M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Amazias ng Juda(A)
25 Dalawampu't limang taon si Amazias nang siya'y maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jehoadan na taga-Jerusalem. 2 Naging kalugud-lugod kay Yahweh ang kanyang mga ginawa, ngunit hindi niya ginawa ang mga ito nang buong puso. 3 Nang matatag na siya sa kanyang paghahari, ipinapatay niya ang mga tauhan niya na pumatay sa kanyang amang hari. 4 Ngunit(B) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.”
Digmaan Laban sa Edom(C)
5 Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat. 6 Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak. 7 Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon! 8 Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.”
9 Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?”
Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.”
10 Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda.
11 Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay. 12 Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto. 13 Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam.
14 Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan. 15 Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?”
16 Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.”
Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.”
Dinigma ang Israel(D)
17 Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan. 18 Ito naman ang sagot ni Joas na hari ng Israel: “Ang dawag sa Lebanon ay nagpadala ng sugo sa sedar ng Lebanon upang sabihin, ‘Ang anak mong dalaga'y ipakasal mo sa aking anak.’ Ngunit may dumaang mabangis na hayop mula sa Lebanon at tinapakan ang dawag. 19 Sinasabi mong natalo mo ang Edom at ipinagmalaki mo iyon! Mabuti pa'y tumigil ka na sa bahay mo! Bakit lumilikha ka ng gulo na ikapapahamak mo at ng iyong bayan?”
20 Ngunit hindi ito pinansin ni Amazias sapagkat kalooban ng Diyos na mahulog sa kamay ni Joas ang Juda, bilang parusa sa pagsamba ni Amazias sa mga diyus-diyosan ng Edom. 21 Nagharap sa labanan si Haring Joas ng Israel at si Haring Amazias ng Juda, sa Beth-semes na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga kawal nito'y tumakas pauwi. 23 Ngunit nabihag ni Haring Joas si Haring Amazias at dinala ito sa Jerusalem. Winasak ni Joas ang pader ng lunsod mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuan sa Sulok, mga 180 metro ang haba. 24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak at mga kagamitan sa Templo ng Diyos na nasa pag-iingat ng mga anak ni Obed-Edom. Sinamsam din niya ang mga kayamanan sa palasyo at nagdala pa siya sa Samaria ng mga bihag.
25 Labinlimang taon pang nabuhay si Haring Amazias ng Juda mula nang mamatay si Haring Joas ng Israel. 26 Ang iba pang mga ginawa ni Amazias mula sa pasimula hanggang sa wakas ng kanyang paghahari ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Mula nang sumuway siya kay Yahweh, nagkaroon ng sabwatan sa Jerusalem laban sa kanya kaya't tumakas siya patungong Laquis, ngunit sinundan siya roon at pinatay. 28 Ang kanyang bangkay ay isinakay sa kabayo at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David.
Ang Babae at ang Dragon
12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. 2 Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.
3 Isa(A) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. 4 Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. 5 Ang(C) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.
7 Pagkaraan(D) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. 8 Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. 9 Itinapon(E) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.
10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”
13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit(G) ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. 17 Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. 18 At ang dragon ay tumayo[a] sa dalampasigan.
Ipinangako ang Muling Pagsasaya sa Jerusalem
8 Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 2 “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. 3 Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 4 Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. 5 Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. 6 Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. 7 Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, 8 at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.”
9 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. 10 Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. 12 Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. 13 Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.”
14 Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. 15 Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. 16 Ganito(A) ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. 17 Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.”
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, 19 “Sabihin mo sa kanila na ang mga araw ng pag-aayuno tuwing ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ng taon ay gagawin kong araw ng kagalakan at pagdiriwang ng Juda. Kaya't pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.”
20 Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba't ibang bayan. 21 Aanyayahan nila ang bawat isa, ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.’ 22 Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa kanya ng pagpapala. 23 Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawat Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.”
Ang Pagkamatay ni Lazaro
11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. 2 Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”
8 Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”
9 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”
12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.
13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”
Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay
17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”
23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.
24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”
25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”
Tumangis si Jesus
28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”
29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. 31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.
Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”
35 Tumangis si Jesus. 36 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” 37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?”
Muling Binuhay si Lazaro
38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.
Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.”
Ang Balak Laban kay Jesus(D)
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. 46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. 48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! 50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” 51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa 52 at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. 53 Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. 54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.
55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. 56 Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.