Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Hukom 16

Si Samson sa Gaza

16 Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron.

Sina Samson at Delilah

Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.”

Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?”

Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”

11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.

13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”

Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”

14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.

15 Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” 16 Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. 17 Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.”

18 Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. 19 Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson 20 at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. 21 Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. 22 Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok.

Ang Kamatayan ni Samson

23 Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” 24 Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” 25 At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” 27 Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson.

28 At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” 29 Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, 30 at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay.

31 Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.

Mga Gawa 20

Ang Pagpunta sa Macedonia at Grecia

20 Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.

Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.

Mula sa Troas Hanggang sa Mileto

13 Sumakay kami sa barkong papuntang Asos. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat nais niyang sa lupa magdaan papunta roon at hindi sa dagat. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barkong sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. 15 Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia,[a] sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Pinuno ng Iglesya sa Efeso

17 Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga matatandang pinuno ng iglesyang nasa Efeso. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. 19 Buong kapakumbabaan at lumuluhang naglingkod ako sa Panginoon, at nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. 21 Maging Judio o Griego man ay pinangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging nalalaman ko ay ito: binalaan ako ng Espiritu Santo na pagkabilanggo at kapighatian ang naghihintay sa akin sa bawat bayang dadaanan ko. 24 Subalit(A) walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.

25 “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. 26 Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, wala akong pananagutan kung mapahamak ang sinuman sa inyo, 27 sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang buong layunin ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[b] na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.[c] 29 Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang lalapain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanila ang mga alagad. 31 Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko.

32 “At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. 33 Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. 34 Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. 35 Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho ay dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na pinagpala ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”

36 Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. 37 Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. 38 Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa barko.

Jeremias 29

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(A) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat:

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(B) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(C) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.

15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”

Ang Sulat ni Semaias

24 Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, 25 ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong 26 si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. 27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? 28 Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’”

29 Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. 30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: 31 “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. 32 Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.”

Marcos 15

Sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.

“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12 Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.

14 “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”

15 Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(C)

16 Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20 Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Nasalubong(E) nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako(F) siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25 Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. 26 Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” 27 May(G) dalawang tulisang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. [28 Sa gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”][a]

29 Ininsulto(H) siya ng mga nagdaraan at pailing-iling na sinabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? 30 Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! 32 Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”

Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. 34 Nang(J) ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” 36 May(K) tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y isinawsaw sa maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.

37 Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.

38 At(L) napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39 Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”

40 Naroon(M) din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. 41 Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42-43 Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Kapulungan. Siya rin ay naghihintay sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. 44 Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung matagal na siyang namatay. 45 Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.