Read the Gospels in 40 Days
Magsisi o Mamatay
13 Nang oras na iyon, dumating ang ilan at nagbalita kay Jesus na may mga taga-Galilea na ipinapatay ni Pilato habang nag-aalay sila sa Diyos. 2 At sinabi niya sa kanila, “Inaakala ba ninyong higit na makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila nang ganoon? 3 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila. 4 Iyon namang labingwalong namatay nang nabagsakan ng tore sa Siloam, inaakala ba ninyong higit silang makasalanan kaysa ibang taga-Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Pinuntahan niya ito upang maghanap ng bunga roon, ngunit wala siyang natagpuan. 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan mo ito; tatlong taon na akong pumupunta rito upang maghanap ng bunga sa punong igos na ito ngunit wala pa akong matagpuan. Kaya putulin mo na ito! Sayang lang ang lupa sa kanya!’ 8 Sumagot ito sa kanya, ‘Panginoon, bigyan pa po ninyo ito ng isang taon at huhukayin ko ang paligid nito at lalagyan ko ng pataba. 9 Baka naman magbunga na ito sa darating na taon, ngunit kung hindi pa, puputulin na ninyo ito.’ ”
Ang Pagpapagaling sa Babaing Kuba
10 Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga. 11 Naroon ang isang babaing labingwalong taon nang may espiritu ng kapansanan. Hukot ang kanyang katawan at hindi na niya makayang makaunat. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi sa kanya, “Babae, kinalagan ka na sa iyong kapansanan.” 13 At ipinatong niya ang kanyang kamay sa babae at nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. 14 Ngunit ikinagalit ng pinuno ng sinagoga ang pagpapagaling ni Jesus nang Sabbath kaya't sinabi niyon sa mga tao, “May anim na araw na dapat magtrabaho, kaya nga sa mga araw na iyon kayo magpunta upang magpagaling at hindi sa araw ng Sabbath.” 15 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kung Sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong baka o asno mula sa sabsaban at inilalabas ito upang painumin? 16 Iginapos ni Satanas nang labingwalong taon ang babaing ito na anak ni Abraham. Hindi ba dapat lang na makalagan siya sa pagkakagapos na iyon sa araw ng Sabbath?” 17 Pagkasabi niya noon, napahiya ang lahat ng kumakalaban sa kanya. Nagalak ang buong madla sa lahat ng kahanga-hangang ginawa niya.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Pampaalsa(A)
18 Sinabi niya, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos at sa ano ko ito maihahambing? 19 Tulad ito ng isang butil ng mustasa na pagkakuha ng isang tao ay inihasik sa kanyang halamanan. Tumubo ito at naging puno at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 At muli ay sinabi niya, “Sa ano ko maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? 21 Tulad ito ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(B)
22 Nagturo si Jesus sa mga bayan at nayon habang naglalakbay patungong Jerusalem. 23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”
Ang Pagtangis ni Jesus sa Jerusalem(C)
31 Nang mga oras na iyon ay dumating ang ilang Fariseo na nagsabi kay Jesus, “Umalis ka na at pumunta sa ibang lugar sapagkat gusto kang ipapatay ni Herodes.” 32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, na tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ang aking gawain. 33 Gayunman, kailangan kong magpatuloy sa aking paglalakbay ngayon at bukas at sa makalawa. Sapagkat hindi maaaring ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong ninais kupkupin ang iyong mga anak tulad ng pagkupkop ng inahin sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, ngunit ayaw mo. 35 Tandaan ninyo: Pababayaan ng Diyos ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyong hinding-hindi ninyo ako makikita hanggang sa sumapit ang panahong sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit
14 Isang araw ng Sabbath, pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain. Minamatyagan siyang mabuti ng mga Fariseo. 2 Bigla na lamang pumunta sa kanyang harapan ang isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa Kautusan at ang mga Fariseo, “Ipinahihintulot ba na magpagaling kung araw ng Sabbath o hindi?” 4 Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan niya ang maysakit at ito'y pinagaling at pinauwi. 5 At sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman sa inyo ang may anak o toro na mahulog sa balon, hindi ba agad ninyo itong iaahon kahit na araw ng Sabbath?” 6 Hindi nila masagot ang mga ito.
Mabuting Pakikitungo at Pagpapakababa
7 Nang mapansin niyang pinipili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga: 8 “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang maupo sa upuang pandangal. Baka mayroon siyang inanyayahang mas kilala kaysa iyo. 9 At sa paglapit ng nag-anyaya sa inyong dalawa ay sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan.’ Mapapahiya ka lamang at uupo sa pinakaabang upuan. 10 Sa halip, kung naanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakaabang upuan. Pagdating ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, lumipat ka sa mas marangal na upuan.’ Sa gayon ay mabibigyan ka ng dangal sa harap ng mga kasalo mo. 11 Sapagkat ibababa ang sinumang nagtataas ng sarili ngunit ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Sinabi rin niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang mga kaibigan mo, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o ang mayayaman mong kapitbahay; baka aanyayahan ka rin nila at sa gayo'y masusuklian ang iyong paanyaya. 13 Ngunit kung maghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, at mga bulag. 14 Pagpapalain ka sapagkat hindi nila mababayaran ang iyong ginawa. Mababayaran ka na lamang sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(D)
15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya kaya't sinabi nito sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa piging sa kaharian ng Diyos.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Isang tao ang nagbigay ng isang piging at nag-anyaya ng marami. 17 Nang oras na ng hapunan, isinugo niya ang kanyang lingkod upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo! Sapagkat ang lahat ay handa na.’ 18 Ngunit lahat sila ay nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan kong puntahan iyon. Humihingi ako ng paumanhin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka at aalis ako upang subukin ang mga ito. Humihingi ako ng paumanhin.’ 20 Sinabi ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya't hindi ako makadadalo.’ 21 Pagbalik ng lingkod, iniulat niya sa kanyang panginoon ang mga iyon. Sa galit ng panginoon ng sambahayan ay sinabi niya sa kanyang lingkod, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga bulag at mga lumpo.’ 22 Sinabi ng lingkod pagbalik nito, ‘Panginoon, natupad na ang ipinag-utos ninyo, pero may lugar pa rin.’ 23 Kaya sinabi ng panginoon sa lingkod, ‘Lumabas ka sa mga daan at bakuran. Pilitin mong pumarito ang mga tao upang mapuno ang aking bahay.’ 24 Sinasabi ko sa inyo, hindi makatitikim ng aking piging kahit isa man sa mga inanyayahan.”
Ang Kabayaran ng Pagiging Isang Alagad(E)
25 Sumama sa paglalakbay ni Jesus ang napakaraming tao. Humarap siya sa kanila at sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang lumalapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, o maging sa kanyang sariling buhay. 27 Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin. 28 Sapagkat sino ba sa inyo na nagnanais magtayo ng tore ang hindi muna nauupo at inaalam ang magugugol upang matiyak kung mayroon siyang sapat na halaga hanggang matapos ito? 29 Baka kung nailagay na ang pundasyon at hindi ito makayang tapusin, kukutyain siya ng lahat ng makakakita sa kanya. 30 Sasabihin nila, ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman niya kayang tapusin iyon.’ 31 O sinong hari ang makikipagdigma sa ibang hari ang hindi muna nauupo at sumasangguni sa kanyang mga tagapayo kung kayang manalo ng kanyang sampung libong kawal laban sa kalaban niyang sumusugod na may dalawampung libong kawal? 32 Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kaaway ay magpapadala na siya ng sugo upang makipagkasundo para sa kapayapaan. 33 Kaya nga't sino man sa inyo na hindi magtatakwil sa lahat ng kanyang pag-aari ay hindi maaaring maging alagad ko.”
Asin na Walang Lasa(F)
34 “Mainam ang asin. Subalit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapapaalat? 35 Wala na itong silbi kahit sa lupa o sa tambakan ng dumi. Itatapon na lang ito sa labas. Makinig ang may pandinig.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.