M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Lupaing para sa Lipi ng Efraim at Manases
16 Ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose ay nagsisimula sa Jordan sa tapat ng Jerico—sa silangan ng batis ng Jerico; papunta sa ilang, at umahon sa kaburulan hanggang sa Bethel; 2 buhat sa Bethel ay nagtuloy sa Luz at nilakbay ang Atarot na lupain ng mga Arkita; 3 bumabâ pakanluran sa lupain ng mga Jaflatita, nagdaan sa hangganan ng Timog Beth-horon, tumuloy ng Gezer, at nagwakas sa Dagat Mediteraneo.
4 Ito ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose, sa mga lipi ni Efraim at Manases.
5 Ang hangganang silangan ng lupaing napunta sa lipi ni Efraim ay ang Atarot-adar, hanggang sa Hilagang Beth-horon. 6 Buhat doon ay naglakbay sa timog ng Micmetat, at nagtungo sa Dagat Mediteraneo. Sa gawing silanga'y lumikong patungo sa Taanat-silo, at buhat doo'y nagtuloy sa may silangan ng Janoa. 7 Lumampas ng Janoa at bumabâ sa Atarot at Naara, nagdaan sa tabi ng Jerico at nagtapos sa Jordan. 8 Pumakanluran buhat sa Tapua, namaybay ng batis ng Cana, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang lupaing napapunta sa lipi ni Efraim, 9 bukod sa mga bayan at nayong ibinigay sa kanila sa nasasakupan ng lupain ng lipi ni Manases. 10 Hindi(A) na nila pinaalis ang mga Cananeong nakatira sa Gezer, kaya may mga Cananeong naninirahan sa Efraim hanggang ngayon. Subalit sapilitang pinagtrabaho ang mga ito bilang mga alipin.
17 Isang bahagi ng lupain ang ibinigay sa lipi ni Manases, sapagkat siya'y panganay ni Jose. Ibinigay ang Gilead at Bashan kay Maquir na ama ni Gilead, anak na panganay ni Manases, sapagkat siya'y isang mandirigma. 2 Binigyan din ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang mga angkan nina Abiezer, Helec, Asriel, Shekem, Hefer at Semida. Sila ang mga anak na lalaki ni Manases, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan. 3 Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak naman ni Maquir at apo ni Manases, ay walang anak na lalaki. Babae lahat ang anak niya, at ang pangalan nila'y Mahla, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 4 Lumapit(B) sila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na bigyan din kami ng lupain, gaya ng ginawa niya sa iba naming kapatid.” Kaya't ayon sa utos ni Yahweh, binigyan din sila ng bahagi tulad ng kanilang mga kamag-anak na lalaki. 5 Ito ang dahilan kung bakit ang lipi ni Manases ay tumanggap pa ng sampung parte, bukod sa Gilead at Bashan sa kabila ng Jordan. 6 Binigyan din ng kanilang kaparte ang mga anak na babae. Ang Gilead ay napunta sa ibang mga anak na lalaki ni Manases.
7 Ang lupain ng lipi ni Manases ay mula sa Asher hanggang sa Micmetat na nasa tapat ng Shekem. Buhat doon, nagtuloy ang hangganan sa En-tapua. 8 Talagang bahagi ng Manases ang lupain ng Tapua, ngunit ang bayan ng Tapua na nasa gilid ng hangganan ng Manases ay kabilang sa mga bayang napapunta sa lipi ni Efraim. 9 Ang hanggana'y nagtuloy sa batis ng Cana, namaybay rito, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Bahagi ng Efraim ang mga lunsod na nasa timog ng batis, kahit na malapit ang mga ito sa mga lunsod ng Manases. 10 Ang lupain ng Efraim ay nasa timog ng batis at ang lupain ng Manases ay nasa hilaga. Ang Dagat Mediteraneo ang hangganan nila sa kanluran. Katabi ng lipi ni Manases ang Asher sa dulong hilaga, at ang Isacar sa dakong silangan. 11 Sa loob ng lupain ng Isacar at Asher ay may mga lunsod pa ring napunta sa lipi ni Manases: ang mga lunsod ng Beth-sean at Ibleam, pati ang mga nayon sa paligid, gayundin ang mga naninirahan sa Dor, Endor, Taanac at Megido, at sa kanilang mga nayon sa paligid. 12 Ngunit(C) hindi napaalis lahat ng mga taga-Manases ang mga naninirahan sa mga nasabing lunsod, kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 13 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
14 Lumapit kay Josue ang mga lipi ni Jose at kanilang sinabi, “Bakit iisang bahagi ang ibinigay mo sa amin, gayong napakarami namin sapagkat pinagpala kami ni Yahweh?”
15 Sumagot si Josue, “Kung hindi sapat sa inyo ang kaburulan ng Efraim, pasukin ninyo at linisan ang mga kagubatan sa lupain ng mga Perezeo at mga Refaita.”
16 Tumutol pa ang mga lipi ni Jose, “Hindi pa rin sapat sa amin ang kaburulan. Hindi naman namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan sapagkat sila'y may mga karwaheng bakal; gayundin ang mga Cananeo sa Beth-sean, sa mga nayon sa paligid, at sa Kapatagan ng Jezreel.”
17 Sumagot muli si Josue, “Kayo'y napakarami at makapangyarihan. Hindi lamang iisa ang magiging kaparte ninyo. 18 Mapapasa-inyo ang kaburulan. Kahit na kagubatan pa ngayon, lilinisan ninyo at titirhan ang kabuuan niyon. Mapapalayas ninyo ang mga Cananeo kahit na makapangyarihan sila at may mga karwaheng bakal.”
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
8 “Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan. 2 Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa. 3 Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan at ang Kaparusahan
4 “Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik? 5 Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin? 6 Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan. 7 Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin. 8 Paano ninyo nasabing, ‘Kami'y matatalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh’? Ang kautusan ay binago ng mga mandarayang eskriba. 9 Mapapahiya ang kanilang mga matatalino; sila'y malilito at mabibigo. Sapagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ang taglay nila ngayon? 10 Kaya(A) ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya. 11 Hindi(B) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.”
14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. 16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”
17 “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.”
Ang Kalungkutan ni Jeremias Dahil sa Kanyang Bayan
18 Hindi mapapawi ang nadarama kong kalungkutan;
nagdurugo ang aking puso.
19 Pakinggan ninyo! Naririnig ko
ang iyakan ng buong bayan,
“Wala na ba sa Zion si Yahweh?
Wala na ba roon ang hari ng Zion?”
At sumagot si Yahweh,
“Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?”
20 At sumigaw ang bayan:
“Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan,
ngunit hindi pa kami naliligtas!”
21 Para akong sinuntok sa dibdib
dahil sa hirap na sinapit ng aking bayan;
ako'y nanangis; lubos akong nalilito.
22 Wala na bang panlunas sa Gilead?
Wala na bang manggagamot diyan?
Bakit hindi gumagaling ang aking bayan?
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. 4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ 5 Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. 6 Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. 7 Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. 8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
11 “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12 Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13 kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
14 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Pagbabayad ng Buwis(C)
15 Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama ng ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat patas ang pagtingin ninyo sa mga tao. 17 Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
18 Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit binibitag ninyo ako? 19 Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambayad sa buwis.”
At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. 20 “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus.
21 “Sa Emperador po,” tugon nila.
Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
22 Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis.
Tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)
23 Nang(E) araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. 24 Sinabi(F) nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. 25 Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. 26 Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. 27 Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. 28 Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?”
29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sa(G) muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako(H) ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”
33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan.
Ang Pinakamahalagang Utos(I)
34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa(J) sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
37 Sumagot(K) si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito(L) naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(M)
41 Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. 42 “Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”
“Kay David po,” sagot nila.
43 Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi,
44 ‘Sinabi(N) ng Panginoon sa aking Panginoon:
Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’
45 Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” 46 Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya.
by