M’Cheyne Bible Reading Plan
24 Sa(A) panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. 2 At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. 3 Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, 4 at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh.
5 Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 6 Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. 7 Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.
Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda(B)
8 Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. 9 Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. 12 At(C) sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. 13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.
15 Tinangay(D) nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. 16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. 17 Si(E) Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.
Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(F)
18 Si(G) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
20 Umabot(H) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(B) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(C) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(D) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa
3 Sinabi ni Yahweh,
“Pagsapit ng araw na iyon,
pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem.
2 Titipunin ko ang lahat ng bansa
at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat.[a]
Doon ko sila hahatulan
ayon sa ginawa nila sa aking bayan.
Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita
at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila upang magpasya
kung kanino mapupunta ang mga bihag.
Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin
upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
4 “Ano(A) (B) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[b] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
9 “Ipahayag mo ito sa mga bansa:
Humanda kayo sa isang digmaan.
Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma,
tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo!
10 Gawin(C) ninyong tabak ang inyong mga araro
at gawing sibat ang mga panggapas.
Pati ang mahihina ay kailangang makipaglaban.
11 Pumarito kayo agad,
lahat ng bansa sa paligid,
at magtipon kayo sa libis.”
O Yahweh, ipadala mo ang iyong mga hukbo.
12 “Kailangang humanda ang mga bansa
at magtungo sa Libis ng Jehoshafat.
Akong si Yahweh ay uupo roon
upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid.
13 Ubod(D) sila ng sama;
gapasin ninyo silang parang uhay
sa panahon ng anihan.
Durugin ninyo silang parang ubas sa pisaan
hanggang sa umagos ang katas.”
14 Libu-libo ang nasa Libis ng Jehoshafat,
hindi magtatagal at darating doon ang araw ni Yahweh.
15 Hindi na magliliwanag ang araw at ang buwan,
at hindi na rin kikislap ang mga bituin.
Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan
16 Dumadagundong(E) mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig;
nanginginig ang langit at lupa.
Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
17 “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos!
Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok.
Magiging banal na lunsod ang Jerusalem;
hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.
18 Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan;
bakahan ang makikita sa bawat burol,
at sasagana sa tubig ang buong Juda!
Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis,
na didilig sa Libis ng Sitim.
19 “Magiging disyerto ang Egipto,
at magiging tigang ang lupain ng Edom,
sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda
at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
20-21 Ipaghihiganti ko[c] ang lahat ng nasawi;
paparusahan ko ang sinumang nagkasala.
Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman,
at ako ay mananatili sa Bundok ng Zion.”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Awit ni David.
143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
2 Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
batid mo nang lahat, kami ay salarin.
3 Ako ay tinugis ng aking kaaway,
lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
4 Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.
5 Araw na lumipas, aking nagunita,
at naalala ang iyong ginawa,
sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
6 Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]
7 Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
ako ay ituring na malamig na bangkay,
at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
8 Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
patnubayan ako sa daang matuwid.
9 Iligtas mo ako sa mga kalaban,
ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.