M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Trumpetang Pilak
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. 3 Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. 4 Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. 5 Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. 6 Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. 7 Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. 8 Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 9 Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita
11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.
14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.
17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.
18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.
21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.
22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.
25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.
29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”
30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.
31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.
33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.
35 Tuwing(A) ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:
“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”
36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:
“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”[a]
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[e]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
8 Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2 Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3 Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5 Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6 Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7 Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8 Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9 Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10 Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11 May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12 Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13 Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14 Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.
Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari
8 Ito(A) ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. 2 Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.
3 Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. 4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang(B) paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” 6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.
7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. 8 Ngunit(C) nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya,
“Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong tipan sa bayang Israel at sa bayang Juda.
9 Hindi ito magiging katulad ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
nang ilabas ko sila sa Egipto.
Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya't sila'y aking pinabayaan.
10 Ganito ang gagawin kong tipan sa bayan ng Israel
pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos;
isusulat ko ito sa kanilang puso.
Ako ang kanilang magiging Diyos,
at sila ang aking magiging bayan.
11 Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing,
‘Kilalanin mo ang Panginoon.’
Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan,
at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.”
13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.