M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Manases ng Juda(A)
33 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. 2 Hindi(B) kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. 3 Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. 4 Nagtayo(C) siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. 5 Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. 6 Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. 7 Pati(D) ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. 8 Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” 9 Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.
Ang Pagsisisi ni Manases
10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. 11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbaba siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. 13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.
14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. 15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Manases(E)
18 Ang iba pang ginawa ni Manases, ang panalangin niya sa kanyang Diyos at ang mga pahayag ng mga propetang nagsalita sa kanya sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 19 Ang kanyang panalangin at ang kasagutan ng Diyos dito, gayundin ang mga kasalanang ginawa niya ay nakasulat naman sa Kasaysayan ng mga Propeta. Naroon din ang tungkol sa mga ipinatayo niyang mga sambahan ng mga pagano, ang mga ipinagawa niyang larawan ni Ashera at ang mga ginawa niyang diyus-diyosan bago siya nagbalik-loob sa Diyos. 20 Namatay si Manases at inilibing sa kanyang palasyo. Humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ammon.
Si Haring Ammon ng Juda(F)
21 Si Ammon ay dalawampu't dalawang taóng gulang nang maging hari at dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. 22 Tulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sumamba siya at naglingkod sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanyang ama. 23 Ngunit hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba kay Yahweh. Mas malaki ang kanyang naging kasalanan kaysa sa kanyang ama. 24 Nagsabwatan ang kanyang mga tauhan at pinatay siya ng mga ito sa loob ng palasyo. 25 Nagalit naman ang mga taong-bayan at ang mga tauhang iyo'y pinatay din nila. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.
19 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! 2 Matuwid(A) at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” 3 Muli(B) silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” 4 Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!”
Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero
5 May(C) nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” 6 Pagkatapos(D) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. 8 Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
9 At(E) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”
10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Kabayong Puti
11 Pagkaraan(F) nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang(G) nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. 13 Basang-basa(H) sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May(I) matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Nakita(J) ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya nang malakas at tinawag ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon para
sa malaking handaan ng Diyos! 18 Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!”
19 At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. 20 Nabihag(K) ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. 21 Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.
Iniibig ni Yahweh ang Israel
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias.[a] Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel:
2 “Inibig(A) (B) ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi, 3 at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”
4 Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’” 5 Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”
Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari
6 Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ 7 Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar 8 sa(C) tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?
9 “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. 10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. 11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. 12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! 13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? 14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
18 Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. 2 Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?”
5 “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
At sinabi niya, “Ako iyon.”
Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. 6 Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa.
7 Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?”
“Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila.
8 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” 9 Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”
10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Sinabi(B) ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” 12 Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan.
Si Jesus sa Harapan ni Anas
13 Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. 14 Si(C) Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan.
Ikinaila ni Pedro si Jesus(D)
15 Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. 16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. 17 Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”
“Hindi,” sagot ni Pedro.
18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din.
Tinanong si Jesus sa Harapan ng Pinakapunong Pari(E)
19 Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”
22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya.
23 Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”
24 Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari.
Muling Ikinaila ni Pedro si Jesus(F)
25 Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?”
Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya.
26 Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” 27 Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok.
Dinala si Jesus kay Pilato(G)
28 Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. 29 Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?”
30 Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.”
31 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.”
Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” 32 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”
37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
38 “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(I)
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”
40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.