Read the Gospels in 40 Days
Namatay si Lazaro
11 (A)May isang lalaking may sakit na ang pangalan ay Lazaro na taga-Betania. Kasama niyang naninirahan sa nayon ang mga kapatid na sina Maria at Marta. 2 (B)Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon; ang kapatid niyang si Lazaro ay may sakit. 3 Kaya ang magkapatid na babae ay nagpadala ng mensahe kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.” 4 At nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na ito ay hindi mauuwi sa kamatayan, sa halip, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, nang sa gayon ay luwalhatiin ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.” 5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. 6 Gayunman matapos marinig na si Lazaro ay may sakit, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa kanyang tinutuluyan.
7 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik tayo sa Judea.” 8 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Rabbi, nagtatangka ang mga Judio na batuhin kayo, nais pa ba ninyong bumalik doon?” 9 Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras ng liwanag sa isang araw? Ang naglalakad kapag araw ay hindi matitisod sapagkat nakikita niya ang liwanag ng sanlibutang ito. 10 Ngunit ang lumalakad sa gabi ay matitisod, sapagkat ang liwanag ay wala sa kanya.” 11 Matapos niyang sabihin ito'y idinugtong niya, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog, ngunit pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.” 13 Subalit ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkamatay ni Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog lamang. 14 Kaya pagkatapos nito ay tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila, “Patay na si Lazaro. 15 Para sa inyong kapakanan, mabuting wala ako roon, upang kayo’y sumampalataya. Gayunman, puntahan natin siya.” 16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na kambal, sa kapwa niya mga alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay
17 Nang dumating si Jesus, nadatnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Malapit ang Betania sa Jerusalem, mga tatlong kilometro[a] ang layo. 19 Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para aliwin sila dahil sa kanilang kapatid. 20 Nang marinig ni Marta na paparating si Jesus, sinalubong niya ito, habang si Maria naman ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid. 22 Ngunit ngayon, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ay ibibigay niya sa iyo.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Mabubuhay muli ang iyong kapatid.” 24 (C)Sumagot si Marta, “Alam kong mabubuhay siyang muli sa Pagkabuhay, sa huling araw.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang mga sumasampalataya sa akin ay mabubuhay kahit na siya ay mamatay, 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba rito?” 27 Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na siyang dumarating sa sanlibutan.” 28 Pagkasabi niya nito, bumalik siya kay Maria. Tinawag niya ito at palihim niyang sinabi, “Nandito ang guro at tinatawag ka.” 29 Nang marinig ito ni Maria, nagmadali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”
Binuhay ni Jesus si Lazaro
38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”
Ang Balak na Pagpatay kay Jesus
45 Kaya’t maraming Judiong sumama kay Maria na nakakita ng ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa kanya. 46 Ngunit ilan sa kanila ay nagpunta sa mga Fariseo at nagbalita ng ginawa ni Jesus. 47 Dahil dito, ang mga punong pari at mga Fariseo ay nagpatawag ng pulong. “Ano'ng gagawin natin?” tanong nila. “Maraming himalang ginagawa ang taong ito. 48 Kung pababayaan natin siyang ganito, lahat ay maniniwala sa kanya at darating ang mga Romano para wasakin ang ating templo at ating bansa.” 49 Si Caifas na kabilang sa kanila na siya ring punong pari nang panahong iyon ay nagsabi, “Wala talaga kayong alam! 50 Hindi ninyo naiintindihan na mas mabuti para sa inyo na hayaang mamatay ang isang tao para sa bayan, kaysa hayaang mawasak ang buong bansa.” 51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili; kundi, bilang isang punong pari nang panahong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay malapit nang mamatay para sa bansa. 52 At hindi lamang para sa bansa, kundi upang tipunin niya at pag-isahin ang mga nagkawatak-watak na anak ng Diyos. 53 Kaya’t mula sa araw na iyon, nagbalak silang patayin si Jesus. 54 Dahil dito, hindi na naglakad nang hayagan sa Judea si Jesus. Mula roon, nagpunta siya sa isang bayang tinatawag na Efraim, isang bayang malapit sa ilang. Nanatili siya roon kasama ang kanyang mga alagad.
55 Malapit na noon ang pista ng Paskuwa ng mga Judio, at maraming nagpunta sa Jerusalem mula sa kanayunan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng mga sarili ayon sa kautusan. 56 Hinahanap nila si Jesus at habang nakatayo sa templo ay nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?” 57 Nag-utos ang mga punong pari ng mga Judio at ang mga Fariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus upang siya'y maipadakip nila.
Binuhusan ng pabango si Jesus
12 Anim na araw bago ang Paskuwa nang magpunta si Jesus sa Betania, sa bahay ni Lazaro na binuhay niya mula sa mga patay. 2 Naghanda sila ng pagkain para kay Jesus. Nagsisilbi si Marta sa hapag kainan habang si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. 3 (D)Kumuha si Maria ng halos kalahating litro ng mamahaling pabango na gawa sa purong nardo. Ibinuhos niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. Napuno ng halimuyak ng pabango ang buong bahay. 4 Subalit isa sa kanyang mga alagad, si Judas Iscariote, na siyang magkakanulo sa kanya ay nagsabi, 5 “Bakit hindi na lang ibinenta ang pabangong ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mahihirap?” 6 Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha, kundi dahil siya ay magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng supot ng salapi at kinukupitan niya ito. 7 Sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Pinaghahandaan lamang niya ang araw ng aking libing. 8 (E)Lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo laging makakasama.”
9 Nang malaman ng napakaraming Judio na naroon si Jesus, pumunta sila roon hindi lamang dahil kay Jesus, kundi upang makita rin nila si Lazaro na muli niyang binuhay. 10 Nagplano rin ang mga punong pari na patayin si Lazaro, 11 sapagkat siya ang dahilan kung bakit marami sa mga Judio ang lumalayo sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
12 Kinabukasan, nabalitaan ng napakaraming taong naroon sa pista na si Jesus ay pupunta sa Jerusalem. 13 (F)Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas sila upang salubungin siya. Nagsigawan sila,
“Hosanna!
Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon,
ang Hari ng Israel!”
14 Nakita ni Jesus ang isang asno at sumakay siya rito. Gaya ng nasusulat,
15 (G)“Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion.
Narito ang iyong hari,
dumarating na nakasakay sa batang asno!”
16 Noong una, hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang mga bagay na ito. Subalit nang siya ay luwalhatiin na, naalala nila na ang mga ito ay nakasulat tungkol sa kanya at ginawa nga sa kanya. 17 Kaya patuloy na nagpatotoo ang mga taong kasama niya noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli itong binuhay. 18 Nabalitaan din nila na gumawa si Jesus ng ganitong himala, kaya't nagpunta sila para salubungin siya. 19 Dahil dito sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Wala tayong magagawa. Tingnan ninyo at sumusunod na sa kanya ang buong mundo.”
20 May mga Griyego ang kabilang doon sa mga nagpunta sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida ng Galilea at nakiusap sa kanya, “Ginoo, gusto sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi ang tungkol dito. Pagkatapos, magkasama silang pumunta at sinabi ito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (H)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay. 34 (I)Sumagot ang mga tao, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing ang Anak ng Tao ay itataas? Sino ba itong Anak ng Tao?” 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ang ilaw nang ilang sandali. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang sa gayo'y hindi kayo madaig ng kadiliman. Hindi nalalaman ng lumalakad sa dilim ang kanyang pupuntahan. 36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Kawalan ng Pananampalataya ng mga Tao
37 Kahit na gumawa si Jesus ng maraming himala sa harap ng mga tao, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 (J)Ito ay katuparan ng sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita,
at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Hindi sila makapaniwala sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 (K)“Binulag niya ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang hindi makakita ang kanilang mga mata
at hindi makaunawa ang kanilang puso, o makapanumbalik,
upang pagalingin ko.”
41 Ang mga ito'y sinabi ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya'y nagsalita tungkol sa kanya. 42 Gayunman, marami ang sumampalataya sa kanya, maging ang ilan sa mga pinuno. Subalit dahil sa mga Fariseo, hindi nila ito ipinaalam sa iba sa takot na palayasin sila sa sinagoga; 43 sapagkat mas ibig nila ang papuri mula sa tao kaysa papuring mula sa Diyos.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.