Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mateo 17-18

Nagbagong-anyo si Jesus(A)

17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.

Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.

At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.

Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”

Samantalang(B) (C) nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”

Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.

Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”

Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.

Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”

10 Tinanong(D) siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?”

11 Sumagot siya, at sinabi, “Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay.

12 Ngunit(E) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila.”

13 Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Demonyo(F)

14 Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya,

15 at nagsabi, “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig.

16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling.

17 Sumagot si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.”

18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon.

19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”

20 Sinabi(G) niya sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari.

21 [Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]”

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)

22 Habang sila'y nagkakatipon[a] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng Tao ay malapit nang ipagkanulo sa kamay ng mga tao.

23 Siya'y papatayin nila ngunit siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila'y labis na nalungkot.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating(I) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo,[b] at sinabi nila, “Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?”

25 Sinabi niya, “Oo, nagbabayad siya.” At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?”

26 Kaya't nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayo'y hindi na pinagbabayad ang mga anak.

27 Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo.”

Sino ang Pinakadakila?(J)

18 Nang(K) oras na iyon ay lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”

Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila.

Sinabi(L) niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.

Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.

At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.

Mga Batong Katitisuran(M)

“Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat.

Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran!

“Kaya't(N) kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[c] na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan.

At(O) kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno[d] ng apoy.

Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(P)

10 “Pag-ingatan(Q) ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit.

[11 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.]

12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw?

13 At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.

14 Kaya't hindi kalooban ng inyong[e] Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung(R) magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.

16 Ngunit(S) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita.

17 Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis.

18 Katotohanang(T) sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit.

19 Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit.

20 Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”

21 Pagkatapos(U) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”

22 Sinabi(V) ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.[f]

Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad

23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.

24 Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.[g]

25 Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.

26 Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’

27 Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.

28 Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’

29 Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’

30 Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin[h] hanggang sa mabayaran nito ang utang.

31 Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.

32 Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.

33 Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’

34 At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.

35 Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001