M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pangalawang mga Tapyas ng Bato(A)
10 “Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumapyas ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya nang una. Umakyat ka sa akin sa bundok at gumawa ka ng isang kaban na yari sa kahoy.
2 Isusulat ko sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.’
3 Kaya't gumawa ako ng isang kabang yari sa kahoy na akasya, at humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya nang una, at umakyat sa bundok na dala ang dalawang tapyas.
4 At kanyang isinulat sa mga tapyas ang ayon sa unang nasulat, ang sampung utos[a] na sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon; at ang mga iyon ay ibinigay sa akin ng Panginoon.
5 Ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at ang mga iyon ay naroroon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.
6 (At(B) ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Benyaakan hanggang sa Mosera. Doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing. Si Eleazar na kanyang anak ay nangasiwa sa katungkulang pari na kapalit niya.
7 Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgoda, at mula sa Gudgoda hanggang sa Jotbata, na lupain ng mga batis ng tubig.
8 Nang(C) panahong iyon ay ibinukod ng Panginoon ang lipi ni Levi upang magdala ng kaban ng tipan ng Panginoon, tumayo sa harapan ng Panginoon, maglingkod sa kanya, at upang magbigay ng basbas sa kanyang pangalan hanggang sa araw na ito.
9 Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana na kasama ng kanyang mga kapatid; ang Panginoon ay siyang kanyang mana, ayon sa sinabi ng Panginoon mong Diyos sa kanya.)
10 “Ako'y(D) namalagi sa bundok, gaya ng una, apatnapung araw at apatnapung gabi, at ako'y pinakinggan din noon ng Panginoon; ayaw ng Panginoon na puksain ka.
11 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, at pangunahan mo ang taong-bayan; sila'y papasok at kanilang aangkinin ang lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno upang ibigay sa kanila.’
Ang Hinihingi ng Panginoon
12 “At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Diyos? Kundi matakot ka sa Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo,
13 na tuparin ang mga utos ng Panginoon, at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti.
14 Bagaman, sa Panginoon mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon,
15 ang Panginoon ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito.
16 Tuliin ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo.
17 Sapagkat(E) ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga panginoon, siyang dakilang Diyos, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol.
18 Kanyang hinahatulan nang matuwid ang ulila at babaing balo, at iniibig ang mga nakikipamayan, na binibigyan niya ng pagkain at kasuotan.
19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan, sapagkat kayo'y naging mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.
20 Matakot ka sa Panginoon mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka.
21 Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay na nakita ng iyong mga mata.
22 Ang(F) iyong mga ninuno ay lumusong sa Ehipto na may pitumpung katao; at ngayo'y ginawa ka ng Panginoon mong Diyos na kasindami ng mga bituin sa langit.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
Nagkasakit si Hezekias(A)
38 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at halos mamamatay na siya. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay pumunta sa kanya, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay, at hindi ka na mabubuhay.”
2 Nang magkagayo'y ibinaling ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding, at nanalangin sa Panginoon.
3 Kanyang sinabi, “Alalahanin mo, O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo ng may katapatan at buong puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak na may kapaitan.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias:
5 “Humayo ka at sabihin mo kay Hezekias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ni David na iyong ama: Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha; narito, aking daragdagan ng labinlimang taon ang iyong buhay.
6 At aking ililigtas ka at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.
7 “Ito ang magiging tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kanyang ipinangako:
8 Narito, aking pababalikin ang anino sa mga baytang na pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw ng sampung baytang.” Sa gayo'y umurong ang anino ng araw ng sampung baytang sa mga baytang na binabaan nito.
9 Ang sulat ni Hezekias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kanyang sakit:
10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
ang iyong katapatan.
20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
sa bahay ng Panginoon.
21 Sinabi ni Isaias, “Magsikuha sila ng isang kimpal na igos, at ilagay na tapal sa bukol upang siya'y gumaling.”
22 Sinabi rin ni Hezekias, “Ano ang tanda na ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon?”
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta.
3 Dumating(A) ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono.
4 At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos.
5 At(B) kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta.
7 Hinipan(C) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat.
9 Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak.
10 Hinipan(D) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.
11 Ang(E) pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait.
12 Hinipan(F) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi.
13 At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, “Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit nang hipan ng tatlo pang anghel.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001