Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 8

Bumalik ang Babaing Taga-Sunem

Sinabi(A) ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”

Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.

Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”

Ang Paghahari ni Hazael sa Siria

Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”

10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” 11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael[a] hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. 12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13 “Paano(B) ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.

Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” 14 At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.

Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”

Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. 15 Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.

At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(C)

16 Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel,[b] si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. 17 Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. 18 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. 19 Gayunman,(D) hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.

20 Sa(E) panahon ni Jehoram,[c] naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 22 Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom.[d] Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.

23 Ang iba pang ginawa ni Jehoram[e] ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda(F)

25 Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. 26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. 27 Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh.

28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, 29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito.

1 Timoteo 5

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.

Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang(A) biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.

Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,[a] 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob[b] sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.

16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.

17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”

19 Huwag(C) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.

20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.

21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.

23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.

24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.

Daniel 12

Pahayag tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa(A) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling(B) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. Daniel,(C) ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.”

Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?”

Itinaas(D) ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.”

Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?”

Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. 10 Marami(E) ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. 11 Lilipas(F) ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. 12 Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. 13 Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”

Mga Awit 119:49-72

Pananalig sa Kautusan ni Yahweh

(Zayin)

49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
    pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
    pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
    ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
    ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
    yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
    ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
    Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
    kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.

Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh

(Kheth)

57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
    sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
    ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
    sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
    ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
    sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
    mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
    ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.

Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh

(Tet)

65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
    kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
    yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
    nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
    sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
    ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
    ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
    pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
    ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.