Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 10-12

Ang Labindalawang Apostol(A)

10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)

Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.

Mga Pag-uusig na Darating(C)

16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.

24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!

Ang Dapat Katakutan(D)

26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.

Pagkilala kay Cristo(E)

32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.

Hindi Kapayapaan kundi Tabak(F)

34 “Huwag ninyong akalaing dumating ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako dumating upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. 35 Dumating ako upang labanan ng isang lalaki ang kanyang ama, ng anak na babae ang kanyang ina, at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay mismong ang sarili niyang mga kasambahay. 37 Ang nagmamahal sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang nagsisikap para sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay makatatagpo nito.

Mga Gantimpala(G)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid sa pangalan ng taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. 42 Sinumang magbigay ng isang basong tubig na malamig sa isa sa mga hamak na ito sa pangalan ng isang alagad, tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”

Ang mga Sinugo ni Juan na Tagapagbautismo(H)

11 Matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, nilisan niya ang lugar na iyon upang magturo at mangaral sa kanilang mga bayan. Nang mabalitaan ni Juan, na noon ay nasa bilangguan, ang tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagsugo siya ng kanyang mga alagad, at ipinatanong, “Ikaw na ba ang darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Pagbalik ninyo kay Juan ay sabihin ninyo sa kanya ang inyong mga naririnig at nakikita. Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga paralitiko, nagiging malinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi natitisod dahil sa akin.” Habang sila'y umaalis, nagsimulang magsalita si Jesus sa napakaraming tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang inyong makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga mamahaling damit? "Nasa mga palasyo ng mga hari ang mga nagsusuot ng magagarang kasuotan." At ano nga ba ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta. 10 Siya ang tinutukoy ng nasusulat,

‘Tingnan ninyo, isinusugo ko ang aking sugo, na mauuna sa iyo,
    na maghahanda ng iyong daraanan.’

11 Tinitiyak ko sa inyo, sa mga isinilang ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan na Tagapagbautismo. Gayunman, ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula pa sa kapanahunan ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay dumaranas ng karahasan at sapilitang kinukuha ng mga taong marahas. 13 Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagsalita ng propesiya hanggang kay Juan, 14 at kung nais ninyong tanggapin, siya ay si Elias na darating. 15 Makinig ang mga may pandinig!

16 “At sa ano ko naman ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa mga palengke at tumatawag sa kanilang mga kalaro,

17 ‘Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi naman kayo sumayaw;
    umawit kami ng himig pagluluksa, ngunit hindi naman kayo umiyak.’

18 Sapagkat naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi nila, ‘Sinasaniban siya ng demonyo.’ 19 Naparito ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo siya! Matakaw at manginginom, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Subalit ang karunungan ay pinatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”

Babala sa mga Lungsod na Di-nagsisi(I)

20 Pagkatapos nito'y sinimulan niyang sumbatan ang mga lungsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi nagsisi ang mga tao roon. 21 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng damit-sako at may abo sa ulo. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa sa inyo. 23 At ikaw Capernaum, sa akala mo ba'y itataas ka sa langit? Ibababa ka sa daigdig ng mga patay.[a] Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa iyo, nakatayo pa sana hanggang ngayon ang bayang iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa sa inyo.”

Ang Dakilang Paanyaya(J)

25 Nang sandaling iyon ay sinabi ni Jesus, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at may pinag-aralan, ngunit ipinaalam mo sa mga musmos. 26 Oo, Ama, sapagkat kalugud-lugod iyon sa iyong paningin. 27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at sa sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at may mabigat na pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Ang aking pamatok ay inyong pasanin, at kayo'y matuto sa akin, sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso, at matatagpuan ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat ang aking pamatok ay madaling dalhin, at magaan ang aking pasanin.”

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(K)

12 Sa pagkakataong iyon ay bumagtas sina Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Inabot ng gutom ang kanyang mga alagad at sila'y nagsimulang mamitas ng mga uhay at kumain. Subalit nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ang mga alagad mo'y gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng Sabbath.” Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom? Hindi ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na ihinandog, na hindi nararapat ayon sa batas na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi iyon ay para sa mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ang mga pari sa loob ng templo ay hindi nagpapasaklaw sa Sabbath, subalit hindi sila itinuturing na nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. Kung alam lamang ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko ay habag, at hindi handog,’ ay hindi ninyo sana hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(L)

Umalis doon si Jesus at pumasok sa sinagoga. 10 At naroon ang isang taong paralisado ang isang kamay. Tinanong nila si Jesus, “Ayon ba sa batas ang magpagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath?” Itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa kanya. 11 Sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, kung isa sa inyo ay may tupang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba niya ito aabutin at iaahon? 12 Higit namang napakahalaga ng isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa batas ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” 13 At sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito at ito'y nanumbalik sa dati, wala nang sakit katulad ng isa. 14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin. 15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:

18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
    ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
    at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
    nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
    hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21     at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”

Panlalait sa Banal na Espiritu(M)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Pinagaling niya ang lalaki kaya't nakapagsalita at nakakita iyon. 23 Namangha ang lahat ng naroroon at nagtanong, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” 24 Subalit (N) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (O) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang mga tao sa bawat kasalanan at panlalait, subalit ang panlalait sa Espiritu ay hindi patatawarin. 32 At (P) ang sinumang magsalita ng anuman laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin, sa panahon mang ito o sa darating.

Sa Bunga Nakikilala(Q)

33 “Alinman sa (R) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama rin ang bunga nito. Sapagkat nakikilala ang puno sa pamamagitan ng bunga nito. 34 Kayong (S) lahi ng mga ulupong! Sadyang hindi kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay sapagkat kayo'y masasama! Sapagkat kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa kanyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, at ang masamang tao mula sa kanyang masamang kayamanan ay naglalabas ng masasamang bagay. 36 Sinasabi ko sa inyo, pananagutan ng mga tao sa araw ng paghuhukom ang bawat salitang walang habas na binigkas. 37 Sapagkat batay sa iyong mga salita, ikaw ay mapapawalang-sala o mahahatulan.”

Ang Tanda ni Jonas(T)

38 Pagkatapos, (U) may mga guro ng Kautusan at mga Fariseo na sumagot sa kanya, “Guro, nais naming makakita mula sa iyo ng isang himala bilang tanda.” 39 Sumagot (V) siya sa kanila, “Ang isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda; subalit walang mahimalang tanda na ibibigay sa kanya, maliban sa mahimalang tanda ng propetang si Jonas. 40 Sapagkat (W) kung paanong tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang isda, gayundin ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. 41 Tatayo ang (X) mga taga-Nineve sa paghuhukom laban sa lahing ito at hahatulan ito, sapagkat nagsisi sila nang mangaral si Jonas. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang (Y) Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom laban sa lahing ito, at hahatulan ito, sapagkat nanggaling pa siya sa kadulu-duluhan ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Solomon.

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(Z)

43 “Kapag nakalabas mula sa isang tao ang karumal-dumal na espiritu, lumilibot ito sa mga tuyong lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan, subalit wala siyang matagpuan. 44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa pinanggalingan kong bahay.’ Pagdating niya roon at matagpuan iyong walang laman, nalinisan at naiayos na, 45 umaalis siya, at nagdadala pa ng pitong espiritu na mas masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon. Ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa una. Gayundin ang sasapitin ng masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(AA)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus[b] sa napakaraming tao, nakatayo sa labas ang kanyang ina at mga kapatid, hinihiling nilang siya'y makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nakatayo po sa labas ang inyong ina at mga kapatid at ibig kayong makausap.”[c] 48 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sino ba ang aking ina at sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi niya, “Narito ang aking ina at aking mga kapatid. 50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama sa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.