Historical
Ipinakita ni Ezekiel ang Pagkubkob sa Jerusalem
4 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng tisa, ilagay mo ito sa harap mo at iguhit doon ang lungsod ng Jerusalem. 2 Gawin mo ito na parang sinasalakay ng mga kaaway. Lagyan mo ng mga hagdan sa tabi ng pader at lagyan mo ng mga kampo sa palibot ng lungsod at ng trosong pangwasak ng pader. 3 Pagkatapos, kumuha ka ng malapad na bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lungsod. Humarap ka sa lungsod na parang sinasalakay mo ito. Ito ang magiging palatandaan sa mga mamamayan ng Israel na sasalakayin sila ng kanilang mga kaaway.
4 “Pagkatapos, mahiga kang nakatagilid sa kaliwa. Tanda ito na pinapasan mo ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Papasanin mo ang mga kasalanan nila ayon sa dami ng araw ng iyong paghiga. 5 Ang isang araw ay nangangahulugan ng isang taon. Kaya sa loob ng 390 araw ay papasanin mo ang mga kasalanan nila. 6 Pagkatapos, bumaling ka sa kanan at pasanin mo rin ang kasalanan ng mga taga-Juda sa loob ng 40 araw, ang isang araw ay nangangahulugan pa rin ng isang taon. 7 Tingnan mong muli ang tisa, na may larawan ng Jerusalem na kinubkob, at magsalita ka laban sa Jerusalem na nakatupi ang manggas ng iyong damit. 8 Gagapusin kita upang hindi ka makabaling, hanggang sa matapos ang pagpapakita mo ng pagkubkob ng Jerusalem.
9 “Magdala ka rin ng trigo, sebada, at ibaʼt ibang mga buto. Paghalu-haluin mo ito sa isang lalagyan at gawin mong tinapay. Ito ang kakainin mo sa loob ng 390 araw habang nakahiga kang nakatagilid sa kaliwa. 10 Bawat araw, dalawaʼt kalahating guhit lang na pagkain ang kakainin mo sa mga itinakdang oras. 11 At kalahating litrong tubig lang ang iinumin mo bawat araw sa mga itinakda ring oras. 12 Lutuin mo ang tinapay bawat araw habang nanonood ang mga tao. Lutuin mo ito tulad ng pagluluto ng tinapay na gawa sa sebada. Gamitin mong panggatong ang tuyong dumi ng tao at pagkatapos ay kainin mo ang tinapay. 13 Sapagkat iyan ang mangyayari sa mga mamamayan ng Israel. Kakain sila ng mga pagkaing itinuturing na marumi sa mga lugar na pagdadalhan ko sa kanila bilang mga bihag.”
14 Pagkatapos ay sinabi ko, “O Panginoong Dios, huwag nʼyo po akong utusan na gumawa ng ganyan. Alam ninyong hindi ko kailanman dinumihan ang sarili ko, mula pa noong bata ako hanggang ngayon. Hindi po ako kumain ng anumang hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop at hindi rin po ako kumain ng anumang hayop na itinuturing na marumi.” 15 Sumagot ang Panginoon, “Kung ganoon, dumi na lang ng baka ang gawin mong panggatong sa halip na dumi ng tao.”
16 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, babawasan ko ang pagkain sa Jerusalem. Kaya tatakalin ng mga taga-Jerusalem ang pagkain nilaʼt inumin. Mababalisa at magdadalamhati sila. 17 At dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig, magtitinginan sila sa sindak, at unti-unti silang mamamatay dahil sa kanilang mga kasalanan.”
Ang Pagkagiba ng Jerusalem
5 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. 2 Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. 3 Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. 4 Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. 6 Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. 7 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod[a] man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. 8 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. 9 Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10 Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11 Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[b]
13 “Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14 Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15 Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16 Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17 Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: 3 O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[c] 4 Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. 5 Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. 6 Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. 7 Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
8 “Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa 9 bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”
Malapit na ang Katapusan ng Israel
7 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel. 3 Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 4 Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan. 6 Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo, 7 kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan. 8 Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 9 Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.
10 “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao. 11 Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala. 12 Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko. 13 Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay. 14 Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
15 “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom. 16 Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan. 17 Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod. 18 Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila. 19 Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala. 20 Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila. 21 Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito. 22 Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.
23 “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod. 24 Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao,[d] at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila. 25 Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan. 26 Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan. 27 Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®