M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pamamaalam ni Josue
23 Marami nang taon ang lumipas buhat nang bigyan ni Yahweh ang bayang Israel ng kapayapaan. Hindi na sila ginagambala ng mga kaaway na nasa palibot nila. At matandang-matanda na si Josue, 2 kaya tinipon niya ang buong Israel: ang matatanda, ang mga pinuno ng mga angkan, mga hukom at ang mga tagapangasiwa sa bayan. Sinabi niya, “Ako'y matanda na. 3 Nasaksihan ninyo ang ginawa ni Yahweh sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo. Si Yahweh na inyong Diyos ang nakipaglaban sa inyong mga kaaway. 4 Kaya, makinig kayo! Ibinibigay ko sa inyong lahat bilang bahagi ng inyong mga lipi ang buong lupaing nasa pagitan ng Ilog Jordan sa gawing silangan, at ng Dagat Mediteraneo sa kanluran: ang lupain ng mga bansang nasakop ko na, gayundin ang mga lupaing hindi pa nasasakop. 5 Si Yahweh na inyong Diyos ang siyang magpapalayas sa mga bansang iyon pagdating ninyo roon. Sila'y palalayasin niya sa kanilang mga lupain upang kayo ang manirahan doon, gaya ng ipinangako sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 6 Magpakatatag kayo at sundin ninyo ang lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag kayong lilihis sa anumang ipinag-uutos nito. 7 Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo. Huwag kayong mananalangin sa kanilang mga diyus-diyosan; huwag kayong manunumpa sa pangalan ng mga ito, at huwag din kayong sasamba o maglilingkod sa kanila. 8 Sa halip ay manatili kayong tapat kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng ginagawa ninyo hanggang ngayon. 9 Dahil diyan, pinalayas niya ang maraming malalaki at makapangyarihang bansa pagdating ninyo, at wala pang nakakatalo sa inyo hanggang ngayon. 10 Ang(A) isa sa inyo'y kayang patakbuhin ang sanlibong kaaway sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ang siyang nakikipaglaban para sa inyo, tulad ng kanyang ipinangako. 11 Kaya palagi ninyong ibigin si Yahweh na inyong Diyos. 12 Kapag tinalikuran ninyo siya, at nakipagkaibigan kayo sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo, kapag nag-asawa kayo o nakisalamuha sa kanila, 13 tandaan ninyo ito: hindi na palalayasin ni Yahweh ang mga bansang ito. Sa halip, sila'y magiging parang bitag para sa inyo, malupit na latigo sa inyong gulugod, tinik na tutusok sa inyong mga mata, hanggang sa maubos ang lahi ninyo sa lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Yahweh.
14 “Malapit na akong pumanaw sa daigdig na ito. Alam ninyo sa inyong puso't kaluluwa na tinupad ng Diyos ninyong si Yahweh ang bawat mabuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala siyang hindi tinupad. 15-16 Ngunit tulad ng lahat ng magagandang bagay na ipinangako sa inyo ay tinupad ni Yahweh, maaari rin niyang gawin sa inyo ang lahat ng mga masasamang bagay hanggang sa kayo'y malipol sa masaganang lupaing ito na ibinigay ni Yahweh na inyong Diyos. Kapag hindi kayo tumupad sa kasunduang ibinigay niya sa inyo, at kayo'y sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyosan, paparusahan niya kayo.”
Pinagaling ang Isang Lumpo
3 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. 3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. 4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” 5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; 8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (A) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(B) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(D) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(E) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”
Tinatanong ni Jeremias si Yahweh
12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
At ang mandaraya ay umuunlad?
2 Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
4 Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”
5 At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
6 Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”
Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
8 Lumaban sa akin ang aking bayan,
tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
kaya kinamumuhian ko sila.
9 Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
dahil sa matinding galit ko sa kanila.”
Ang Babala ni Yahweh sa mga Karatig-bansa ng Israel
14 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. 15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. 16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy[a] gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. 17 Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Balak Laban kay Jesus(A)
26 Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 2 “Gaya(B) ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo upang ipako sa krus.”
3 Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan[a] ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. 4 Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay. 5 Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)
6 Noong nasa Bethania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, 7 lumapit(D) sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y nakaupo sa may hapag. 8 Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. 9 “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!”
10 Alam ni Jesus ang iniisip nila kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo ginugulo ang babaing ito? Mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Sapagkat(E) palagi ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo makakasama palagi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 13 Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus(F)
14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. 15 “Ano(G) po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.
Paghahanda sa Pista ng Paskwa(H)
17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”
19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.
20 Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa.[b] 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!”
22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
23 Sumagot(I) si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”
25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.”
Ang Banal na Hapunan(J)
26 Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”
27 Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito 28 sapagkat(K) ito ang aking dugo na katibayan ng tipan[c] ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.
29 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30 At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
Paunang Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(L)
31 Sinabi(M) ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 32 Ngunit(N) pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
33 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
34 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” 35 Ngunit sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(O)
36 Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” 37 Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, 38 kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
39 Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
42 Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” 43 Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
44 Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. 45 Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 46 Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(P)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[d] At siya'y nilapitan nila at dinakip.
51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”
55 Pagkatapos(Q) sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.
56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(R)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. 58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.
59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, 60 ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at(S) nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”
62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” 63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”
64 Sumagot(T) si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”
65 Pagkarinig(U) nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! 66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”
67 Dinuraan(V) nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, 68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Ikinaila ni Pedro si Jesus(W)
69 Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70 Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya.
71 Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.”
72 Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!”
73 Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Nahahalata ka sa punto ng iyong pagsasalita.”
74 Sumagot si Pedro, “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. 75 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.