Historical
Mga Tagumpay ni David sa Labanan(A)
18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.
2 Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.
3 Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. 4 Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.
5 Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. 6 Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. 7 Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. 8 Napakaraming(B) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.
12 Si(C) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.
14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.
Nilupig ni David ang mga Ammonita at mga Taga-Aram(D)
19 Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. 2 Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Pagdating ng mga sugo, 3 sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?”
4 Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. 5 Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas.
6 Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. 7 Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. 8 Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. 9 Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon.
10 Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. 11 Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. 12 Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
14 Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. 15 Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. 16 Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. 17 Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. 18 Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. 19 Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. 20 Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita.
Pinarusahan ang mga Ammonita(E)
20 Nang(F) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. 2 Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. 3 Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.
Pakikipaglaban sa mga Higanteng Filisteo(G)
4 Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.
5 Sa(H) isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.
6 Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. 7 Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.
8 Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.