Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 17-19

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![a] Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.

Sa Berea

10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.

Sa Atenas

16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[b] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.

Sa Corinto

18 Pagkatapos nito umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating lamang niya mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila ng Roma sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis doon. Nakipagkita si Pablo sa kanila. Dahil pareho ang kanilang hanapbuhay, ang paggawa ng tolda, si Pablo ay doon na sa kanilang tahanan nakitira. Doon sila magkasamang nagtrabaho. Siya'y nakikipagpaliwanagan tuwing araw ng Sabbath sa sinagoga at nagsisikap na mahikayat sa pananampalataya ang mga Judio at mga Griyego. Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang sarili sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin nila at laitin, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Hindi ko na ságutin ang inyong dugo! Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Mula ngayo'y pupunta na ako sa mga Hentil.” Kaya siya'y umalis doon at tumira sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, isang taong may takot sa Diyos. Ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. Sumampalataya sa Panginoon si Crispo na pinuno ng sinagoga, kasama ang kanyang buong sambahayan. Sumampalataya at nabautismuhan ang maraming taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot! Patuloy kang mangaral at huwag kang tumahimik. 10 Sapagkat kasama mo ako. Walang sinumang taong mananakit sa iyo sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon ng isang taon at anim na buwan, habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.

Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia

18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.

Si Pablo sa Efeso

19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.

“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. Sinabi (B) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Pumasok si Pablo sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay buong tapang na nakipagpaliwanagan at nanghikayat tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngunit nagmatigas ang ilan. Ayaw nilang maniwala at nagsalita pa ng masama tungkol sa Daan ng Panginoon sa harap ng kapulungan. Kaya't umalis doon si Pablo at isinama ang mga alagad. Araw-araw siyang nakipagpaliwanagan sa bulwagan ni Tiranno.[c] 10 Nagpatuloy ito sa loob ng dalawang taon. Dahil dito, ang lahat ng mga Judio at Griyegong naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Eskeva

11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang kababalaghan sa pamamagitan ni Pablo. 12 Pati mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan na dinadala sa mga maysakit ay nagiging dahilan upang sila'y gumaling at lumalabas sa kanila ang masasamang espiritu. 13 Doon ay may ilang Judio na pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng salamangka. Nangahas silang bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga sinasapian ng masasamang espiritu. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas.” 14 Pitong anak na lalaki ni Eskeva, isang punong paring Judio, ang gumagawa nito. 15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At sinunggaban sila ng taong sinasapian ng masamang espiritu. Lahat sila ay dinaig niya, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. 17 Nabalitaan ito ng lahat ng mga Judio at ng mga Griyegong naninirahan sa Efeso. Pinagharian silang lahat ng takot, at higit na pinapurihan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at hayagang nagtapat ng kanilang mga gawain. 19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ang nagtipon at nagsunog ng kanilang mga aklat sa harapan ng madla. Nang kanilang bilangin ang halaga niyon, umabot ito ng may limampung libong salaping pilak. 20 Sa gayong paraan lumaganap at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na dumaan sa Macedonia at sa Acaia bago pumunta sa Jerusalem. Sabi niya, “Pagkagaling ko roon ay kailangan ko ring pumunta sa Roma.” 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawa sa mga tumutulong sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan tungkol sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak doon na nagngangalang Demetrio ang gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Pinagkakakitaan ito ng malaki ng mga panday doon. 25 Tinipon ni Demetrio ang kanyang mga manggagawa, kasama ang iba pang may ganoon ding hanapbuhay, at sinabi, “Mga kasama, alam ninyong malaki ang pakinabang natin sa trabahong ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig na laganap na hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asia ang ginagawa nitong si Pablo. Nahikayat niya at nailigaw ang napakaraming tao. Sinasabi niyang hindi mga diyos ang ginawa ng kamay. 27 May panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi mawalan din ng halaga ang templo ng dakilang diyosang si Artemis. Maaari pang matanggalan ng kadakilaan ang diyosa, na sinasamba ng buong Asia at ng daigdig.” 28 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 29 Nagkagulo sa buong lungsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gaio at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablo na humarap sa mga taong-bayan ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. 31 Nagpadala rin ng mensahe sa kanya ang ilan sa mga kaibigan niyang pinuno sa Asia at siya'y pinakiusapang huwag mangahas lumapit sa tanghalan. 32 Samantala, magulung-magulo ang kapulungan, at iba-iba ang isinisigaw ng taong-bayan at karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila naroroon. 33 Itinulak ng mga Judio si Alejandro papuntang unahan, at ang ilan sa mga tao'y may iniuudyok sa kanya. Sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. 34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sabay-sabay nilang isinigaw sa loob ng halos dalawang oras, “Dakila si Artemis ng Efeso!” 35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino ba sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang lungsod ng Efeso ang tagapag-ingat ng templo ng dakilang si Artemis at ng kanyang estatwa na nahulog mula sa langit? 36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. 37 Ang mga taong dinala ninyo rito'y hindi naman magnanakaw sa templo o lumalapastangan sa ating diyosa. 38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong sakdal laban kaninuman, bukas ang mga hukuman at naroon ang mga pinuno. Doon kayo magreklamo. 39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, dapat itong lutasin sa nararapat na kapulungan. 40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangan ng panggugulo sa araw na ito dahil wala naman tayong maibibigay na katwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkasabi niya ng mga ito, pinaalis na niya ang mga tao.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.