Read the Gospels in 40 Days
Pinagaling ni Jesus ang mga may Sakit
5 Matapos ang mga ito, habang nagdiriwang ng Pista ang mga Judio, pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa Jerusalem, sa tabi ng Bakod ng mga Tupa ay may imbakan ng tubig na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bethzatha na may limang malaking haligi. 3 Sa mga ito'y nakahiga ang maraming may sakit—mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. 4 Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa imbakan ng tubig at kinalawkaw ang tubig doon; ang sinumang maunang makarating doon ay gagaling.[a] 5 Naroon ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may karamdaman. 6 Nakita ni Jesus ang lalaking ito at alam niyang ito'y nakahiga na roon nang mahabang panahon, kaya't sinabi niya sa kanya, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sinagot siya ng lalaki, “Ginoo, wala po akong kasama na maglulusong sa akin sa imbakan ng tubig habang ito'y kinakalawkaw, at kapag ako'y papunta na roon, may nauuna na sa akin.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 At gumaling kaagad ang lalaki, dinala niya ang kanyang higaan at siya'y naglakad. Nangyari ito nang araw ng Sabbath. 10 (A)Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Sabbath ngayon, at hindi naaayon sa batas na dalhin ang iyong higaan.” 11 Ngunit sila'y kanyang sinagot, “Ang lalaking nagpagaling sa akin ang nagsabi na dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” 12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad?” 13 Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil umalis si Jesus nang dumami na ang tao sa lugar na iyon. 14 Pagkalipas ng mga ito, natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan upang wala nang masamang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya, inusig ng mga Judio si Jesus, sapagkat ginawa niya ang mga ito sa araw ng Sabbath. 17 Ngunit sinagot sila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa gawain at ako'y ganoon din.” 18 (B)Dahil dito, lalong nagsumikap ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilabag ang tuntunin ukol sa Sabbath, kundi sinabi rin niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayo'y ipinapantay ang sarili niya sa Diyos.
Ang kapangyarihan ng Anak
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak mula sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat kung anuman ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Anak. 20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kanya ang lahat ng ginagawa niya; at mas higit pa sa mga bagay na ito ang ipapakita ng Ama sa kanya, nang sa gayon, kayo ay mamangha. 21 At kung paanong ibinabangon at binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din namang bubuhayin ng Anak ang sinumang naisin niya. 22 Hindi hinahatulan ng Ama ang sinuman, ngunit ibinigay niya sa Anak ang lahat ng paghatol. 23 Sa gayon, ang lahat ay magpaparangal sa Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. 24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig sa salita ko at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan; hindi na siya daranas ng paghatol, sapagkat nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, darating ang oras, at ngayon na nga, kung saan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga makaririnig ay mabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ipinagkaloob din niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili, 27 at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig, 29 (C)at ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay babangon tungo sa buhay, at ang mga gumawa ng masasamang bagay ay babangon tungo sa paghatol. 30 Hindi ako gumagawa nang ayon sa aking sariling kapangyarihan. Humahatol ako ayon sa naririnig ko. At ang hatol ko ay makatarungan, sapagkat hindi ko hangad ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Mga Patotoo tungkol kay Jesus
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo para sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi kapani-paniwala. 32 May iba pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong ang patotoo niya ay kapani-paniwala. 33 (D)Kayo mismo ang nagpadala kay Juan ng mga sugo, at ang sinabi niya ay totoo. 34 Hindi sa kailangan ko ng patotoo ng tao, kundi sinasabi ko ang mga ito upang kayo ay maligtas. 35 (E)Si Juan ay ilawang nagliliyab at nagliliwanag, at ginusto ninyong masiyahan kahit sandali sa kanyang liwanag. 36 Ngunit ako mismo ay may patotoo na higit kaysa patotoo ni Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama upang gampanan, na siya namang ginagawa ko, ay nagpapatunay na ako ay sinugo ng Ama. 37 (F)Ang Ama na nagsugo sa akin ay siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kanyang isinugo. 39 (G)Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga ito'y magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuring mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo; wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinatanggap; subalit kung may isang darating sa sarili niyang pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala kung kayu-kayo ang pumupuri sa inyong sarili, at hindi ninyo hinahangad ang papuri mula sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal sa inyo sa harapan ng Ama. Ang nagsasakdal sa inyo ay si Moises na siyang pinaglalagakan ninyo ng pag-asa. 46 Kung pinaniwalaan ninyo si Moises, sana'y pinaniwalaan din ninyo ako, sapagkat siya ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinabi ko?”
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
6 Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. 2 Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. 3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. 4 Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. 5 Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” 6 Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. 7 Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[b] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” 8 Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, 9 “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[c] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!” 15 Nang makita ni Jesus na lumalapit ang mga tao at sapilitan siyang kukunin upang gawing hari, lumayo siya at muling pumuntang mag-isa sa bundok.
16 Kinagabihan, pumunta sa lawa ang kanyang mga alagad. 17 Sumakay sila ng bangka at nagsimulang baybayin ang lawa patungong Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. 18 Lumaki ang alon sa lawa dahil sa malakas na ihip ng hangin. 19 Nang makasagwan sila nang lima hanggang anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig ng lawa papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka; at nakarating agad ang bangka sa lugar na kanilang pupuntahan.
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (H)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (I)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw. 36 Sinabi ko sa inyo na nakita na ninyo ako subalit hindi kayo naniniwala. 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at ang lumalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy. 38 Bumaba ako mula sa langit hindi upang gawin ang nais ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin—na hindi ko maiwala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, kundi, ito’y buhaying muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” 41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (J)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno sa ilang, gayunma'y namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, upang ang sinumang kumain nito ay hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” 52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ito ang mga sinabi niya nang siya'y magturo sa bahay-pulungan ng mga Judio sa Capernaum. 60 Nang marinig nila ito, marami sa kanyang mga alagad ang nagsabing, “Mahirap na turo ito, sino ang may kayang tumanggap nito?” 61 Alam ni Jesus na nagbubulungan sila tungkol dito kaya sinabi niya, “Ikinagalit ba ninyo ang sinabi ko? 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 (K)Ang espiritu ang nagbibigay ng buhay, ang laman ay walang pakinabang; ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat alam na ni Jesus sa simula pa lamang ang mga hindi naniniwala, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 At sinabi niya, “Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ito ng Ama.” 66 Pagkatapos nito marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Nais din ba ninyong umalis?” 68 (L)Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at sumasampalataya kami, at nakatitiyak kami na kayo nga ang Banal ng Diyos.” 70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayong labindalawa, at isa sa inyo ay diyablo?” 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas, anak ni Simon Iscariote, ang isa sa labindalawa na magkakanulo sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.