Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 14

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Shinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim ay nakipaglaban kina Haring Bera ng Sodom, Haring Birsha ng Gomora, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboyim, at sa hari ng Bela na tinatawag din na Zoar. Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay. Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng 12 taon, pero nang ika-13 taon, nagrebelde sila laban sa kanya.

At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar.

Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Shinar, at Haring Arioc ng Elasar – limang hari laban sa apat na hari. 10 Ngayon, ang Lambak ng Sidim ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodom at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, pero ang iba nilang kasama ay tumakas sa mga bundok. 11-12 Ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomora pati ang mga pagkain nila ay kinuha ng mga kalaban nila. Nabihag din nila si Lot na pamangkin ni Abram at kinuha ang mga ari-arian nito, dahil doon siya nakatira sa Sodom. Pagkatapos itong makuha ng mga kalaban, umalis agad sila.

13 Ngayon, may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Eshcol at Aner ang mga kakampi ni Abram. 14 Nang marinig ni Abram na binihag ang kamag-anak nila, tinipon niya agad ang 318 niyang tauhan na talagang maaasahan, at hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan. 15 Kinagabihan, hinati ni Abram ang mga tauhan niya at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damascus. 16 Binawi nila ang lahat ng ari-arian na inagaw ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao.

Binasbasan ni Melkizedek si Abram

17 Nang umuwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang hari, sinalubong siya ng hari ng Sodom sa Lambak ng Save (na tinatawag din na Lambak ng Hari).

18 Sinalubong din siya ni Haring Melkizedek ng Salem at pari ng Kataas-taasang Dios. May dala si Melkizedek na pagkain at inumin. 19 Binasbasan niya si Abram at sinabing:

“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Dios
na lumikha ng langit at mundo.
20 Purihin ang Kataas-taasang Dios
na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”

Pagkatapos, ibinigay ni Abram kay Melkizedek ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na nakuha niya sa labanan.

21 Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, “Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko.”

22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodom, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na siyang lumikha ng langit at mundo, 23 na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-arian na galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, para hindi mo masabing ikaw ang nagpayaman sa akin. 24 Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Eshcol at Mamre na sumama sa akin sa pagkuha ng bahagi nila sa mga bagay na nakuha mula sa labanan.”

Mateo 13

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Nang araw ding iyon, lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya,

“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa, lumago at namunga. Ang ibaʼy napakarami ng bunga, ang ibaʼy marami-rami, at ang iba namaʼy katamtaman lang.[a] Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”[b]

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

10 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” 11 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios,[c] pero hindi ito ipinagkaloob sa iba. 12 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. 13 Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa. 14 Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:

    ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa.
    Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
    Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit ang kanilang mga mata,
    dahil baka makakita sila at makarinig,
    at maunawaan nila kung ano ang tama,
    at magbalik-loob sila sa akin,
    at pagalingin ko sila.’[d]

16 Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa kanilang panahon.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)

18 “Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik: 19 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Dios pero hindi nakaunawa. Dumating si Satanas at inagaw ang salita sa kanilang puso. 20 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap agad. 21 Ngunit hindi taimtim sa puso ang kanilang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na kanilang tinanggap, agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 22 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila. 23 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios at nakakaunawa nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy napakarami ang bunga, ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy katamtaman lang.”[e]

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Muling nagbigay ng talinghaga si Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Pero kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo at umalis. 26 Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang masasamang damo. 27 Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga alipin at sinabi, ‘Hindi po ba mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ba ito nagkaroon ng masasamang damo?’ 28 Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang masasamang damo?’ 29 Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. 30 Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang masasamang damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ”

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(D)

31 Ikinuwento pa sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng isang buto ng mustasa[f] na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halamang gulay, na parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(E)

33 Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Jesus: “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng pampaalsang inihalo ng babae sa isang malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Ang Paggamit ni Jesus ng mga Paghahalintulad o mga Talinghaga(F)

34 Gumamit si Jesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios. Hindi siya nangaral sa mga tao nang hindi sa pamamagitan nito. 35 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Dios sa pamamagitan ng kanyang propeta:

    “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad.
    Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”[g]

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa isang bahay. Nilapitan siya ng mga tagasunod niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ako na Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Dios. Ang masasamang damo naman ay ang mga sakop ni Satanas. 39 Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel. 40 Kung paanong binubunot at sinusunog ang masasamang damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. 41 Ako na Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa aking kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba. 42 Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.[h] 43 Pero ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”

Ang Paghahalintulad sa Natatagong Kayamanan

44 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago[i] niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”

Ang Paghahalintulad sa Perlas

45 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din nito: May isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Ang Paghahalintulad sa Lambat

47 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kwenta[j] ay itinapon nila. 49 Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”

51 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?” Sumagot sila, “Opo.” 52 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na naturuan tungkol sa kaharian ng Dios ay maitutulad sa isang may-ari ng bahay na maraming ari-arian sa bodega niya. Hindi lang ang mga lumang bagay ang kanyang inilalabas sa bodega kundi pati ang mga bago.”[k]

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(G)

53 Pagkatapos mangaral ni Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga ay umalis na siya. 54 Pumunta siya sa sarili niyang bayan at nangaral doon sa kanilang sambahan. Nagtaka sa kanya ang mga kababayan niya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan at ang kapangyarihang gumawa ng himala? 55 Hindi baʼt anak siya ng karpintero? Hindi baʼt si Maria ang kanyang ina at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56 Hindi baʼt ang lahat ng kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin? Saan niya nakuha ang ganyang kakayahan?” 57 At hindi nila siya pinaniwalaan. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban lang sa sarili niyang bayan at pamilya.” 58 Kaya hindi gumawa si Jesus ng maraming himala roon dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.

Nehemias 3

Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem

Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan[a] at sa Tore ni Hananel. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri.

Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda.[b] Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.

Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain.

Ang nagtayo ng Lumang Pintuan[c] ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.

Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. 10 Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya.

11 Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. 12 Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.

13 Ang nagtayo ng pintuang nakaharap sa lambak ay si Hanun at ang mga taga-Zanoa. Ikinabit nila ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka. Ipinatayo rin nila ang 450 metro na pader sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.

14 Ang nagtayo ng pintuan ng pinagtatapunan ng basura ay ang anak ni Recab na si Malkia, na pinuno ng distrito ng Bet Hakerem. Ikinabit niya ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka.

15 Ang nagtayo ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Col Hoze na si Shalum, na pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito, ikinabit ang mga pinto at ginawan ng mga trangka. Itinayo rin niya ang pader ng paliguan sa Siloam, malapit sa hardin ng hari, hanggang sa hagdanang pababa mula sa Lungsod ni David. 16 Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet Zur. Itinayo niya ang pader na nakaharap sa libingan[d] ni David hanggang sa pinag-iimbakan ng tubig at sa kampo ng mga sundalo.

17 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga Levita na pinamumunuan ni Rehum na anak ni Bani. Ang sumunod sa kanya ay si Hashabia na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 18 Ang sumunod sa kanya ay ang mga kababayan niya na pinamumunuan ng anak ni Henadad na si Binui,[e] na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 19 Ang sumunod ay ang anak ni Jeshua na si Ezer na pinuno ng Mizpa. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bodega ng mga sandata hanggang sa sulok ng pader. 20 Ang sumunod naman ay si Baruc na anak ni Zabai. Buong sipag niyang itinayo ang bahagi ng pader mula sa sulok nito hanggang sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib na punong pari. 21 Ang sumunod sa kanya ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib hanggang sa dulo ng bahay nito.

22 Ang sumunod na nagtayo ng bahagi ng pader ay ang mga pari sa paligid ng Jerusalem. 23 Ang sumunod sa kanila ay sina Benjamin at Hashub. Itinayo nila ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay nila. Ang sumunod sa kanila ay si Azaria na anak ni Maaseya at apo ni Anania. Itinayo niya ang bahagi ng pader sa bandang gilid ng bahay niya. 24 Ang sumunod ay si Binui na anak ni Henadad. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bahay ni Azaria hanggang sa sulok ng pader. Isa pang bahagi ng pader na ito ang kanyang ipinatayo. 25 Ang sumunod naman ay si Palal na anak ni Uzai. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa sulok ng pader at ng nakausling tore sa palasyo, malapit sa pinagpupwestuhan ng mga guwardya. Ang sumunod sa kanya ay si Pedaya na anak ni Paros, 26 at ang mga utusan sa templo na nakatira sa may bulubundukin ng Ofel. Itinayo nila ang bahagi ng pader pasilangan, hanggang sa Pintuan ng Tubig at sa nakausling tore. 27 Ang sumunod sa kanila ay ang mga taga-Tekoa. Itinayo nila ang bahagi ng pader mula sa malalaking toreng nakausli hanggang sa pader ng Ofel. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo.

28 Ang nagtayo ng bahagi ng pader na paahon mula sa Pintuan ng mga Kabayo ay ang mga pari. Itinayo ng bawat isa sa kanila ang bahagi na nakaharap sa bahay nila. 29 Ang sumunod sa kanila ay si Zadok na anak ni Imer. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Shecania na si Shemaya, na guwardya ng Pintuan sa Silangan. 30 Ang sumunod sa kanya ay si Hanania na anak ni Shelemia at si Hanun na ikaanim na anak ni Salaf. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo. Ang sumunod sa kanila ay si Meshulam na anak ni Berekia. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. 31 Ang sumunod naman ay si Malkia na isang platero. Itinayo niya ang bahagi ng pader hanggang sa tinitirhan ng mga utusan sa templo at ng mga mangangalakal, na nakaharap sa Pintuan ng Pinagtitipunan, at hanggang sa kwarto sa sulok na nasa itaas ng pader. 32 Ang nagtayo ng bahagi ng pader mula sa kwartong iyon hanggang sa pintuan na tinatawag na Tupa ay ang mga platero at mga mangangalakal.

Gawa 13

Ipinadala sina Bernabe at Saulo ng Banal na Espiritu

13 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata[a] ni Gobernador Herodes, at si Saulo. Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.

Ang Unang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus. Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain. Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus. Kaibigan siya ni Sergius Paulus, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Dios. Pero hinadlangan sila ng salamangkerong si Elimas. (Ito ang pangalan ni Bar Jesus sa wikang Griego.) Ginawa niya ang lahat ng paraan para huwag sumampalataya ang gobernador kay Jesus. Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi, 10 “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon. 11 Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya. 12 Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.

Nangaral si Pablo sa Antioc ng Pisidia

13 Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem. 14 Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon. 15 May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[b]

26 “Mga kapatid, na mula sa lahi ni Abraham at mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios, tayo ang pinadalhan ng Dios ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan. 27 Pero ang mga Judiong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Pero sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Jesus ng kamatayan. 28 Kahit wala silang matibay na ebidensya para patayin siya, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay si Jesus. 29 Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na mangyari kay Jesus, kinuha nila siya sa krus at inilibing. 30 Pero muli siyang binuhay ng Dios. 31 At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus. 32 At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, 33 na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,

    ‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’[c]

34 Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,

    ‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’[d]

35 At sinabi pa sa isa pang Salmo,

    ‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’[e]

36 Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok. 37 Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok. 38-39 Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.
    Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”[f]

42 Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.

Bumaling si Pablo sa mga Hindi Judio

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon. 45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda. 46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita. 47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:

    ‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”

48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.

49 Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon. 50 Pero sinulsulan ng mga pinuno ng mga Judio ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila. At tumuloy sila sa Iconium. 52 Ang mga tagasunod ni Jesus doon sa Antioc ay puspos ng Banal na Espiritu at masayang-masaya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®