Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 7

Handog sa Pagkakasala

“Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan.

Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana.

Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob,

at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato.

Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala.

Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal.

Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito.

Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay.

Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali ay mapupunta sa pari na naghahandog niyon.

10 Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron.

Handog Pangkapayapaan

11 “Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa Panginoon.

12 Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis.

13 Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat.

14 At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa Panginoon; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan.

Ang Pagkain ng Handog Pangkapayapaan

15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga.

16 Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito;

17 subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

18 Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala.[a]

19 “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman.

20 Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan.

21 Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

22 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

23 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.

24 Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin.

25 Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa Panginoon, ay ititiwalag sa kanyang bayan.

26 At(A) huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan.

27 Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.

30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.

32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.

33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.

34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.

35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;

36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”

37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,

38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.

Mga Awit 7-8

Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.

O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
    iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
    na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.

O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
    kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
    o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
    at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
    at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)

Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
    itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
    at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
    at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
    hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
    at ayon sa taglay kong katapatan.

O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
    ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
    ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
    na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
    at isang Diyos na araw-araw ay may galit.

12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
    kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
    kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
    at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
    at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
    at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
    at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!

Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
    mula(B) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
    upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.

Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
    ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
ano(C) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
    at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?

Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
    at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan(D) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
    sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
lahat ng tupa at baka,
    gayundin ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
    anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!

Mga Kawikaan 22

22 Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan,
    at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban.
Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa;
    ang Panginoon ang sa kanilang lahat ay gumawa.
Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya,
    ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon
    ay kayamanan, karangalan, at buhay.
Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
    ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
    at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.
Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
    at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
    at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
    sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
10 Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
    ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
    ang hari ay magiging kaibigan niya.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagbabantay sa kaalaman,
    ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal.
13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas!
    Mapapatay ako sa mga lansangan!”
14 Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay;
    siyang kinapopootan ng Panginoon doon ay mabubuwal.
15 Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan,
    ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway.
16 Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan,
    at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan.
17 Ito ang mga salita ng pantas:
Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita,
    at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman.
18 Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo,
    kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo.
19 Upang malagak sa Panginoon ang tiwala mo,
    aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo.

20 Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan,
    ng mga pangaral at kaalaman;
21 upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo,
    upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo?

22 Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha,
    ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang-bayan;
23 sapagkat ipinaglalaban ng Panginoon ang panig nila,
    at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila.
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin,
    at huwag kang sasama sa taong bugnutin;
25 baka matutunan mo ang kanyang mga lakad,
    at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag.
26 Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay-sangla,
    o sa kanila na nananagot sa mga utang.
27 Kung wala kang maibibigay na kabayaran,
    bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan?
28 Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan,
    na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong mahusay[a] sa kanyang gawain?
    Siya'y tatayo sa harap ng mga hari,
    hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.

1 Tesalonica 1

Pagbati at Pasasalamat

Si(A) Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin.

Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo;

yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo.

Ang Halimbawa ng mga Taga-Tesalonica

Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo.

At(B) kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo,

anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia.

Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman.

Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buháy at tunay na Diyos,

10 at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001