M’Cheyne Bible Reading Plan
Sina David at Batseba
11 Sa(A) tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem.
2 Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda.
3 Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?”
4 Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay.
5 Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.”
6 Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David.
7 Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan.
8 Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari.
9 Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay.
10 Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?”
11 Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.”
12 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan.
13 Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay.
14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.
15 Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.”
16 Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki.
17 At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin.
18 Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan;
19 at kanyang ibinilin sa sugo, “Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan,
20 at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, ‘Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader?
21 Sino(B) ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?’ Saka mo sasabihin, ‘Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.’”
22 Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab.
23 At sinabi ng sugo kay David, “Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
24 At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin.”
25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, “Ganito ang sabihin mo kay Joab, ‘Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!’ Palakasin mo ang loob niya.”
26 Nang marinig ng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa.
27 Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagkaanak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng Panginoon.
Kayamanan sa Sisidlang-lupa
4 Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.
2 Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.
3 At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.
4 Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.
5 Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.
6 Sapagkat(A) ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.
8 Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;
9 pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;
10 na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.
11 Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.
12 Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.
13 Yamang(B) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;
14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.
15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Kamatayan sa Nagkasala
18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2 “Anong(A) ibig ninyong sabihin sa pag-uulit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, ‘Kinain ng mga magulang ang maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo?’
3 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi na ninyo gagamitin pa ang kawikaang ito sa Israel.
4 Lahat ng buhay ay akin; ang buhay ng ama at ng anak ay akin; ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
5 “Kung ang isang tao ay matuwid, at gumagawa ng ayon sa batas at matuwid,
6 at siya'y hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, o dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o lumapit man sa isang babae sa panahon ng kanyang karumihan,
7 hindi nang-aapi sa kanino man, kundi isinasauli sa nangutang ang kanyang sangla, hindi nagnanakaw, ibinibigay ang kanyang tinapay sa gutom, at tinatakpan ng kasuotan ang hubad;
8 hindi nagpapahiram na may patubo, o kumukuha man ng anumang pakinabang, na iniurong ang kanyang kamay sa kasamaan, naglalapat ng tunay na katarungan sa pagitan ng dalawang magkalaban,
9 na(B) lumalakad ng ayon sa aking mga tuntunin, at maingat sa pagsunod sa aking mga batas; siya'y matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos.
10 “Kung siya'y magkaanak ng isang lalaking magnanakaw, nagpapadanak ng dugo, at gumagawa ng alinman sa mga ganitong bagay,
11 at hindi gumagawa ng alinman sa mga katungkulang iyon, kundi kumakain sa mga bundok, at dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
12 inaapi ang dukha at nangangailangan, nagnanakaw, hindi nagsasauli ng sangla, at itinataas ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan, gumagawa ng kasuklamsuklam,
13 nagpapahiram na may patubo, at tumatanggap ng pakinabang; mabubuhay ba siya? Siya'y hindi mabubuhay. Kanyang ginawa ang lahat ng kasuklamsuklam na ito. Siya'y tiyak na mamamatay; ang kanyang dugo ay sasakanya.
14 “Ngunit kung ang taong ito'y magkaanak ng isang lalaki na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;
15 na hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, hindi dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
16 o ginagawan ng masama ang sinuman, hindi tumatanggap ng anumang sangla, at hindi nagnanakaw, kundi nagbibigay ng kanyang tinapay sa gutom, at binabalutan ng damit ang hubad;
17 na iniuurong ang kanyang kamay sa kasamaan, hindi tumatanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginagawa ang aking mga batas, at lumalakad sa aking mga tuntunin; hindi siya mamamatay ng dahil sa kasamaan ng kanyang ama, siya'y tiyak na mabubuhay.
18 Tungkol sa kanyang ama, sapagkat siya'y gumawa ng pangingikil, ninakawan ang kanyang kapatid, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kanyang bayan, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan.
19 “Gayunma'y sinasabi ninyo, ‘Bakit hindi magdurusa ang anak dahil sa kasamaan ng ama?’ Kapag ginawa ng anak ang ayon sa batas at matuwid, at naging maingat sa pagtupad sa lahat ng aking tuntunin, siya'y tiyak na mabubuhay.
20 Ang(C) taong nagkasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magdurusa dahil sa kasamaan ng ama, ni ang ama ay magdurusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasakanya, at ang kasamaan ng masama ay sasakanya.
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
22 Alinman sa kanyang mga paglabag na nagawa niya ay di na aalalahanin pa laban sa kanya; sapagkat sa matuwid na gawa na kanyang ginawa ay mabubuhay siya.
23 Mayroon ba akong anumang kasiyahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Diyos; at hindi ba mabuti na siya'y humiwalay sa kanyang lakad at mabuhay?
24 Ngunit kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, at gumagawa ng gayunding kasuklamsuklam na bagay na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa; dahil sa kataksilan na kanyang ipinagkasala, at sa kasalanan na kanyang ginawa, siya ay mamamatay.
25 “Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ Pakinggan mo ngayon, O sambahayan ni Israel: Ang akin bang daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
26 Kapag ang taong matuwid ay lumayo sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, siya ay mamamatay dahil doon. Dahil sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
27 Muli, kapag ang taong masama ay humihiwalay sa kanyang kasamaan na kanyang nagawa at ginawa kung ano ang tumpak at matuwid, kanyang ililigtas ang kanyang buhay.
28 Sapagkat kanyang isinaalang-alang at lumayo sa lahat niyang pagsuway na kanyang nagawa, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
29 Gayunma'y sinasabi ng sambahayan ni Israel, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ O sambahayan ni Israel, ang akin bang mga daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
30 “Kaya't hahatulan ko kayo, O sambahayan ni Israel, bawat isa'y ayon sa kanyang mga lakad, sabi ng Panginoong Diyos. Kayo'y magsisi, at lumayo kayo sa lahat ninyong pagsuway; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.
31 Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
32 Sapagkat wala akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong Diyos. Kaya't magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay.”
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.
62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
2 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.
3 Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
upang patayin siya, ninyong lahat,
gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
4 Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)
5 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog, hindi ako mayayanig.
7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.
11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12 at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.
Awit(B) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
6 kapag naaalala kita sa aking higaan,
ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
7 sapagkat naging katulong kita,
at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
8 Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.
9 Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001