Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 18

Mga Tagumpay ni David sa Labanan(A)

18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.

Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.

Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.

Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. Napakaraming(B) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.

Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.

12 Si(C) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.

14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.

Santiago 5

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(D) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

12 Ngunit(E) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(F) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(G) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(H) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.

19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(I) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.

Jonas 2

Ang Panalangin ni Jonas

Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
    at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
    ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
    sa pusod ng karagatan.
    Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
    at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
    at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
Hinigop ako ng kalaliman,
    hanggang sa tuluyang lumubog;
    napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
    sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
    naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
    at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
    ay hindi naging tapat sa inyo.
Ngunit aawit ako ng pasasalamat
    at sa inyo'y maghahandog;
    tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”

10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.

Lucas 7

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(A)

Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”

Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”

Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda

11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[a] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(C) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(D) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
    upang ihanda ang iyong daraanan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”

29 Ang(E) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(F) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”

“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”

48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.