Read the Gospels in 40 Days
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Kapitan(A)
7 Nang matapos ni Jesus ang lahat ng kanyang sasabihin sa mga taong nakikinig ay pumasok siya sa Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitan ng mga kawal na may aliping maysakit at nasa bingit na ng kamatayan. Ito ay napamahal na sa kanya. 3 Kaya nang marinig ang tungkol kay Jesus, isinugo niya ang ilan sa mga pinuno ng mga Judio upang makiusap kay Jesus na dalawin siya at pagalingin ang kanyang alipin. 4 Sa kanilang pagharap kay Jesus ay pinakiusapan nila ito nang mabuti. Sinabi nila, “Siya ay karapat-dapat na paunlakan ninyo, 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Ipinagpatayo pa niya tayo ng sinagoga.” 6 Kaya naman sumama sa kanila si Jesus; ngunit hindi kalayuan mula sa bahay ay ipinasalubong na siya ng kapitan sa kanyang mga kaibigan upang sabihin sa kanya, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abala pa sapagkat hindi ako karapat-dapat na inyong sadyain sa loob ng aking bahay. 7 At hindi ko rin itinuring na karapat-dapat ang aking sarili na humarap sa inyo. Ngunit ipag-utos po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako man ay taong nasa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan. Sabihin ko lang sa isa, ‘Humayo ka!’ at siya ay hahayo. Sa isa naman, ‘Halika!’ at siya ay lalapit. Gayon din sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at gagawin nga niya.” 9 Namangha si Jesus pagkarinig dito at pagbaling niya sa mga taong sumusunod sa kanya ay nagsabi, “Sinasabi ko sa inyo, hindi ako nakakita ng ganitong pananampalataya sa Israel!” 10 At pagbalik nila sa bahay ng nagsugo sa kanila ay nakita nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan, pumunta si Jesus sa isang bayang kung tawagin ay Nain at sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na sila sa bungad ng bayan ay naroon at ililibing ang namatay na kaisa-isang anak na lalaki ng kanyang inang balo. Napakaraming taong nakipaglibing sa kanya mula sa bayan. 13 Nahabag ang Panginoon nang makita ang balo at sinabi sa kanya, “Huwag kang umiyak!” 14 At paglapit ay hinipo niya ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga nagbubuhat. Sinabi niya, “Binata, inuutusan kita. Bumangon ka!” 15 Umupo naman ang namatay at nagsimulang magsalita. Ibinigay ito ni Jesus sa kanyang ina. 16 Nabalot ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos sa pagsasabing, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” 17 Kumalat sa buong Judea at sa mga nakapaligid na lugar ang balitang ito tungkol sa kanya.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita kay Juan ng mga alagad nito ang tungkol sa lahat ng mga ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad 19 at isinugo sila sa Panginoon upang magtanong, “Ikaw na ba ang aming pinakahihintay o maghihintay pa kami ng iba?” 20 Pagdating ng mga lalaking ito kay Jesus ay kanilang sinabi, “Isinugo kami ni Juan na Tagapagbautismo upang magtanong, ‘Ikaw na ba ang aming pinakahihintay o maghihintay pa kami ng iba?’ ” 21 Nang oras na iyon ay marami siyang pinagaling sa karamdaman, sa salot at sa masasamang espiritu. Marami ring bulag na binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Humayo kayo at ibalita ninyo kay Juan ang inyong mga nakita at narinig: Nakakakitang muli ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ibinabahagi sa mahihirap ang mabuting balita. 23 Pinagpapala ang taong hindi mag-aalinlangan sa akin.” 24 Nang makaalis ang mga isinugo ni Juan ay nagsimulang magsabi si Jesus sa mga tao ng tungkol kay Juan, “Ano ang sinadya ninyo sa ilang upang makita? Isang tambo na idinuduyan ng hangin? 25 Ano nga ba ang sinadya ninyo upang makita? Isang lalaking nabibihisan ng magarang damit? Naroon sa palasyo ng mga hari ang mga nakasuot ng magagara at namumuhay nang marangya. 26 Subalit ano nga ba ang sinadya ninyo upang makita? Isang propeta? Oo nga! Sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Siya ang tinutukoy ng Kasulatan,
‘Narito at ipinadadala ko ang aking sugo na mauna sa iyong harapan.
Siya ang maghahanda para sa iyo ng iyong daraanan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga taong isinilang ang higit na dakila kaysa kay Juan, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa sa kanya.” 29 Ang lahat ng taong nakarinig pati na ang mga maniningil ng buwis ay kumilala sa katuwiran ng Diyos dahil binautismuhan sila ng bautismo ni Juan. 30 Ngunit dahil hindi nagpabautismo sa kanya ang mga Fariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, tinanggihan nila ang layunin ng Diyos para sa kanila.
31 “Saan ko ngayon maihahambing ang mga tao ng kasalukuyang panahon? Ano ang katulad nila? 32 Tulad nila'y mga batang nakaupo sa pamilihan at nagsasabi sa isa't isa,
‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanaghoy kami ngunit hindi kayo umiyak!’
33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at sinasabi ninyong, ‘Siya ay may demonyo.’ 34 Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at sinabi naman ninyong, ‘Tingnan ninyo ang taong matakaw at manlalasing, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’ 35 Gayon pa man, ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng kanyang mga tagasunod.”
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isang Fariseo ang nag-anyaya kay Jesus na kumaing kasalo niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo ay umupo siya sa hapag. 37 Isang babaing makasalanan ang nakatira sa lungsod na iyon. At dahil alam nitong kumakain si Jesus doon sa bahay ng Fariseo ay nagdala ito ng pabango sa sisidlang alabastro. 38 Tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus, at unti-unting binasá ang mga paa nito ng kanyang luha. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok at pinaghahagkan ang mga paa ni Jesus at pinahiran iyon ng pabango. 39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung propeta nga ang taong ito, dapat ay alam niya kung sino at anong uring babae itong humahawak sa kanya sapagkat ito ay makasalanan.” 40 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” “Sige po Guro,” sagot ni Simon. 41 “May dalawang umutang sa isang tao. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo at ang isa naman ay limampu. 42 Nang hindi makabayad, kapwa sila pinatawad. Sino ngayon sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad nang mas malaki.” At sinabi niya rito, “Tama ang iyong pagkaunawa.” 44 Pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa. Ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang mga buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan, ngunit mula nang pumasok ako ay hindi pa siya humihinto nang kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang mga kasalanan ay pinatawad na; kaya naman nagmahal siya nang higit. Ngunit ang pinatawad nang kaunti ay magmamahal nang kaunti.” 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 49 Nagsimulang magtanong sa isa't isa ang mga kasalo niya, “Sino ba ang taong ito at nagpapatawad pa ng kasalanan?” 50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.”
Mga Babaing Kasama ni Jesus
8 Pagkatapos nito, nagtungo si Jesus sa bawat lungsod at nayon at sa mga lugar na iyon ay nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, 2 at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at karamdaman. Kabilang dito si Maria na kung tawagin ay Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas mula sa kanya. 3 Kasama rin si Juana na asawa ni Chuza na katiwala ni Herodes, si Susana at iba pang mga babaing nag-abot ng tulong sa kanila mula sa kanilang mga pag-aari.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(C)
4 Nang dumating ang napakaraming tao at lumapit kay Jesus ang mga tao mula sa bawat bayan, nangusap siya sa kanila sa pamamagitan ng isang talinghaga. 5 “Lumabas ang manghahasik upang magsaboy ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Natapakan ang mga ito at tinuka ng mga ibon. 6 Ang iba naman ay nalaglag sa batuhan. Tumubo ang mga ito, ngunit dahil kulang sa halumigmig, ay agad na natuyo. 7 Ang iba pa ay nalaglag sa gitna ng tinikan at sa kanilang paglaki ay sinakal ng mga tinik na lumaking kasama nila. 8 Ngunit ang iba ay nalaglag sa mabuting lupa, tumubo at sa paglaki ng mga ito ay namunga ng sandaan.” Pagkasabi niya nito, siya ay nanawagan, “Ang may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(D)
9 Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang hiwaga ng paghahari ng Diyos, ngunit sa iba ay sa talinghaga ako mangungusap. Kaya't sa pagtingin ay hindi sila makakakita at sa pakikinig ay hindi sila makauunawa.”
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(E)
11 “Ngayon, ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga nalaglag sa daan ay ang mga nakarinig, ngunit nang dumating ang diyablo ay inagaw nito ang salita mula sa kanilang puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig sa salita at tumanggap dito nang may kagalakan. Ngunit sa kawalan ng ugat, sandali lamang sila nanampalataya at tumalikod sa panahon ng pagsubok. 14 Ang mga napadpad sa tinikan ay ang mga nakarinig ngunit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal ng kabalisahan, mga kayamanan at mga layaw ng buhay kaya't hindi nahinog ang kanilang bunga. 15 Ngunit ang mga nalaglag sa mabuting lupa ay iyong mga nakarinig ng salita at iningatan ito sa kanilang puso nang may katapatan at kabutihan kaya nagbunga ang kanilang pagtitiyaga.”
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(F)
16 “Walang nagsindi ng ilawan at pagkatapos ay magtatago nito sa takalan o kaya ay ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, ito ay ilalagay niya sa lalagyan upang makakita ng liwanag ang mga papasok. 17 Sapagkat walang nakatago na hindi magiging hayag, ni walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag. 18 Kaya mag-ingat kung paano kayo nakikinig, sapagkat ang mayroon ay pagkakalooban pa, ngunit ang wala, kahit ang inaakala niyang kanya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(G)
19 Pumunta kay Jesus ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid na lalaki. Gusto nila kayong makita.” 21 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig at tumutupad sa salita ng Diyos.”
Pinayapa ni Jesus ang Unos(H)
22 Isang araw, sumakay si Jesus at ang kanyang mga alagad sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang pampang ng lawa.” At naglayag naman sila. 23 Sa kanilang paglalakbay ay nakatulog siya. Bumugso ang isang unos at napuno ng tubig ang bangka at sila ay nanganib. 24 Kaya't nilapitan nila siya at ginising, “Guro! Guro! Mamamatay na tayo!” Gumising siya at sinaway niya ang hangin at ang mga nagngangalit na alon sa lawa. Humupa naman ang mga ito at pumayapa. 25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Natakot sila at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, at nauutusan niya maging ang hangin at tubig, at sila'y sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinaniban ng Demonyo(I)
26 Si Jesus at ang mga alagad ay naglayag patungo sa bayan ng mga Geraseno,[a] na nasa tapat ng Galilea. 27 Pagdating niya sa lupaing iyon, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasaniban ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay kundi sa mga libingan. 28 Nagsisigaw ito nang makita si Jesus, at nagpatirapa sa harap niya at sinabi nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako na huwag mo akong pahirapan.” 29 Sinabi ito sapagkat ipinag-utos ni Jesus sa maruming espiritu na lumabas sa lalaki. Madalas na itong sumasanib sa kanya. Iginapos na rin siya ng kadena nang may bantay at tinalian ng bakal sa paa ngunit napapatid pa rin niya ang mga ito at itinataboy siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Lehiyon,” ang sagot niya, sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31 Nakiusap ang mga ito na huwag silang utusang bumalik sa walang hanggang kalaliman. 32 Noon ay may kawan ng baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap ang mga demonyo kay Jesus na hayaan silang makapasok sa mga iyon at sila nama'y hinayaan niya. 33 Pagkalabas ng mga demonyo sa lalaki ay pumasok ang mga ito sa mga baboy. Sumibad pababa sa bangin ang kawan patungong lawa at nalunod. 34 Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari ay tumakas sila at ipinamalita iyon sa bayan at sa kabukiran. 35 Naglabasan sila upang makita ang nangyari. At lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit, at nasa matino nang pag-iisip; at sila'y natakot. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang sinaniban ng demonyo. 37 Nagmakaawa kay Jesus ang lahat ng tao sa paligid ng bayan ng mga Geraseno[b] na sila ay iwan niya sapagkat matinding takot ang bumalot sa kanila. Kaya sumakay siya sa bangka upang umuwi. 38 Subalit nakiusap ang lalaking iniwan ng mga demonyo na siya ay makasama ngunit hindi ito pinaunlakan ni Jesus at sa halip ay sinabi, 39 “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang mga ginawa ng Diyos sa iyo.” At siya ay humayo at ipinahayag sa buong lungsod ang mga ginawa sa kanya ni Jesus.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(J)
40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.
Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[c] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(K)
9 Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. 2 At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. 3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. 4 Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 5 Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 6 Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.
Nabagabag si Herodes(L)
7 Nabalitaan ng pinunong si Herodes ang lahat ng nangyayari. Nabagabag siya sapagkat sinasabi ng ilan na muling nabuhay si Juan. 8 Sabi naman ng iba na si Elias ay nagpakita na at ayon naman sa iba, ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay nabuhay muli. 9 Sinabi ni Herodes, “Ako ang nagpapugot ng ulo ni Juan. Ngunit sino ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya?” Kaya't sinikap niyang makita si Jesus.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(M)
10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(N)
18 Minsan, nang si Jesus ay mag-isang nananalangin, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 19 Sumagot sila, “Si Juan na Tagapagbautismo! Ngunit ayon sa iba ay si Elias. Ayon naman sa iba ay isang propeta noong unang panahon na nabuhay muli.” 20 At sinabi niya sa kanila, “Kayo naman, ano sa palagay ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
Ang tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(O)
21 Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus na huwag itong sabihin kaninuman. 22 Sinabi niya, “Kailangang magtiis ng maraming hirap ang Anak ng Tao. Itatakwil siya ng mga matatandang pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Papatayin siya ngunit muling bubuhayin sa ikatlong araw.” 23 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung nais ninuman na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus at sumunod sa akin. 24 Sapagkat sinumang nais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magliligtas nito. 25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 26 Sapagkat kung ako ay ikahihiya ng sinuman gayundin ang aking mga salita, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Tinitiyak ko sa inyo: may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi daranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(P)
28 Pagkalipas ng walong araw nang masabi niya ang mga ito, umakyat siya sa bundok kasama sina Pedro, Juan at Santiago upang manalangin. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. 31 Maluwalhating nagpakita ang dalawang ito at nagsalita tungkol sa pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isagawa sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro at ang kanyang mga kasama; ngunit nang magising sila ay nakita nila ang kaluwalhatian ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 At nang papalayo na ang mga ito sa kanya ay sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti po na dumito tayo. Magtayo tayo ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Hindi nauunawaan ni Pedro ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang ulap at sila ay nililiman. Natakot sila nang matakpan sila nito. 35 Isang tinig ang narinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking anak, ang aking hinirang.[d] Sa kanya kayo makinig.” 36 Nang naglaho na ang tinig, natagpuang nag-iisa na si Jesus. Tumahimik sila at hindi ibinalita kaninuman ang alinman sa kanilang nakita.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(Q)
37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(R)
Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.
Sino ang Pinakadakila?(S)
46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(T)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Hindi Tinanggap si Jesus
51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(U)
57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.