M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pangalawang Sensus
26 Pagkalipas(A) ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.” 3 Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 4 Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto:
5 Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu, 6 Hesron at Carmi. 7 Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730. 8 Ang anak ni Fallu ay si Eliab 9 at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh. 10 Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan. 11 Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah.
12 Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin, 13 Zera at Saul. 14 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200.
15 Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500.
19 Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay 20 ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara, 21 Hezron at Hamul. 22 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500.
23 Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua, 24 Jasub at Simron. 25 Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300.
26 Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel. 27 Silang lahat ay 60,500.
28 Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim.
29 Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec, 31 Asriel, Shekem, 32 Semida, at Hefer. 33 Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 34 Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700.
35 Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan. 36 Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan. 37 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose.
38 Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram, 39 Sufam, at Hufam. 40 Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman. 41 Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600.
42 Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham 43 na ang kabuuang bilang ay 64,400.
44 Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria. 45 Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel. 46 Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera. 47 Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400.
48 Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni, 49 Jezer at Silem. 50 Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400.
51 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730.
Ang Paghahati ng Lupain
52 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, 53 “Hatiin mo ang lupain ayon sa laki ng bawat lipi. 54 Malaki ang kaparte ng malaking lipi at maliit ang sa maliit na lipi. Ang kaparte ng bawat lipi ay ayon sa dami ng kanyang bilang. 55 Ang lupain ay hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan, sa pangalan ng bawat lipi. 56 Ang pagtatakda ng kaparte ng bawat lipi ay dadaanin sa palabunutan.”
Ang Lipi ni Levi
57 Ang lipi naman ni Levi ay binubuo ng mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari. 58 Kabilang din sa liping ito ang mga sambahayan ni Libni, Hebron, Mahli, Musi at Korah. Si Kohat ang ama ni Amram, 59 na napangasawa ni Jocebed na kabilang din sa lipi ni Levi. Isinilang si Jocebed sa Egipto. Naging anak nila sina Aaron, Moises at Miriam. 60 Naging(C) anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Sina(D) Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y gumamit ng apoy na di karapat-dapat kay Yahweh. 62 Lahat-lahat, ang natala sa lipi ni Levi ay 23,000, mula sa gulang na isang buwan pataas. Sila'y hindi kabilang sa talaan ng Israel sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
Sina Caleb at Josue Lamang ang Natira
63 Ito ang mga Israelitang binilang at inilista ni Moises at ng paring si Eleazar sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa may tapat ng Jerico. 64 Dito'y walang kasama isa man sa mga Israelitang itinala nina Moises at Aaron noong sila'y nasa Bundok ng Sinai. 65 Ang(E) mga ito'y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh.
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
16 Mula sa Lunsod ng Sela sa disyerto,
nagpadala ang mga taga-Moab ng mga batang tupa
bilang regalo sa namamahala sa Jerusalem.
2 Naghihintay sila sa baybayin ng batis ng Arnon,
pabalik-balik sa paglalakad na parang mga ibong nabulabog sa kanilang pugad.
3 Sasabihin nila sa mga taga-Juda:
“Sabihin ninyo sa amin ang aming gagawin;
at bigyan ng katarungan;
takpan ninyo kami, tulad ng lilim ng punongkahoy
kapag katanghaliang-tapat,
papagpahingahin ninyo kami
sa ilalim ng inyong mayayabong na sanga.
Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin;
kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila.
4 Patirahin ninyo kami sa inyong bayan,
kaming mga pinalayas sa Moab.
Ingatan ninyo kami
sa nagnanais na pumatay sa amin.”
At lilipas ang pag-uusig,
mawawala ang mamumuksa,
at aalis ang nananalanta sa lupain.
5 At dahil sa wagas na pag-ibig, itatatag ang isang trono,
at uupo doon ang isang hahatol nang tapat;
magmumula siya sa angkan ni David,
isang tagapamahalang makatarungan,
at mabilis sa paggawa ng matuwid.
6 Sasabihin ng mga taga-Juda:
“Nabalitaan namin ang kataasan ng mga taga-Moab,
ang kanilang kasinungalingan at pandaraya,
ngunit walang saysay ang kanilang kayabangan.”
7 Kaya tatangisan ng mga taga-Moab ang kanilang lunsod,
sama-sama silang mananaghoy
dahil sa kanilang paghihirap,
sa tuwing maaalala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-Hareset.
8 Sisirain ang mga bukiring malapit sa Hesbon,
at ang mga ubasan sa Sibma,
na pinagkukunan ng alak ng mga pinuno ng mga bansa.
Ubasang abot sa Jazer
hanggang sa disyerto,
at lampas pa hanggang sa kabila ng dagat.
9 Kaya tatangisan kong kasama ng Jazer
ang mga ubasan ng Sibma.
Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale
sapagkat wala silang aanihin upang magsaya ang bayan.
10 Maglalaho ang tuwa at kagalakan
sa kanyang masaganang bukirin.
Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan.
Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan
at tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan.
11 Kaya parang malungkot na himig ng alpa ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng Moab.
Nagdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-heres.
12 Umahon man ang mga taga-Moab
sa kanilang mga altar sa mga sagradong burol,
at magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga santuwaryo,
wala ring kabuluhan ang kanilang panalangin.
13 Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab. 14 Ngunit ito naman ang sinasabi niya ngayon: “Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang malaking kayamanan ng Moab. Sa marami niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira at mahihina pa.”
Ang Panibagong Buhay
4 Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. 2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, 5 ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
Ang Pagtitiis ng Cristiano
12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.
17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(B) ng sinasabi ng kasulatan,
“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”
19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.