Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 20-22

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos ng kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Matapos na palakasin ang kanilang loob, nagpaalam si Pablo sa kanila at nagtungo sa Macedonia. Pinuntahan ni Pablo ang mga lupain doon, at pinalakas ang loob ng mga alagad, at nagtungo siya sa Grecia. Nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalakbay na siya patungong Syria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. Sinamahan siya ni Sopatro na taga-Berea, anak ni Pirro, gayundin ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gaio na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. Nauna sila at naghintay sa amin sa Troas. Naglayag naman kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nagtipon kami upang magpira-piraso ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila hanggang hatinggabi sapagkat aalis siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Eutico. Nakatulog siya nang mahimbing habang patuloy sa pagsasalita si Pablo. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag, kaya't patay na nang damputin. 10 Bumaba si Pablo at siya'y niyakap. “Huwag kayong mabahala,” wika niya. “Buháy siya!” 11 Matapos pumanhik at magpira-piraso ng tinapay, nakipag-usap si Pablo sa kanila hanggang pagsikat ng araw, at siya ay umalis. 12 Iniuwi naman nilang buháy ang bata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Nauna kaming sumakay sa barko at naglayag patungong Asos. Doon kami makikipagkita kay Pablo, sapagkat ipinasya niyang sa lupa maglakbay. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barko, at sama-sama kaming nakarating sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Chios. Tumawid kami nang sumunod na araw patungong Samos, at pagkaraan ng isang araw pa ay nakarating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablo na lampasan ang Efeso upang hindi na siya magtagal sa Asia, sapagkat siya'y nagmamadali. Ibig niyang makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (A) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 25 At ngayo'y nalalaman kong hindi na ninyo ako makikita pang muli, kayong lahat na aking napuntahan at napangaralan tungkol sa paghahari ng Diyos. 26 Kaya nga sa araw na ito'y sinasabi ko sa inyong hindi ko na ságutin pa ang buhay[a] ng sinuman sa inyo. 27 Sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasyahan ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat itinalaga kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[b] na tinubos niya ng kanyang sariling dugo. 29 Alam kong pag-alis ko'y papasok sa gitna ninyo ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na pupuksain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyong mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga kasinungalingan, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. 31 Kaya't mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong may pagluhang nagbigay ako sa inyo ng babala araw at gabi sa loob ng tatlong taon. 32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salitang naghahayag ng kanyang kagandahang-loob, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana kasama ang lahat ng mga hinirang. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ang ginto, o ang damit ninuman. 34 Kayo mismo ang nakaaalam na ginamit ko ang aking mga kamay upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gayundin ng aking mga kasamahan. 35 Ipinakita ko sa lahat ng pagkakataon na sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap ay dapat ninyong tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ ” 36 Pagkatapos niyang magsalita, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Nag-iiyakan silang lahat, niyakap, at hinagkan si Pablo. 38 Ikinalulungkot nila nang higit sa lahat ang kanyang sinabi na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Matapos ito, siya'y inihatid nila sa barko.

Si Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila ay naglakbay kami patungong Cos. Kinabukasa'y nagtungo naman kami sa Rodas, at buhat doon ay sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong daraan sa Fenicia, kaya sumakay kami at naglakbay. Dumaan kami sa dakong timog ng Cyprus, pagkatapos ay patuloy na naglayag hanggang sa Syria. Dumaong kami sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. Nakatagpo kami roon ng mga alagad at isang linggo kaming tumigil sa piling nila. Sa patnubay ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. Nang dumating na ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Inihatid kami ng lahat ng mga kapatid, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, hanggang sa labas ng bayan. Pagdating sa baybayin, kami'y sama-samang lumuhod at nanalangin. Matapos magpaalam sa isa't isa, sumakay kami ng barko, at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.

Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay mula sa Tiro, hanggang dumating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid doon at nanatiling kasama nila ng isang araw. Kinabukasan, (B) nagtungo kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong tagapaglingkod. Siya ay may apat na anak na dalaga na nagpapahayag ng propesiya. 10 Ilang araw na kaming naroroon (C) nang dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at tinalian niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Banal na Espiritu, ‘Ganito tatalian ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’ ” 12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lang ninyo ang loob ko. Handa ako, hindi lamang mabilanggo kundi kahit mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Tumigil kami nang hindi namin siya mapigil. Sinabi na lamang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”

15 Pagkaraan ng ilang araw, naghanda na kami patungo sa Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, na matagal nang alagad. Doon kami nanuluyan.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami at si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; naroroon din ang lahat ng matatandang namamahala ng iglesya. 19 Binati silang lahat ni Pablo, at pagkatapos ay isa-isa niyang isinalaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. 20 Nang marinig nila ito, pinuri nila ang Diyos at sinabi kay Pablo, “Kapatid, ilang libo na sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa Kautusan. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikuran na si Moises. Sinasabi mo rin daw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sumunod sa mga kaugalian. 22 Ano ang dapat naming gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Kaya't (D) ganito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis. Ikaw na ang magbayad para maahit ang kanilang mga ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na walang katotohanan ang kanilang nabalitaan tungkol sa iyo, kundi ikaw mismo ay tumutupad sa Kautusan. 25 Tungkol (E) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng sulat na nagsasaad ng aming pasyang huwag silang kumain ng mga ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, ng hayop na binigti,[c] at umiwas sa pakikiapid.” 26 Isinama nga ni Pablo ang mga lalaking may panata at kinabukasan ay isinagawa ang paglilinis. Pagkatapos ay pumasok siya sa Templo upang ipagbigay-alam kung kailan matatapos ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, nakita ng mga Judiong taga-Asia si Pablo na nasa Templo. Sinulsulan nila ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayang Israelita, tulungan ninyo kami! Ito ang taong nagtuturo sa lahat laban sa ating bansa, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Nagsama pa siya ng mga Griyego sa Templo! Nilalapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Sinabi nila iyon sapagkat (F) nakita nila noong una na kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso, at inakala nilang ipinasok niya ito sa Templo. 30 Nagkagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang mga pintuan. 31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, nabalitaan ng kapitan ng mga kawal na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturyon, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Nang makita ng mga tao ang kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. 33 Pagkatapos nito, lumapit ang kapitan, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito?” tanong niya. “Ano ba'ng ginawa niya?” 34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao; at dahil sa kaguluhan ay hindi maunawaan ng kapitan ang totoong nangyari. Kaya't iniutos niyang dalhin si Pablo sa himpilan. 35 Nang dumating si Pablo sa hagdanan, binuhat na siya ng mga kawal sapagkat naging marahas na ang maraming tao. 36 Sumusunod ang taong-bayan at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan ay sinabi niya sa kapitan, “Maaari ba kayong makausap?”

At sinabi ng kapitan, “Marunong ka ng Griyego? 38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipciong nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?” 39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng hindi hamak na lungsod. Nakikiusap ako, pahintulutan ninyo akong magsalita sa mga taong-bayan.” 40 Pinayagan siya ng kapitan kaya't siya'y tumayo sa mga baytang at sumenyas sa mga tao. Nang sila'y tumahimik ay nagsalita siya sa wikang Hebreo:

22 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa inyong harapan.” Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Nagpatuloy si Pablo, “Ako'y (G) isang Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki rito sa Jerusalem. Sa ilalim ng pagtuturo ni Gamaliel ay mahigpit akong sinanay ayon sa Kautusan ng ating mga ninuno. Masigasig ako sa paglilingkod sa Diyos, tulad ninyong lahat ngayon. Pinag-usig ko (H) ang mga tagasunod ng Daang ito hanggang sila'y mapatay. Ipinagapos ko sila at ipinabilanggo, maging lalaki at babae. Ang Kataas-taasang Pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan ang makapagpapatotoo tungkol dito. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga kasamahan nila sa Damasco at nagpunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod ng Daang ito at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.

Ang Salaysay ni Pablo ng Kanyang Pagbabagong-loob(I)

“Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat ay biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ Sumagot ako, ‘Sino po kayo, panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazareth na iyong inuusig.’ Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. 10 Sinabi ko, ‘Ano po'ng gagawin ko, Panginoon?’ Tumugon siya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco, at sasabihin sa iyo doon ang lahat ng dapat mong gawin.’ 11 Hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya't inakay na lamang ako ng aking mga kasamahan patungong Damasco.

12 “Doon ay may lalaking ang pangalan ay Ananias. Masipag siya sa kabanalan, sumusunod sa kautusan, at iginagalang ng mga Judio na naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa aking tabi at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, tanggapin mong muli ang iyong paningin!’ Noon di'y bumalik ang aking paningin at nakita ko siya. 14 Pagkatapos ay sinabi ni Ananias sa akin, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod, at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa'ng hinihintay mo? Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabautismo, magpahugas ng iyong mga kasalanan.’

Isinugo si Pablo sa mga Hentil

17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, habang ako'y nananalangin sa templo ay nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ang nakaaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang (J) patayin si Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo, sa mga Hentil.’ ”

Si Pablo at ang Opisyal na Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa sandaling ito. Ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa mundo ang ganyang uri ng tao! Hindi siya dapat mabuhay!” 23 Habang nagpapatuloy sila sa pagsisigawan, sa paghahagis ng kanilang mga damit, at pagsasabog ng alikabok sa hangin, 24 ipinag-utos ng kapitan na ipasok si Pablo sa himpilan at ipahagupit habang sinisiyasat upang malaman niya kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling-balat, sinabi ni Pablo sa senturyong nakatayo sa malapit, “Ayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang mamamayang Romano, kahit wala pang hatol ang hukuman?” 26 Nang marinig iyon ng senturyon, pumunta siya sa kapitan at sinabi, “Paano ito? Ang taong ito ay mamamayang Romano!” 27 Lumapit ang kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Opo.” 28 Sumagot ang kapitan, “Malaki ang nagastos ko upang maging mamamayang Romano.” Sumagot si Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.” 29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang kapitan sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.

Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, dahil nais matiyak ng pinuno ang tunay na dahilan kung bakit isinakdal ng mga Judio si Pablo, iniutos niya sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong ang mga ito. Pinawalan naman niya si Pablo, pinababa at iniharap sa kanila.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.