M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab
1 Nang ang Israel ay pinamumunuan pa ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya't ang mag-asawang Elimelec at Naomi na mga taga-Bethlehem, Juda ay pansamantala munang nanirahan sa Moab kasama ang kanilang mga anak na sina Mahlon at Quelion. Ang pamilyang ito ay mula sa angkan ng Efrata. 3 Namatay sa Moab si Elimelec at naiwang biyuda si Naomi. Ang dalawa nilang anak 4 ay nakapag-asawa naman ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Ngunit pagkalipas ng mga sampung taon, 5 namatay rin sina Mahlon at Quelion, kaya't si Naomi ay naulila sa asawa't mga anak.
Bumalik sa Bethlehem si Naomi Kasama si Ruth
6 Nabalitaan ni Naomi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng masaganang ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab. 7 Naglakbay nga silang pabalik sa Juda. 8 Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. 9-10 Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong pamilya.” At sila'y hinagkan ni Naomi bilang pamamaalam.
Ngunit napaiyak ang mga manugang at sinabi sa kanya, “Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyong bayan.”
11 Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. 12 Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, 13 mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” 14 Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na.[a] Ngunit nagpaiwan si Ruth.
15 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” 16 Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. 17 Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” 18 Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol.
19 Kaya't nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Bethlehem, nagulat ang lahat. “Hindi ba't si Naomi ito?” tanong ng kababaihan.
20 Sumagot naman si Naomi, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi.[b] Tawagin ninyo akong Mara,[c] sapagkat ako'y pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos. 21 Masagana ang buhay namin ni Elimelec nang umalis dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang anumang dala. Huwag na ninyo akong tawaging Naomi sapagkat ako'y binigyan ng Makapangyarihang Diyos ng matinding kasawian sa buhay!”
22 Iyan ang nangyari kaya't mula sa Moab ay nagbalik si Naomi kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Bethlehem ay simula na ng anihan ng sebada.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa
26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”
Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:
2 “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio 3 sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.
4 “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. 5 Matagal(A) na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. 6 At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! 8 Bakit(B) hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?
9 “Akala(C) ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”
Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(D)
12 “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. 13 Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. 14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ 15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. 16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. 18 Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’”
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
19 “Dahil dito, Haring Agripa, hindi po ako sumuway sa pangitaing mula sa langit. 20 Nangaral(E) ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. 21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at pinagtangkaang patayin. 22 Ngunit hanggang ngayo'y tinutulungan ako ng Diyos, kaya't nakatayo ako ngayon dito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, hamak man o dakila. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, 23 na(F) ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”
29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. 31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” 32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”
Binasa ni Baruc ang Kasulatan
36 Noong(A) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. 3 Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”
4 Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. 5 Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. 6 Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. 7 Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” 8 Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.
9 Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. 10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.
Binasa ang Kasulatan
11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, 12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. 13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. 15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. 16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” 17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”
19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”
Sinunog ng Hari ang Kasulatan
20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. 21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. 22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. 23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. 24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. 25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. 26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.
Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan
27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias 28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. 29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. 30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. 31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”
32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.
Ang Pangako ni Yahweh kay Baruc
45 Noong(A) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta: 2 “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 3 Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan. 4 Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig. 5 Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!”
Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]
9 Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.
3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.
5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
binura mo silang lahat sa balat ng lupa.
6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.
7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])
17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.
19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.