Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Levitico 19

Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin(A) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. Igalang(B) ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

“Huwag(C) kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’

“Kung maghahandog kayo sa akin ng handog pangkapayapaan, gawin ninyo iyon ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging kalugud-lugod sa akin. Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo. Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog. Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.

“Kung(D) mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. 10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

11 “Huwag(E) kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. 12 Huwag(F) kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.

13 “Huwag(G) ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag(H) ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

15 “Huwag(I) kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.

17 “Huwag(J) kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag(K) kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

19 “Sundin(L) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.

20 “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae, 21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan 22 at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin.

23 “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon. 24 Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

26 “Huwag(M) kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam. 27 Huwag(N) kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas. 28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh.

29 “Huwag(O) ninyong itutulak ang inyong mga anak na babae sa pagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo sapagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain. 30 Igalang(P) ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.

31 “Huwag(Q) kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

32 “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

33 “Huwag(R) ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. 34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

35 “Huwag(S) kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. 36 Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 37 Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.”

Mga Awit 23-24

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(B) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(C) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Mangangaral 2

Kamangmangan ang Maging Makasarili

Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[a] Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[b] Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. Nakagawa(A) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. Bumili(B) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. Nakaipon(C) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.

Higit(D) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[c] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[d] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[e] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.

18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[f] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[g] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(E) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[h]

24 Ang(F) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(G) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[i] tulad lang ng paghahabol sa hangin.

1 Timoteo 4

Mga Huwad na Guro

Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[a] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.