Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 23

Ang Mga Huling Pangungusap ni David

23 Pinatanyag ng Kataas-taasang Dios si David na anak ni Jesse. Pinili siya ng Dios ni Jacob para maging hari, at sumulat siya ng magagandang awit ng Israel. Ito ang mga huling pangungusap niya:

“Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ko;
    ang mga mensahe niyaʼy nasa aking mga labi.
Sinabi sa akin ng Dios, na bato na kanlungan ng Israel,
    ‘Ang namumuno nang matuwid at may takot sa Dios,
tulad ng liwanag ng araw na sumisikat sa umaga na walang maitim na ulap,
    na nagpapakinang sa mga damo pagkatapos ng ulan!’
Ganyan ang pamilya ko sa paningin ng Dios,
    at gumawa siya ng kasunduang walang hanggan sa akin.
    Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.
    Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Dios
    at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.
6-7 Ngunit ang masasamang taoʼy gaya ng matitinik na mga halaman na itinatapon.
    Hindi sila pwedeng kunin sa pamamagitan lang ng kamay, kailangan pa itong gamitan ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,
    at susunugin sila sa lugar na kinaroroonan nila.”

Ang Matatapang na Tauhan ni David(A)

Ito ang mga matatapang na tauhan ni David:

Si Josheb Bashebet na taga-Takemon ang nangunguna sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 800 tao sa pamamagitan ng sibat niya.

Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai na angkan ni Ahoa, na isa sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Isa siya sa mga kasama ni David na humamon sa mga Filisteong nagtipon sa Pas Damim[a] sa pakikipaglaban. Tumakas ang mga Israelita, 10 pero nagpaiwan siya at pinagpapatay niya ang mga Filisteo hanggang sa mapagod na ang kamay niya at manigas sa pagkahawak sa espada. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon. Bumalik kay Eleazar ang mga tumakas na Israelita para kunin ang mga armas ng mga namatay.

11 Ang sumunod ay si Shama na anak ni Agee na taga-Harar. Isang araw, nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, at sinalakay nila ang mga Israelita sa taniman ng mga gisantes. Tumakas ang mga Israelita, 12 pero nagpaiwan si Shama sa gitna ng taniman para protektahan ito, at pinatay niya ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon.

13 Nang panahon ng tag-ani, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong taong itoʼy kasama sa 30 matatapang na tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim 14 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 15 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 16 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 17 Sinabi niya, “Panginoon, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon ang ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

18 Si Abishai na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruya ang pinuno ng 30[b] tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya katulad ng tatlong matatapang na tauhan. 19 At dahil sa siya ang pinakatanyag sa 30, naging pinuno nila siya pero hindi siya kabilang sa tatlong matatapang.

20 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 21 Bukod dito, pinatay niya ang isang napakalaking Egipcio na may armas na sibat, habang isang pamalo lang ang armas niya. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 22 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 23 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.

24 Ito ang iba pang miyembro ng 30 matatapang na tao:

si Asahel na kapatid ni Joab;

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem;

25 sina Shama at Elika na taga-Harod;

26 si Helez na taga-Palti;

si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa;

27 si Abiezer na taga-Anatot;

si Mebunai[c] na taga-Husha;

28 si Zalmon na taga-Ahoa;

si Maharai na taga-Netofa;

29 si Heleb[d] na anak ni Baana na taga-Netofa;

si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin;

30 si Benaya na taga-Piraton;

si Hidai[e] na nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa Gaas;

31 si Abi Albon na taga-Arba;

si Azmavet na taga-Bahurim;

32 si Eliaba na taga-Shaalbon;

mga anak ni Jasen;

33 si Jonatan na anak ni Shama[f] na taga-Harar;

si Ahiam na anak ni Sharar na taga-Harar;

34 si Elifelet na anak ni Ahasbai na taga-Maaca;

si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo;

35 si Hezro na taga-Carmel;

si Paarai na taga-Arba;

36 si Igal na anak ni Natan na taga-Zoba;

ang anak ni Haggadi;[g]

37 si Zelek na taga-Ammon;

si Naharai na taga-Beerot (ang tagadala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya);

38 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir;

39 at si Uria na Heteo.

Silang lahat ay 37.

Galacia 3

Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo

Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?

Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[a] Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[b] Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.

10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”[c] 11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[d] 12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”[e] 13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”[f] 14 Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios

15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[g] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.

19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.

21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.

23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.

Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya

26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[h] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.

Ezekiel 30

Ang Pagparusa sa Egipto

30 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga taga-Egipto. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Umiyak kayo nang malakas dahil sa kapahamakang darating sa inyo. Sapagkat malapit nang dumating ang araw na iyon, ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon para sa mga bansa. Sasalakayin ang Egipto at maghihirap ang Etiopia.[a] Maraming mamamatay na taga-Egipto, sasamsamin ang mga kayamanan nila at wawasakin ito. Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Egipto. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, mapapahamak ang mga kakampi ng Egipto at mababalewala ang ipinagmamalaki niyang kapangyarihan. Mamamatay ang mga mamamayan niya mula sa Migdol hanggang sa Aswan.[b] Magiging mapanglaw ang Egipto sa lahat ng bansa at ang mga lungsod niya ang magiging pinakawasak sa lahat ng lungsod. Kapag sinunog ko na ang Egipto at mamatay ang lahat ng kakampi niya, malalaman nila na ako ang Panginoon.

“Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko para takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Egipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.”

10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Gagamitin ko si Haring Nebucadnezar ng Babilonia para patayin ang mga mamamayan ng Egipto. 11 Siya at ang mga sundalo niya, na siyang pinakamalulupit na sundalo sa lahat ng bansa ang ipapadala ko sa Egipto para wasakin ito. Lulusubin nila ito at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Patutuyuin ko ang Ilog ng Nilo at ipapasakop ko ang Egipto sa masasamang tao. Wawasakin ko ang buong bansa ng Egipto at ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Wawasakin ko ang mga dios-diosan sa Memfis.[c] Wala nang mamumuno sa Egipto at tatakutin ko ang mga mamamayan nito. 14 Gagawin kong mapanglaw ang Patros, susunugin ko ang Zoan at parurusahan ko ang Tebes.[d] 15 Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium,[e] ang matibay na tanggulan ng Egipto, at papatayin ko ang maraming taga-Tebes. 16 Susunugin ko ang Egipto! Magtitiis ng hirap ang Pelosium. Mawawasak ang Tebes, at laging matatakot ang Memfis. 17 Mamamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki ng Heliopolis[f] at Bubastis,[g] at ang mga matitirang tao sa mga lungsod na itoʼy bibihagin. 18 Kapag inalis ko na ang kapangyarihan ng Egipto, magiging madilim ang araw na iyon para sa Tapanhes. Mawawala na ang ipinagmamalaking kapangyarihan ng Egipto. Matatakpan siya ng ulap, at ang mga mamamayan sa mga lungsod niya ay bibihagin. 19 Ganyan ang magiging parusa ko sa Egipto at malalaman ng mga mamamayan niya na ako ang Panginoon.”

20 At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 21 “Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Egipto. Walang gumamot sa kanya para gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada. 22 Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing laban ako sa kanya. Babaliin ko ang isa pa niyang braso para mabitawan niya ang kanyang espada. 23 Ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa. 24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Pero babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia. 25 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Egipto, malalaman ng mga taga-Egipto na ako ang Panginoon. 26 Pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Salmo 78:38-72

38 Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,
    pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.
    Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lang sila,
    parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;
    ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.
42 Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,
43 pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,
at mga palaka upang pinsalain sila.
46 Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,
    nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.
50 Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.
    Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
    Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
    Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
    doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
    naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
    Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
    kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
    kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
    at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
    inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[d]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
    Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®