M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpunta si Elias sa Sinai
19 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. 2 Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” 3 Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.
Iniwan niya roon ang kanyang utusan 4 at(A) mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”
5 Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” 6 Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. 7 Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” 8 Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos.
Kinausap ni Yahweh si Elias
9 Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sumagot(B) si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. 12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”
14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
15 Sinabi(C) sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria; 16 at(D) si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo. 17 Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Ngunit(E) pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.”
Ang Paghirang kay Eliseo
19 Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo. 20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”
Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”
21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.
Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica
2 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. 3 Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. 4 Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. 5 Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman 7 kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. 8 Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. 9 Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.
10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(B) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(C) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.
Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli
17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.
Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan
1 Nang(A) ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. 2 Pinahintulutan(B) ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.
3 Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. 4 Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. 5 Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. 6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. 7 Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.
8 Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. 9 Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. 10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”
11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. 12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”
14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. 16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.
17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.
18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. 20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. 21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
9 Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”
12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
16 Sa(E) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(F) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(G) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(H) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(I) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
23 Sa(J) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(K) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26 Saka(L) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(M) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(N) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(O) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(P) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(Q) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(R) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(S) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
37 Pagkatapos(T) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(U) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(V) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(W) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(X) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.