M’Cheyne Bible Reading Plan
Dumating si Jacob kina Laban
29 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. 2 May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, 3 at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon.
4 Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?”
“Taga-Haran,” tugon nila.
5 “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli.
“Oo,” sagot naman nila.
6 “Kumusta na siya?” tanong pa niya.
“Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.”
7 “Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?”
8 “Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.”
9 Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. 11 Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”
Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. 13 Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, 14 sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob Dahil kina Raquel at Lea
15 Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?” 16 Si Laban ay may dalawang anak na dalaga. Si Lea ang nakatatanda at si Raquel naman ang nakababata. 17 Mapupungay[a] ang mga mata ni Lea, ngunit mas maganda at kaakit-akit si Raquel.
18 Nabighani si Jacob kay Raquel, kaya't ang sabi niya kay Laban, “Paglilingkuran ko kayo nang pitong taon para kay Raquel.”
19 Sinabi ni Laban, “Mas gusto ko ngang ikaw ang mapangasawa niya kaysa iba. Sige, dumito ka na.” 20 Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito.
21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” 22 Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. 23 Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. 24 Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?”
26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. 27 Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.”
28 Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. 30 Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa.
Ang mga Anak ni Jacob
31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[b] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[c] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[d] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[e] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.
Muling Nabuhay si Jesus(A)
28 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. 2 Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. 3 Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. 4 Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.
5 Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. 7 Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”
8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”
Ang Ulat ng mga Bantay
11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.”
14 Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.”
15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio.
Isinugo ni Jesus ang Kanyang mga Alagad(B)
16 Pumunta(C) ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't(D) humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Ang Piging para sa Hari at kay Haman
5 Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. 2 Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. 3 Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4 Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5 Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. 6 Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7 Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: 8 Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”
14 Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.
Sa Malta
28 Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. 2 Napakabuti ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. 3 Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa siga, mula roo'y lumabas ang isang ahas dahil sa init. Tinuklaw nito ang kamay ni Pablo. 4 Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng katarungan na siya'y mabuhay pa.” 5 Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. 6 Hinintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang masamang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng palagay. “Siya'y isang diyos,” sabi nila.
7 Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. 8 Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disenterya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. 9 Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. 10 Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng aming mga kailangan sa paglalakbay.
Mula sa Malta Papuntang Roma
11 Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal na Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. 12 Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. 13 Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. 14 May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay hanggang makarating kami sa Roma.
15 Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumunta sila sa Liwasang Apio at sa Tatlong Bahay-panuluyan upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16 Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang manirahan sa isang bahay kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya.
17 Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lungsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at isinakdal sa pamahalaang Romano. 18 Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. 19 Ngunit(A) tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Nakagapos ako sa tanikalang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.”
21 Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. 22 Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.”
23 Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus. 24 May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. 25 Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
26 ‘Pumunta(B) ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila,
Makikinig kayo nang makikinig ngunit hindi kayo makakaunawa,
at titingin kayo nang titingin ngunit hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito,
tinakpan ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung hindi, makakakita sana ang kanilang mga mata,
makakarinig ang kanilang mga tainga,
at makakaunawa ang kanilang mga pag-iisip.
at magbabalik-loob sila sa akin,
at sila'y aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’”
28 Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” [29 Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio'y umalis at mahigpit na nagtalu-talo.][a]
30 Nanirahan si Pablo sa Roma nang dalawang taon, sa bahay na kanyang inupahan, at tinanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Siya'y buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.