M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Nagawa ni Solomon(A)
8 Ipinatayo ni Solomon ang kanyang palasyo at ang Templo ni Yahweh sa loob ng dalawampung taon. 2 Pagkatapos, ipinatayo niyang muli ang mga lunsod na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatira niya roon ang mga Israelita. 3 Sinalakay niya at sinakop ang Hamat-Zoba. 4 Itinayo niya ang lunsod ng Palmera na nasa disyerto, at ang mga lunsod-imbakan na itinayo niya sa Hamat. 5 Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang. 6 Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian. 7-8 Sapilitan niyang pinagtrabaho hanggang sa mga panahong ito ang mga Cananeong hindi napatay ng mga Israelita noong sakupin nila ang lupain ng Canaan. Kabilang dito ang mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at ang mga Jebuseo. 9 Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe. 10 Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250.
11 Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.”
12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. 13 Ginawa(B) niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. 14 Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. 15 Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo.
16 At natapos ang mga ipinagawa ni Solomon, mula sa paglalagay ng pundasyon ng Templo hanggang sa mayari ito.
17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at sa Elot na nasa baybayin ng dagat sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko at mga bihasang magdaragat na mangangasiwa niyon. Pumunta sila sa Ofir kasama ng mga tauhan ni Haring Solomon. Nang bumalik sila ay may dala silang 15,750 kilong ginto na ibinigay nila kay Solomon.
1 Mula(A) sa Matandang pinuno ng iglesya—
Para kay Gayo na lubos kong minamahal.
2 Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal. 3 Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito. 4 Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.
Pinarangalan si Gayo
5 Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala. 6 May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, 7 sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos. 8 Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan.
Si Diotrefes at si Demetrio
9 Sumulat ako sa iglesya subalit hindi kami kinilala ni Diotrefes; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno. 10 Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating at hinahadlangan pa niya at pinapalayas sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama. Sa halip, tularan mo ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos.
12 Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan din ang patotoo ng katotohanan tungkol sa kanya. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin.
Pangwakas
13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng panulat at tinta. 14 Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon.
15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan.
Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Isa-isa mong batiin ang lahat ng ating mga kaibigan diyan.
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:[a]
2 O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
3 Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
4 Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
5 Nagpapadala siya ng karamdaman
at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
6 Huminto siya at nayanig ang lupa;
sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
7 Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
8 Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
9 Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
at bumula ang malawak na karagatan.
16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
at ako'y nalugmok.
Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.
17 Bagama't di namumunga ang puno ng igos
at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
at mawala ang mga baka sa kulungan,
18 magagalak pa rin ako at magsasaya,
dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19 Ang(A) Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
Ang Balak Laban kay Jesus(A)
22 Malapit(B) nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. 2 Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)
3 Noon(D) nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. 4 Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. 5 Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. 6 Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.
Paghahanda para sa Pista ng Paskwa(E)
7 Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. 8 Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.”
9 “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.
10 Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ 12 Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”
13 Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa.
Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(F)
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(G) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]
21 “Ngunit(H) kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
Ang Pinakadakila
24 Nagtalu-talo(I) rin ang mga alagad kung sino sa kanila ang dapat kilalaning pinakadakila. 25 Kaya't(J) sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila'y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit(K) hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino(L) ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.
28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y(M) kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”
Ang Pagkakaila ni Pedro(N)
31 “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
Paghahanda sa Darating na Pagsubok
35 Pagkatapos(O) nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”
“Hindi po,” tugon nila.
36 Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may balutan o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi(P) ko sa inyo, dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” 38 Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.
Nanalangin si Jesus(Q)
39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”
41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][b]
45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Pagdakip kay Jesus(R)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, 48 subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”
49 Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” 50 Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.
51 Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.
52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa mga pinuno ng bayan na pumunta roon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw(S) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Ikinaila ni Pedro si Jesus(T)
54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila na malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!”
57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Babae, ni hindi ko siya kilala!”
58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y sinabihan, “Ikaw man ay kasamahan nila.”
Ngunit sumagot siya, “Ginoo, hindi nila ako kasama!”
59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Siguradong kasama ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.”
60 Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!”
Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.
Kinutya at Binugbog si Jesus(U)
63 Samantala, si Jesus ay kinutya at binugbog ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Siya'y piniringan nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.
Sa Harapan ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(V)
66 Kinaumagahan ay nagkatipon ang mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at siya'y kanilang tinanong, 67 “Sabihin mo sa amin, ikaw nga ba ang Cristo?”
Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. 68 Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. 69 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.”
70 “Ibig mo bang sabihin, ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat.
“Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya.
71 “Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!” sabi nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.