M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Digmaan nina Abias at Jeroboam(A)
13 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. 2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea.
Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias. 3 Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000. 4 Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel! 5 Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon. 7 Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa.
8 “Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo. 9 Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan. 10 Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita. 11 Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya. 12 Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda. 14 Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta. 15 Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda. 16 Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda. 17 Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay. 18 Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 19 Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito. 20 Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh. 21 Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae. 22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Sardis
3 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis:
“Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Alam ko ang ginagawa mo; ang alam ng marami, ikaw ay buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. 2 Kaya't gumising ka! Palakasin mo ang nalalabi pa sa iyo upang hindi ito tuluyang mamatay. Sapagkat nakita kong hindi ganap sa paningin ng aking Diyos ang mga nagawa mo. 3 Kaya(A) nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating.
4 “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na napanatiling walang dungis ang kanilang damit, kaya't kasama ko silang maglalakad na nakasuot ng puting damit sapagkat sila'y karapat-dapat. 5 Ang(B) magtatagumpay ay dadamitan ng puti, at hindi ko kailanman buburahin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Filadelfia
7 “Isulat(C) mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:
“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya. 8 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. 9 Tingnan(D) mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. 10 Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! 11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. 12 Ang(E) magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea
14 “Isulat(F) mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:
“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway(G) ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. 21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Iniutos ni Yahweh na Muling Itayo ang Templo
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak.
2 Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.” 3 Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan, 4 “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? 5 Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo? 6 Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya. 7 Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari? 8 Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.”
9 “Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak. 10 Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago. 11 Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.”
Sinunod ng Sambayanan ang Utos ni Yahweh
12 Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos. 13 Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.” 14 Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos, 15 noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario.
Ang Unang Himala ni Jesus
2 Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”
4 Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[a] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”
5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6 May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. 7 Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”
At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”
11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos(A) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.
Pagmamalasakit para sa Templo(B)
13 Malapit(C) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17 Naalala(D) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19 Sumagot(E) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.
by