Historical
23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” 2 At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. 3 Nang (A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” 4 Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” 5 At (B) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”
6 Nang (C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” 7 Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, 8 sapagkat (D) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. 9 Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Ang Tangka sa Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.” 16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”
Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix
23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[a] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:
26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”
31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
24 Pagkaraan ng limang araw, dumating ang Kataas-taasang Paring si Ananias kasama ang ilang matatandang pinuno, at isang tagapagsalitang si Tertulio. Nagharap sila ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo. 2 Nang maiharap na si Pablo, nagsimula si Tertulio sa kanyang pagsasakdal laban dito. Sinabi niya,
“Kagalang-galang na Felix, dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap. 3 Sa lahat ng paraan at sa lahat ng dako ay kinikilala namin ito nang may lubos na pasasalamat. 4 Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, hinihiling ko sa inyo ang inyong kabutihan na pakinggan kami ng ilang sandali. 5 Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at nanggugulo sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig. Isa siyang pinuno sa sekta ng mga Nazareno. 6 Nagtangka pa siyang lapastanganin ang Templo kaya dinakip namin siya. [Nais sana namin siyang hatulan ayon sa aming Kautusan. 7 Ngunit dumating ang kapitang si Lisias at sapilitan siyang inagaw sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.][b] 8 Sa pagtatanong ninyo sa kanya, mula sa kanyang bibig ay kayo mismo ang makaaalam na totoo ang lahat ng aming paratang laban sa kanya.” 9 Sinang-ayunan naman ng lahat ng mga Judiong naroon ang mga ito.
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harapan ni Felix
10 Nang hudyatan ng gobernador si Pablo upang magsalita, siya'y sumagot:
“Yamang nalalaman kong kayo ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, buong tiwala kong gagawin ang aking pagtatanggol. 11 Matitiyak ninyo sa inyong pagsisiyasat na wala pang labindalawang araw nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba. 12 Minsan man ay hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo kahit kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa Templo man o sa mga sinagoga, o saanmang dako ng lungsod. 13 Hindi rin nila mapapatunayan sa inyo ang mga ibinibintang nila sa akin ngayon. 14 Ngunit ito ang inaamin ko sa inyo: Ayon sa Daan na tinatawag nilang sekta ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno. Pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga propeta. 15 At tulad nila'y umaasa rin ako sa Diyos na muli niyang bubuhayin ang lahat, maging matuwid at di-matuwid. 16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos at sa lahat ng tao. 17 Pagkaraan ng ilang taon, (E) bumalik ako upang magdala ng tulong sa aking mga kababayan at mag-alay ng mga handog sa Diyos. 18 Natapos ko nang gawin ang seremonya ng paglilinis nang ako'y kanilang matagpuan sa templo, na walang kasamang maraming tao at wala ring kaguluhan. 19 Ngunit ilang Judiong galing sa Asia ang naroroon. At kung mayroon man silang sasabihin laban sa akin, dapat silang naririto sa inyong harapan at magsakdal. 20 O kaya'y hayaan ninyong ang mga taong naririto ang magsabi kung may natagpuan silang masama na ginawa nang ako'y humarap sa Sanhedrin. 21 Ang tanging maisasakdal nila laban sa akin (F) ay ang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Nililitis ako ngayon tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay.’ ” 22 Palibhasa'y may sapat na kaalaman si Felix tungkol sa Daan, ipinagpaliban muna niya ang pagdinig, at sinabi, “Magpapasya ako pagdating ng kapitang si Lisias.” 23 Pagkatapos ay iniutos niya sa senturyon na bantayan si Pablo, ngunit huwag higpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan.
Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila
24 Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katarungan, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, nangilabot si Felix at sumagot, “Makaaalis ka na. Ipatatawag kitang muli kapag nagkaroon ako ng panahon.” 26 Madalas niyang ipinatatawag at kinakausap si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito. 27 Sa pagnanais na bigyang kasiyahan ang mga Judio, pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan. Lumipas ang dalawang taon at si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo.
Dumulog si Pablo sa Emperador
25 Pagkaraan ng tatlong araw matapos dumating sa lalawigan, pumunta si Festo sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 Lumapit sa kanya doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio at idinulog ang kanilang sakdal laban kay Pablo. 3 Nakiusap silang ibalik si Pablo sa Jerusalem, sapagkat may balak silang siya'y tambangan at patayin sa daan. 4 Sumagot si Festo, “Nakabilanggo si Pablo sa Cesarea, at ako mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon. 5 Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, at sila ang magsakdal laban sa taong iyon, kung may nagawa man siyang kasalanan.” 6 Nagpalipas doon si Festo ng hindi hihigit sa walo o sampung araw, pagkatapos ay bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at iniutos na dalhin sa kanya si Pablo. 7 Pagdating ni Pablo ay pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem at nagharap ng marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya, na hindi naman nila mapatunayan. 8 Ipinagtanggol ni Pablo ang sarili at sinabi nito, “Wala akong ginawang anuman laban sa kautusan ng mga Judio, o laban sa templo, o maging sa Emperador.” 9 Ngunit nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin tungkol sa mga ito?” 10 Sumagot si Pablo, “Nakatayo na ako sa hukuman ng Emperador. Dito ako dapat litisin. Alam na alam ninyong wala akong ginawang masama laban sa mga Judio. 11 Kung ako'y nagkasala at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ko tatakasan ang kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang kanilang mga paratang laban sa akin, walang sinuman ang may karapatang magbigay sa akin sa kanila. Dumudulog ako sa Emperador.” 12 Pagkatapos pulungin ni Festo ang sanggunian, sumagot siya, “Sa Emperador nais mong dumulog? Sa Emperador ka pupunta.”
Si Pablo sa Harap nina Agripa at Bernice
13 Makaraan ang ilang araw, dumating si Haring Agripa at si Bernice sa Cesarea upang batiin si Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May iniwan dito si Felix, isang lalaking bilanggo. 15 Noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang tungkol sa kanya at hiniling na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanilang hindi kaugalian ng mga Romano na ibigay ang sinumang tao sa mga nagsasakdal sa kanya hanggang hindi nagkakaharap ang isinasakdal at ang mga nagsasakdal. Ito'y upang mabigyan siya ng pagkakataong maipagtanggol ang kanyang sarili. 17 Kaya't nang sila'y magkakasamang dumating dito ay hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Kinabukasan din ay umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko siya. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang anuman sa kanilang mga paratang ang mabigat gaya ng inakala kong ipaparatang nila. 19 Sa halip, ang pinagtalunan nila'y tungkol sa kanilang relihiyon, at tungkol sa isang tao na ang pangala'y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit pinaninindigan ni Pablo na siya'y buháy. 20 Dahil naguguluhan ako tungkol dito, tinanong ko si Pablo kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin tungkol sa mga paratang na ito. 21 Ngunit hiniling niya na manatili na lamang sa bilangguan at ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito'y ipinag-utos kong bantayan siya hanggang siya'y maipadala ko sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ibig ko ring mapakinggan ang taong iyan.” “Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon ni Festo.
23 Kinabukasa'y buong ringal na dumating sina Agripa at Bernice. Pumasok sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga kilalang tao sa lungsod. Pagkatapos ay ipinasok si Pablo sa utos ni Festo. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng mga kasama namin ngayon, masdan ninyo ang taong ito na ipinagsakdal sa akin ng sambayanan ng mga Judio dito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang wala na siyang karapatang mabuhay. 25 Ngunit wala akong natagpuang anuman upang parusahan siya ng kamatayan. Sapagkat mismong siya ay dumudulog sa Emperador, ipinasya kong siya'y ipadala roon. 26 Ngunit wala akong maisulat sa Emperador na malinaw na paratang laban sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyong lahat, lalung-lalo na sa harapan ninyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos natin siyang siyasatin. 27 Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi nililinaw ang sakdal laban sa kanya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.