M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Iba pang Lahi ni Abraham(A)
25 Muling nag-asawa si Abraham at ang pangalan ng babae ay Ketura. 2 Ang mga anak niya rito ay sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Suah. 3 Si Jocsan ang ama nina Seba at Dedan. Kay Dedan nagmula ang mga Asurim, Letusim at Leumim. 4 Ang mga anak naman ni Midian ay sina Efa, Efer, Enoc, Abida at Eldaa. Lahat sila'y buhat kay Ketura.
5 Kay Isaac ipinamana ni Abraham ang lahat niyang ari-arian. 6 Ngunit bago siya namatay, pinagbibigyan na niya ng regalo ang mga anak niya sa ibang asawa, at pinapunta sa lupain sa dakong silangan para mapalayo kay Isaac.
Namatay si Abraham
7 Si Abraham ay nabuhay nang 175 taon. 8 Matandang-matanda na siya nang mamatay. 9 At inilibing siya nina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela sa silangan ng Mamre, sa parang na dating kay Efron, anak ni Zohar na Heteo. 10 Ang(B) lugar na iyon ang binili ni Abraham sa mga Heteo at doon sila nalibing ni Sara. 11 Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac. Doon siya tumira sa Beer-lahai-roi.
Ang Lahi ni Ismael(C)
12 Ito naman ang lahi ni Ismael na anak ni Abraham kay Hagar, ang taga-Egiptong alipin ni Sara. 13 Si Nebayot ang panganay, sumunod sina Kedar, Abdeel at Mibsam. 14 Sumunod sina Misma, Duma at Massa; 15 pagkatapos ay sina Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. 16 Sila ang labindalawang anak ni Ismael na naging pinuno ng kani-kanilang lipi. Isinunod sa kanilang mga pangalan ang mga bayan at pinagkampuhan ng kani-kanilang mga lipi. 17 Namatay si Ismael sa gulang na 137 taon, at siya'y inilibing. 18 Ang lahi ni Ismael ay tumira sa lupain sa pagitan ng Havila at Shur, sa daang patungo sa Asiria sa silangan ng Egipto. Nakabukod sila sa ibang mga lipi ni Abraham.
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(D) naman ang sagot ni Yahweh:
“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”
24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.
Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan
27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. 28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.
29 Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. 30 Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom.[c]
31 Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”
32 “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?”
33 “Kung(E) gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. 34 Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. 2 Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! 5 Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. 7 Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. 8 Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.
9 “Pagkatapos(C) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(D) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)
15 “Kapag(F) nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, 17 ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. 19 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat(H) sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 22 At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon.
23 “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 25 Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo.
26 “Kaya't(I) kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.
28 “Kung(J) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
Ang Pagparito ng Anak ng Tao(K)
29 “Pagkatapos(L) ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 30 Pagkatapos,(M) lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. 31 Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(N)
32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”
Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(O)
36 “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man].[b] Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang(P) pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi(Q) nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Unawain(R) ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Dapat Palaging Maging Handa(S)
45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[c] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”
Ang Panaginip ni Mordecai[a]
A 1-3 Si(A) Mordecai, na isang Judiong kabilang sa lipi ni Benjamin, ay dinalang-bihag kasama ni Haring Jeconias ng Juda noong mahulog ang Jerusalem sa kamay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Si Mordecai ay anak ni Jair na anak ni Simei at apo ni Kis. Ngayo'y naninirahan siya sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Doon ay isa siyang mataas na pinuno sa kaharian ng Dakilang Haring Xerxes.
Noong unang araw ng unang buwan, ikalawang taon ng paghahari ni Haring Xerxes, si Mordecai ay nanaginip ng ganito: 4 Maraming boses at matinding kaguluhan, kulog, at lindol sa buong daigdig. 5 Walang anu-ano'y may lumitaw na dalawang dragong umaatungal nang malakas at handang maglaban. 6 Nang marinig ang kanilang atungal, ang mga bansa ay humanda upang digmain ang matuwid na bayan ng Diyos. 7 Naghari sa daigdig ang karimlan, kapanglawan, kaguluhan at pagkabahala. Nasira at gumuho ang lahat. 8 Nagulo ang matuwid na bansa dahil sa takot sa kapahamakang nagbabanta sa kanila, ngunit handa silang mamatay. 9 Subalit nanalangin sila sa Diyos, at ang panalangin nila'y naging parang isang napakalaking ilog na umagos mula sa isang maliit na bukal. 10 Sumikat ang araw at muling nagliwanag. Pinalakas ng Diyos ang mga mapagpakumbaba kaya nalipol nila ang mga mapagmataas nilang kaaway.
11 Sa panaginip na iyon, nakita ni Mordecai ang binabalak gawin ng Diyos. Nang siya'y magising, maghapon niyang pinilit na maunawaan ang panaginip na iyon.
Iniligtas ni Mordecai ang Buhay ng Hari
12 Noon, si Mordecai ay nagpapahinga sa bakuran ng palasyo, kasama sina Gabata at Tara na mga eunukong bantay roon. 13 Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa at nalaman niyang balak ng mga ito na patayin si Haring Xerxes. Kaya't siya'y nagpunta sa hari at ito'y kanyang ipinaalam. 14 Ang dalawa ay ipinatawag ng hari at tinanong kung totoo ang paratang ni Mordecai. Nang umamin ang dalawa, sila'y ipinabitay ng hari.
15 Ang buong pangyayari'y ipinasulat ng hari sa isang aklat. Isinulat din ni Mordecai ang mga pangyayaring ito. 16 Bilang gantimpala sa kanyang ginawa, si Mordecai ay binigyan ng hari ng tungkulin sa palasyo mula noon.
17 Ngunit si Haman na anak ni Hamedata na isang Agagita,[b] ay malapit sa hari. Gumawa siya ng paraan para ipahamak si Mordecai at ang mga kababayan nito dahil sa pagkamatay ng dalawang eunuko.
Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes
1 Si(B) Haring Xerxes ay naghari sa 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[c] 2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng kaharian ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, naghanda siya ng isang piging para sa isang natatanging grupong tinatawag na “Mga Kaibigan”. Inimbitahan rin niya ang kanyang mga pinuno, mga lingkod, mga pinunong kawal ng Persia at Media, pati mga maharlikang tao at mga gobernador ng mga lalawigan. 4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang maringal niyang pamumuhay. Ang handaan ay tumagal nang sandaan at walumpung araw.
5 Pagkaraan nito, pitong araw naman siyang nagdaos ng handaan para sa lahat ng mga naninirahan sa Susa, dayuhan man o katutubo. Ginanap ito sa bulwagang nasa hardin ng palasyo. 6 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at kulay ube, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Gawa naman sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay nalalatagan ng mga baldosang yari sa puting marmol, malalaking perlas, at mamahaling bato. 7 Ang mga kopitang ginamit na inuman ay gawa sa ginto at pilak. Inilabas din ng hari ang isang kopitang punung-puno ng mamahaling hiyas na aabot ang katumbas na halaga sa tone-toneladang pilak. Napakarami ring ipinamahaging alak na tanging ang hari lamang ang nakakainom. 8 Ipinag-utos ng hari sa mga tagapagsilbi na bigyan ng alak ang mga panauhin ayon sa kagustuhan ng bawat isa.
9 Samantala, nagdaos naman ng isang handaan para sa kababaihan si Reyna Vasti sa palasyo ng Haring Xerxes.
10 Nang ikapitong araw ng pagdiriwang, nalasing ang hari at ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetra at Carcas, ang pitong eunuko na personal na naglilingkod sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti sa mga ito upang humarap sa kanya na suot ang korona upang ipakita sa lahat ng naroon ang kagandahan ng reyna sapagkat ito naman ay tunay na napakaganda. 12 Ngunit tumangging sumama si Reyna Vasti sa mga sinugong eunuko. Napahiya ang hari kaya't labis itong nagalit.
13 Sa mga ganitong pangyayari sumasangguni ang hari sa mga pantas na dalubhasa sa batas at paghatol. 14 Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan, ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari,[d] at mga kilalang tagapanguna sa kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ba ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa aking utos na ipinasabi ko sa pamamagitan ng mga sugo?”
16 Sumagot si Memucan, “Nagkasala si Reyna Vasti, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ng Haring Xerxes. 17 Tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian ang pangyayaring ito. Dahil dito, may dahilan na sila para sumuway sa kani-kanilang asawa. Idadahilan nilang si Reyna Vasti mismo ay hindi humarap sa hari nang ipatawag ito. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, lalapastanganin na ng mga babae ang mga lalaki. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, mahal na hari, magpalabas kayo ng isang utos na magiging bahagi ng mga batas ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuti kaysa kanya. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa inyong malawak na kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kani-kanilang asawa, mayaman o mahirap man.”
21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan. 22 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop ayon sa kani-kanilang wika upang kilalanin na ang mga lalaki ang siyang pinuno ng kanilang sambahayan at dapat igalang.
Ang Paratang ng mga Judio Laban kay Pablo
24 Makalipas ang limang araw, dumating sa Cesarea ang pinakapunong pari na si Ananias, kasama ang ilang pinuno ng bayan at si Tertulo na isang abogado. Iniharap nila sa gobernador ang kanilang reklamo laban kay Pablo. 2 At nang maiharap si Pablo, sinimulan ni Tertulo ang pagsalaysay ng mga paratang kay Pablo. Sinabi niya,
“Kagalang-galang na Gobernador Felix, utang namin sa inyong mahusay na pamumuno ang kapayapaang matagal na naming tinatamasa, gayundin ang mga pagbabago para sa ikauunlad ng aming bansa. 3 Ito'y kinikilala naming utang na loob, at lubos namin kayong pinasasalamatan saanman at magpakailanman. 4 Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, mangyari lamang na kami'y pakinggan ninyong sandali. 5 Natuklasan naming ang taong ito'y nanggugulo. Ginugulo niya ang mga Judio saan man siya magpunta, at siya'y isang pasimuno ng sekta ng mga Nazareno. 6 Pati ang Templo namin ay tinangka niyang lapastanganin, kaya hinuli namin siya. [Hahatulan sana namin siya ayon sa aming kautusan, 7 ngunit dumating si Lisias na pinuno ng mga sundalo, at marahas siyang inagaw sa amin. 8 Ang sabi niya'y sa inyo namin isakdal ang taong ito.][a] Sa pagsisiyasat ninyo sa kanya, malalaman ninyo ang lahat ng paratang namin laban sa kanya.”
9 Nakiisa ang mga Judio kay Tertulo, at pinatotohanan ang lahat ng sinabi niya.
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harap ni Felix
10 Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya,
“Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. 11 Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. 12 Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lungsod. 13 Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. 14 Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. 15 Tulad nila, umaasa rin akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. 16 Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao.
17 “Ilang(A) taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. 18 Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo. Walang maraming tao roon at wala namang gulo. 19 Ang naroon ay ilang Judiong galing sa Asia—sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. 20 O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 21 Gayunpaman,(B) totoong isinigaw ko ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’”
22 Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ng pinunong si Lisias.” 23 Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan upang mabigyan siya ng kanyang mga pangangailangan.
Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila
24 Makaraan ang ilang araw, dumating si Felix, kasama ang asawa niyang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan ang sinasabi nito tungkol sa pananalig kay Cristo Jesus. 25 Ngunit nang magpatuloy si Pablo ng pagsasalita tungkol sa pagiging matuwid, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, natakot si Felix. Kaya't sinabi niya, “Makakaalis ka na, ipapatawag kitang muli kapag may panahon na ako.” 26 Malimit niyang ipatawag at kausapin si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito.
27 Makaraan ang dalawang taon, si Felix ay napalitan ni Porcio Festo. Sa hangad ni Felix na bigyang-lugod ang mga Judio, hinayaan niyang manatili sa bilangguan si Pablo.
by