M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Ikawalong Salot: Ang mga Balang
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Pinagmatigas ko ang kanyang kalooban at ng kanyang mga tauhan para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. 2 Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.”
3 Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 4 Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa. 5 Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy. 6 Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.
7 Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”
8 Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”
9 Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.”
10 Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama. 11 Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon.
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at dadagsa sa buong Egipto ang makapal na balang. Uubusin ng mga ito ang mga halamang hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo.” 13 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang 14 at(A) ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain.
16 Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. 17 Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.” 18 Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin. 19 Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula;[a] isa ma'y walang natira sa Egipto. 20 Ngunit pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon; hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita.
Ang Ikasiyam na Salot: Ang Kadiliman sa Egipto
21 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” 22 Ganoon(C) nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. 23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.
24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”
25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. 26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”
27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. 28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”
29 “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.”
Magsisi Upang Hindi Mapahamak
13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. 4 At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”
Ang Talinghaga ng Puno ng Igos
6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”
Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba
10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos.
14 Ngunit(A) nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
15 Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(B)
18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(C)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[a] kaya't umalsa ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(D)
22 Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”
Sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Sasagot(E) naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Iiyak(F)(G) kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay(H) ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(I)
31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!
Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(J) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Papuri sa Karunungan
28 “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay,
at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay.
2 Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa,
at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha.
3 Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman,
ginagalugad pati ang kailaliman
upang humukay ng batong yaman.
4 Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan
na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay,
nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan.
5 Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain,
ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim.
6 Nasa mga bato ang mga safiro,
nasa alabok naman ang gintong puro.
7 Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin,
kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin.
8 Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis,
hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik.
9 “Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas,
pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag.
10 Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan,
mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan.
11 Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton,
at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.
20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.
23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.
28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”
Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. 2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. 3 Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. 4 Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.
5 Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. 6 Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.
7 Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? 9 Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.
10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.
13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.
18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:
“Sinabi ng Panginoon,
‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
Kaayusan sa Iglesya
26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.[a]
36 Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.