Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 30-32

Ang Paghahanda para sa Pista ng Paglampas ng Anghel

30 Nagpadala si Hezekia ng mensahe sa lahat ng mamamayan ng Israel at Juda, pati na sa mga mamamayan ng Efraim at Manase. Inimbita niya sila na pumunta sa templo ng Panginoon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Nagpasya si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ikalawang buwan. Dapat sanaʼy gaganapin ang pistang ito sa unang buwan, pero kakaunti lang ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili sa panahong iyon at hindi nagtipon ang mga tao sa Jerusalem.

Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista, kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beersheba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Pero sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.

Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat:

“Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na para magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob,[a] para bumalik din siya sa inyo. Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Dios, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon. Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Dios, para mawala ang matindi niyang galit sa inyo. Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Dios. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”

10 Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manase hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao. 11 Ngunit may ibang galing sa Asher, Manase at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Kumilos din ang Panginoon sa mga taga-Juda para magkaisa sila sa pagtupad ng utos ng hari at ng mga opisyal, ayon sa utos ng Panginoon. 13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.

15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon. 16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.

17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon. 18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao 19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.” 20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad[b] niya ang mga tao.

21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon. 22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan. 24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili. 25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda. 26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel. 27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.

Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Hezekia

31 Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar[c] sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manase. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.

Ipinagbukod-bukod ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain sa templo ng Panginoon – para mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon, para magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng templo. Nagbigay si Hezekia ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at para rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon. Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi para makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon. Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong katas ng ubas, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto. Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Dios, at tinipon nila ito. Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan. Nang makita ni Hezekia at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na handog, pinuri nila ang Panginoon at ang mga mamamayan niyang Israelita.

Tinanong ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok. 10 Sumagot si Azaria, ang punong pari na mula sa angkan ni Zadok, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”

11 Nag-utos si Hezekia na gumawa ng mga bodega sa templo ng Panginoon, at nangyari nga ito. 12 At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conania na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Shimei. 13 Sina Jehiel, Azazia, Nahat, Azael, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakia, Mahat, at Benaya ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conania at Shimei. Pinili sila nina Haring Hezekia at Azaria na punong opisyal ng templo ng Dios.

14 Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Dios, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog. 15 Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amaria, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda. 16 Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taong gulang pataas ang edad, na pumupunta sa templo para gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. Kasama na rin ang mga paring hindi nakalista sa talaan ng mga angkan ng mga pari. 17 Sila at ang mga pari na nakalista sa talaan ng mga angkan ay binigyan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa 20 taong gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 18 Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita – ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili. 19 Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.

20 Ganoon ang ginawa ni Hezekia sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Dios. 21 Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa templo ng Dios at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Dios nang buong puso.

Nilusob ng Asiria ang Juda(A)

32 Matapos magampanan nang tapat ni Hezekia ang mga gawaing ito, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang Juda. Tinambangan niya at ng kanyang mga sundalo ang mga napapaderang lungsod, dahil iniisip niyang masasakop niya ito. Nang makita ni Hezekia na pati ang Jerusalem ay lulusubin ni Senakerib, kinausap niya ang kanyang mga opisyal at mga pinuno ng kanyang mga sundalo. Nagkaisa silang patigilin ang pagdaloy ng mga bukal sa labas ng lungsod. Kaya nagtipon sila ng maraming tao at tinambakan nila ang mga bukal at lambak na dinadaluyan ng tubig sa lupain. Sapagkat sinabi nila, “Pagdating dito ng mga hari ng Asiria, kakapusin sila ng tubig.”

Pagkatapos, pinatibay pa ni Hezekia ang kanyang mga depensa sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga pader at pagpapatayo ng mga tore. Pinalibutan pa niya ng isa pang pader ang lungsod, at pinatambakan ng lupa ang mababang bahagi ng Lungsod ni David. Nagpagawa rin siya ng maraming armas at mga pananggalang.

Nagtalaga siya ng mga pinuno sa mga tao, at ipinatipon niya sila sa plasa, malapit sa pintuan ng lungsod. Pinalakas niya ang kanilang loob, sinabi niya, “Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya. Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.

Habang nilulusob ni Haring Senakerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Lakish, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Hezekia at sa mga mamamayan doon:

10 “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo? 11 Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw. 12 Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.

13 “ ‘Nalalaman nʼyo kung anong ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Nailigtas ba sila ng kanilang mga dios mula sa aking mga kamay? 14 Wala ni isa man sa mga dios ng mga bansa na nilipol ko nang lubusan o ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay. Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong dios mula sa aking mga kamay? 15 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Huwag kayong makinig sa kanya, dahil walang dios sa kahit saan mang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay o sa kamay ng aking mga ninuno. At lalung-lalo na ang inyong dios!’ ”

16 May idinagdag pang masamang mga salita ang mga opisyal ni Senakerib laban sa Panginoong Dios at sa kanyang lingkod na si Hezekia. 17 Nagpadala pa si Haring Senakerib ng mga sulat para insultuhin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito ang sulat niya: “Ang mga dios ng ibang mga bansa ay hindi nailigtas ang kanilang mga mamamayan mula sa aking kamay. Kaya ang dios ni Hezekia ay hindi rin maililigtas ang kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay.” 18 Sinabi ito nang malakas ng mga opisyal ni Senakerib sa wikang Hebreo para takutin ang mga mamamayan ng Jerusalem na nagtitipon noon sa may pader. At kapag natakot na ang mga tao, madali na nilang masasakop ang lungsod. 19 Ang mga opisyal ay nagsabi ng masama laban sa Dios ng Jerusalem gaya ng kanilang sinabi laban sa mga dios ng ibang bansa na gawa lang ng tao.

20 Nanalangin sina Haring Hezekia at si Propeta Isaias na anak ni Amoz sa Dios sa langit. 21 At nagpadala ang Panginoon ng anghel na lumipol sa matatapang na sundalo, mga kumander, at sa mga opisyal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya umuwi si Haring Senakerib na labis na napahiya. At nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, pinatay siya ng iba niyang mga anak sa pamamagitan ng espada.

22 Kaya iniligtas ng Panginoon si Hezekia at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kamay ni Haring Senakerib ng Asiria at sa kamay ng iba pang mga kalaban. Binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang paligid. 23 Maraming tao ang nagdala ng mga handog sa Jerusalem para sa Panginoon. Nagdala rin sila ng mga mamahaling regalo kay Haring Hezekia. Mula noon, pinarangalan si Hezekia ng lahat ng bansa.

Ang Pagkakasakit ni Hezekia(B)

24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya. 25 Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem. 26 Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.

27 Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega para sa kanyang mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. Bukod pa rito, nagpagawa rin siya ng mga kulungan para sa kanyang mga hayop, 29 dahil napakarami niyang hayop. Nagpatayo rin siya ng mga bayan, dahil binigyan siya ng Panginoon ng maraming kayamanan.

30 Si Hezekia ang nag-utos na lagyan ng harang ang dinadaanan ng tubig na mula sa bukal ng Gihon at padaluyin ito papunta sa kanluran ng Lungsod ni David. Nagtagumpay si Hezekia sa lahat ng kanyang ginawa. 31 Pero sinubok siya ng Dios nang dumating ang mga opisyal mula sa Babilonia na nag-usisa tungkol sa kamangha-manghang nangyari sa Juda. Ginawa ito ng Dios para malaman kung ano talaga ang nasa puso ni Hezekia.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(C)

32 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia at ang pag-ibig[e] niya sa Panginoon ay nakasulat sa Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz, na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 33 Nang mamatay si Hezekia, inilibing siya sa ibabaw na bahagi ng libingan ng mga angkan ni David. Pinarangalan siya ng lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem nang mamatay siya. At ang anak niyang si Manase ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®