Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Mga Hari 2

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(A) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(B) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[d] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”

Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.

Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”

Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico

19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”

20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.

23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.

25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.

2 Tesalonica 2

Ang Suwail

Mga(A) kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail[a] na itinakda sa kapahamakan.[b] Itataas(B) niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.

Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus],[c] papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.

Paglitaw(C) ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10 Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11 Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.

Hinirang Upang Maligtas

13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya[d] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.

16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita.

Daniel 6

Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon

Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”

Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.

10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. 11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, 12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”

Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”

13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”

14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. 15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”

16 Dahil(A) dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.

19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”

21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala(B) pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”

23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.

25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.

“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
    at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
    at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
    gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”

28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.

Mga Awit 112-113

Mapalad ang Mabuting Tao

112 Purihin si Yahweh!

Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
    at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
    pati mga angkan ay may pagpapala.
Magiging sagana sa kanyang tahanan,
    pagpapala niya'y walang katapusan.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
    kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
    kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
    di malilimutan kahit isang saglit.

Masamang balita'y hindi nagigitla,
    matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Wala siyang takot, hindi nangangamba,
    alam na babagsak ang kaaway niya.
Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
    pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
    buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
    lumalayas silang mabagsik ang mukha;
    pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

113 Purihin si Yahweh!

Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.

Purihin si Yahweh!