't ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan.

At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa't isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila'y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila.

At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at (D)naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka't sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at (E)itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi.

(F)Isang araw nga nang ang mga (G)anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si (H)Satanas ay naparoon din naman na kasama nila.

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa (I)pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, (J)Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na (K)lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan.

Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios?

10 Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa't dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pagaari ay dumami sa lupain.

11 Nguni't pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan,

12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo'y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon.

Ang pagkasawing palad ni Job at ang kaniyang pagtitiis.

13 At nangyari isang araw, nang ang (L)kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.

14 Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila:

15 At dinaluhong ng mga (M)Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

16 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, (N)Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

17 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, (O)Ang mga Caldeo ay nagtatlong (P)pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

18 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, (Q)Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay:

19 At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila'y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

20 Nang magkagayo'y bumangon si Job, at (R)hinapak ang kaniyang balabal, at (S)inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba;

21 At sinabi niya, (T)Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: (U)ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.

22 (V)Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.

Roma 5

Yaman nga na (A)mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong (B)kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;

Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo (C)ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at (D)nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.

At hindi lamang gayon, kundi naman (E)nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian (F)na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan;

At ang katiyagaan, (G)ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa:

At ang pagasa ay (H)hindi humihiya; sapagka't ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Sapagka't (I)nang tayo ay mahihina pa ay (J)namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama.

Sapagka't ang isang tao'y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama't dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay.

Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.

Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap (K)sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo (L)sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.

10 Sapagka't (M)kung, noong tayo'y mga kaaway (N)ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo (O)sa kaniyang buhay;

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo.

12 Kaya, (P)kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y (Q)sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala:—

13 Sapagka't ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni't (R)hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, (S)na siyang anyo niyaong darating.

15 Datapuwa't gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka't kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo.

16 At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka't ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa't ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap.

17 Sapagka't kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.

18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating (T)sa lahat ng mga tao sa (U)ikaaaring-ganap ng buhay.

19 Sapagka't kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 At bukod sa rito ay pumasok (V)ang kautusan, upang ang pagsuway ay makapanagana; datapuwa't kung saan nanagana ang kasalanan, ay (W)nanaganang lubha ang biyaya:

21 Upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa ikamamatay, ay gayon din naman (X)ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng katuwiran sa (Y)ikabubuhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978