Read the Gospels in 40 Days
7 Pagkatapos ng mga ito naglakbay si Jesus sa Galilea. Iniwasan niyang dumaan sa Judea, sapagkat gusto siyang patayin ng mga Judio roon. 2 (A)Malapit na noon ang pista ng mga Kubol na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3 Kaya sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Umalis ka na at pumunta ka sa Judea, upang makita ng mga alagad mo ang mga ginagawa mo. 4 Sapagkat hindi gumagawa nang palihim ang sinumang nagnanais na makilala. Dahil ginagawa mo ang mga ito, ilantad mo ang iyong sarili sa lahat.” 5 Sapagkat maging ang mga kapatid niya ay hindi naniwala sa kanya. 6 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ito ang panahon ko, ngunit ang panahon ninyo ay laging naririyan. 7 Hindi kayo kamumuhian ng sanlibutan, ngunit namumuhi ito sa akin dahil nagpapatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. 8 Kayo na lang ang magpunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya ng mga ito, nagpaiwan siya sa Galilea. 10 Subalit pagkaalis ng kanyang mga kapatid patungo sa pista, pumunta din siya nang palihim at walang pinagsabihan sinuman. 11 Hinahanap siya ng mga Judio sa pista at ipinagtanong kung nasaan siya. 12 At maraming usap-usapan tungkol sa kanya ang mga tao. Ang ilan ay nagsabi, “Siya ay mabuting tao.” Ang sabi naman ng iba, “Inililigaw niya ang mga tao.” 13 Gayunman, walang Judiong nagsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa kanilang mga pinuno. 14 Nang kalagitnaan na ng pista ay nagpunta si Jesus sa templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio. Ang sabi nila, “Paanong nalaman ng taong ito ang mga kasulatan gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya't sumagot si Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 17 Ang sinumang naghahangad na gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin ay makaaalam kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos o nagsasalita lamang ako mula sa sarili. 18 Ang nagsasalita mula sa kanyang sarili ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang nagsisikap na parangalan ang nagsugo sa kanya, ang taong ito ay tapat, at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng kautusan? Subalit wala naman sa inyo ang tumutupad nito. Bakit sinisikap ninyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka ng demonyo. Sino'ng gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinagot sila ni Jesus, “Gumawa ako ng himala at lahat kayo ay namangha. 22 (B)Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas ng pagtutuli bagama't hindi ito galing kay Moises kundi sa mga ninuno. Nagtutuli kayo sa araw ng Sabbath. 23 (C)Kung ang pagtutuli sa araw ng Sabbath ay hindi paglabag sa Kautusan ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin sa pagpapagaling ko sa isang tao sa araw ng Sabbath?” 24 Huwag kayong humusga batay sa panlabas na anyo, kundi maging matuwid kayo sa inyong mga hatol.” 25 Kaya’t sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin? 26 At narito siya at hayagang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabing anuman laban sa kanya. Kinikilala na kaya ng mga pinuno na siya ang Cristo? 27 Ngunit alam natin kung saan galing ang taong ito; at pagdating ng Cristo, walang makaaalam kung saan siya manggagaling.” 28 Kaya sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Kilala ba talaga ninyo ako at alam ninyo kung saan ako galing? Hindi ako naparito para sa sarili ko lamang. Ang nagsugo sa akin ay tapat, at siya ang hindi ninyo nakikilala. 29 Kilala ko siya, sapagkat galing ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil dito, tinangka nilang dakpin siya, subalit wala ni isa mang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang oras niya. 31 Gayunman, marami sa mga naroon ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Kapag dumating ang Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming himala kaysa ginawa ng taong ito?” 32 Narinig ng mga Fariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol sa kanya, kaya nagpadala ang mga punong pari at mga Fariseo ng mga kawal para dakpin siya. 33 Kaya sinabi ni Jesus, “Sandaling panahon na lamang ninyo ako makakasama, at pagkatapos ay pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako matatagpuan. At kung saan ako naroroon ay hindi ninyo ako mapupuntahan.” 35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan ba nagbabalak pumunta ng taong ito na hindi natin matatagpuan? Pupunta kaya siya sa lugar ng mga kababayan nating nakatira kasama ng mga Griyego at magtuturo sa kanila? 36 Ano'ng ibig niyang sabihin sa sinabi niyang, ‘Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan,’ at ‘Kung saan ako naroroon hindi ninyo ako mapupuntahan’?” 37 (D)Sa huli at natatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at sumigaw. Sinabi niya, “Lumapit sa akin ang sinumang nauuhaw at uminom. 38 (E)Ang sumasampalataya sa akin, tulad ng sinabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang ilog ng tubig ng buhay.’ ” 39 Sinabi niya ito tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naibibigay ang Espiritu, sapagkat hindi pa naluluwalhati si Jesus. 40 Nang marinig ng ilang tao ang mga salitang ito, sinabi nila, “Tunay na ito nga ang propeta.” 41 Ang iba’y nagsabi, “Ito ang Cristo.” Subalit sinabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo? 42 (F)Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lahi ni David at sa Bethlehem na pinanggalingan ni David?” 43 Kaya nagkaroon ng pagkakahati sa mga tao dahil sa kanya. 44 May ilang nais dumakip sa kanya, subalit walang nangahas na gawin iyon.
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at mga Fariseo na nagsabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dala?” 46 Sumagot ang mga kawal, “Wala pa pong nakapagsasalita na tulad ng taong iyon.” 47 Tinanong sila ng mga Fariseo, “Pati ba kayo ay nalinlang na? 48 Mayroon bang mga pinuno o mga Fariseong naniwala sa kanya? 49 Ngunit ang mga taong ito na walang nalalaman sa kautusan ay mga sinumpa.” 50 (G)Si Nicodemo na nagpunta noon kay Jesus, at isa rin sa mga kasamahan nila, ay nagsabi sa kanila, 51 “Hinuhusgahan ba ng batas natin ang isang taong hindi man lamang natin napapakinggan at inaalam ang kanyang ginagawa?” 52 Sumagot sila sa kanya, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka at malalaman mong walang propetang magmumula sa Galilea.” 53 At nagsiuwi na ang lahat.
8 Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. 2 Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila. 3 Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila. 4 Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. 5 (H)Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” 6 Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya. Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 (I)At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 9 Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya. 10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”
12 (J)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (K)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (L)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. 31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 (M)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (N)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.