Historical
Pagkatapos ng templo; ang kaban ay ipinasok.
5 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga'y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.
2 (A)Nang magkagayo'y pinulong ni Salomon ang mga matanda ng Israel, at ang lahat na pangulo ng mga lipi, ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.
3 At ang lahat na lalake ng Israel ay nangakipagpulong sa hari sa kapistahan, na sa ikapitong buwan.
4 At ang lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon; at (B)pinasan ng mga Levita ang kaban;
5 At kanilang iniahon ang kaban, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nangasa Tolda; ang mga ito'y iniahon ng mga saserdote na mga (C)Levita.
6 At ang haring Salomon at ang buong kapisanan ng Israel, na nangakipagpulong sa kaniya, ay nangasa harap ng kaban na nagsisipaghain ng mga tupa at mga baka, na hindi masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.
7 At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa dako niyaon, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa makatuwid baga'y sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.
8 Sapagka't ibinubuka ng mga querubin ang kanilang mga pakpak sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagsisitakip sa kaban, at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.
9 At ang mga pingga ay nangapakahaba na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita (D)mula sa kaban sa harap ng sanggunian: nguni't hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.
10 Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises sa Horeb, nang ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y magsilabas sa Egipto.
11 At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa banal na dako (sapagka't ang lahat na saserdote na nangahaharap ay nangagpakabanal, at hindi sinunod ang kanilang (E)pagkakahalihalili;
12 Ang mga Levita rin naman na mga mangaawit, (F)silang lahat, sa makatuwid baga'y si Asaph, si Heman, si Jeduthun, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga kapatid na (G)may suot na mainam na kayong lino, na may mga simbalo at mga salterio at mga alpa, ay nangakatayo sa dakong sulok na silanganan ng dambana, at kasama nila'y isang daan at dalawang pung saserdote na nagpapatunog ng mga pakakak:)
13 Nangyari nga, nang ang mga nangagpapakakak at mga mangaawit ay nangagkakatugma, upang mangagpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagdalangin at pasasalamat sa Panginoon; at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga pakakak, at mga simbalo, at mga panugtog ng tugtugin at magsipuri sa Panginoon, na magsipagsabi, (H)Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man: na nang magkagayo'y ang bahay ay napuno ng ulap; sa makatuwid bagay ang bahay ng Panginoon,
14 (I)Na anopa't ang mga saserdote ay hindi mangakatayo na mangakapangasiwa dahil sa ulap: sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Dios.
Ang talumpati ni Salomon sa mga tao.
6 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, (J)Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman,
2 Nguni't ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.
3 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.
4 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,
5 Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:
6 (K)Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.
7 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
8 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;
9 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.
10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
11 At doo'y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.
Ang panalangin ng pagtatalaga.
12 At siya'y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay
13 (Sapagka't gumawa si Salomon ng isang (L)tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao'y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:)
14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:
15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.
17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.
18 Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!
19 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:
20 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod (M)sa dakong ito.
21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.
22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:
25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.
26 Pagka ang langit ay nasarhan, (N)at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:
27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;
29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa't tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka't ikaw, sa makatuwid baga'y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao;)
31 Upang sila'y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila'y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
32 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, (O)na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila'y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:
33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.
36 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
37 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;
38 Kung sila'y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.
41 (P)Ngayon nga'y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa (Q)iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.
42 Oh Panginoon, Dios, (R)huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: (S)alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.
Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay suma buong templo.
7 Nang (T)makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang (U)apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; (V)at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
2 At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3 At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
Nagsunog ng mga handog.
4 (W)Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
5 At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.
6 At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.
7 Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.
Ang pista ng pagtatalaga.
8 Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath (X)hanggang sa batis ng Egipto.
9 At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: (Y)sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.
10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.
11 (Z)Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.
12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, (AA)at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.
13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; (AB)akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;
18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, (AC)Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.
Pangako at babala ng Panginoon.
19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.
21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978