Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Samuel 16

Tinulungan ni Ziba si David

16 Si(A) David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak. “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari.

Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.”

“Saan(B) naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari.

“Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.”

Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.”

Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.”

Nilait ni Simei si David

Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera. Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal. Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal! Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!”

Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, bakit pumapayag kayong lapastanganin ng hampaslupang ito? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”

10 Ngunit sinabi ng hari kay Abisai at sa kapatid nitong si Joab, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?” 11 Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito. 12 Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito,[a] at pagpalain ako sa halip na sumpain.” 13 Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan. 14 Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan.[b] At nagpahinga muna sila roon.

Pumasok si Absalom sa Jerusalem

15 Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel. 16 Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”

17 “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”

18 Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel. 19 Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.”

20 Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?”

21 “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.” 22 Kaya't(C) kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama.

23 Noong panahong iyon, ang mga payo ni Ahitofel ay itinuturing na salita ng Diyos. Maging sina David at Absalom ay sumusunod sa kanyang mga payo.

2 Corinto 9

Tulong sa mga Kapatid na Nangangailangan

Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.

Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. Ang(A) bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. Tulad(B) ng nasusulat,

“Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha;
    ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”

10 Ang(C) Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!

Ezekiel 23

Ang Magkapatid na Makasalanan

23 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae. Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan. Ohola[a] ang pangalan ng matanda at Oholiba[b] naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba.

“Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria, mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo. Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito. Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa. Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig. 10 At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.

11 “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit. 13 At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid. 14 Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula. 15 Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea. 16 Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon. 17 At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi. 18 Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran. 19 Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan. 20 Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo. 21 Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.

Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid

22 “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako. 23 Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan. 24 Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila. 25 Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy. 26 Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas. 27 Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.” 28 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo. 29 Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka. 30 Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 31 Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”

32 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh:
“Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim.
Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain;
    pagkat umaapaw ang laman nito.
33 Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,
    sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,
    ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.
34 Iyong uubusin ang laman ng saro,
    pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”

35 Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”

Ang Parusa ni Yahweh sa Magkapatid

36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan. 38 Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga. 39 Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.

40 “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas. 41 Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila. 42 Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.

43 “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya 44 sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan. 45 Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.”

46 Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan. 47 Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan. 48 Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang. 49 Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Mga Awit 70-71

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
    tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
    bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
    bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
    sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.

Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
    at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”

Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
    lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
    huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!

Panalangin ng Isang Matanda Na

71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
    huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
    ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
    matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.

Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
    sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
    maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
    sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
    kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.

Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
    malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
    akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
    katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
    ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
    iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
    ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.

12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
    lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
    lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
    mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
    patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
    maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
    hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
    ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
    hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
    huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
    samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.

19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
    dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
    subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
    upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
    ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.

22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
    pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
    iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
    masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
    yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
    lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.