Read the Gospels in 40 Days
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
23 Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Nagsimula sila na paratangan si Jesus. Sinabi nila, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbubuwis sa Emperador. Sinasabi rin niyang siya ang Cristo, ang hari.” 3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot siya, “Ikaw ang may sabi n'yan.” 4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan ng taong ito.” 5 Ngunit nagpumilit sila at sinabi, “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo sa buong Judea, mula Galilea hanggang sa lugar na ito.”
Si Jesus sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, nagtanong siya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niya na ang taong ito ay sakop ni Herodes, ipinadala niya ito kay Herodes, na nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita si Jesus, sapagkat matagal na niyang nais na makita ito dahil sa mga narinig niya tungkol dito. Umaasa rin siyang makakita ng himalang gagawin ni Jesus. 9 Marami siyang itinanong dito, ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Nakatayo roon ang mga punong pari at tagapagturo ng Kautusan na walang tigil sa pagbibintang kay Jesus. 11 Kinutya siya at hinamak ni Herodes kasama ng mga kawal nito. Dinamitan siya ng magagandang kasuotan at pagkatapos ay ibinalik kay Pilato. 12 Kaya't ang dating magkagalit na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan nang araw din na iyon.
Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(B)
13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][a] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.
Ipinako sa Krus si Jesus(C)
26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”
32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][b] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(D)
44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[c] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[d] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.
Ang Paglilibing kay Jesus(E)
50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.
Nabuhay Muli si Jesus(F)
24 Maagang-maaga pa ng unang araw ng sanlinggo, pumunta na ang mga babae sa libingan dala ang mga pabango na kanilang inihanda. 2 Natagpuan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. 3 Pagpasok nila ay hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Habang sila ay takang-taka dahil dito, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nagniningning ang kasuotan. 5 Sa kanilang takot ay dumapa sila sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa piling ng mga patay? 6 Wala siya rito. Siya'y muling binuhay! Natatandaan ba ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya? 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng makasalanan, at ipako sa krus, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’ ” 8 Kaya't naalala nila ang sinabi ni Jesus. 9 Pagbalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng iyon sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan. 10 Ang nagbalita ng mga ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. 11 Ngunit inakala ng mga apostol na walang kabuluhan ang mga iyon kaya't hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. 12 Ngunit tumakbo si Pedro patungo sa libingan at nang yumukod ay nakita na lamang niya ang mga telang lino. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.
Ang Paglalakad Patungong Emaus(G)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakbay patungo sa nayong kung tawagin ay Emaus na may labindalawang kilometro[e] ang layo sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga nangyaring ito. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagpapaliwanagan, mismong si Jesus ay lumapit at nakisabay sa kanila. 16 Subalit tila tinakpan ang kanilang mga mata upang siya ay hindi nila makilala. 17 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo habang kayo'y naglalakad?” At tumigil silang bakas ang kalungkutan sa mukha. 18 Sumagot ang isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, “Ikaw lang ba ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na nangyari doon sa mga araw na ito?” 19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila, “Ang mga tungkol kay Jesus na taga-Nazareth, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan. 20 Ibinigay siya ng aming mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Subalit umasa sana kaming siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang nangyari ang mga ito. 22 Binigla pa kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga pa lang, nagpunta sila sa libingan, 23 ngunit hindi nila natagpuan doon ang kanyang bangkay, kaya bumalik sila at sinabi sa amin na nagkaroon sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buháy si Jesus. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila gaya ng sinabi ng mga babae ngunit siya ay hindi nila nakita.” 25 Sinabi niya sa kanila, “Mga hangal! Kay bagal naman ng inyong pang-unawa at hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't ang Cristo ay kailangang magdusa ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 Ipinaliwanag niya sa kanila ang sinasabi ng lahat ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises at sa lahat ng mga propeta. 28 Nang malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan, lumalakad siya na parang magpapatuloy pa, 29 ngunit siya'y kanilang pinakiusapan ng ganito: “Tumuloy muna kayo sa amin sapagkat gumagabi na at lumulubog na ang araw.” Kaya't pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 Nang nakaupo siya sa hapag kasalo nila, kumuha siya ng tinapay at ito'y binasbasan. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, ngunit bigla na lang siyang naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan, habang ipinapaliwanag niya sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang oras ding iyon ay bumalik sila sa Jerusalem; natagpuan nila na nagtitipon doon ang labing-isa at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Sabi nila, “Totoo ngang nabuhay muli ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” 35 Kaya't isinalaysay nila ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang siya'y magpuputul-putol ng tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(H)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Subalit kinilabutan sila at natakot at inakala nilang espiritu ang kanilang nakikita. 38 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at aking mga paa. Ako ito. Hipuin ninyo ako at masdan; sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, at nakikita ninyong mayroon ako ng mga ito.” 40 At pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Bagama't hindi pa sila lubusang makapaniwala dahil sa tuwa at pagkamangha, sinabi sa kanila ni Jesus, “Mayroon ba kayo ritong makakain?” 42 Kaya't siya ay binigyan nila ng isang piraso ng inihaw na isda. 43 At pagkatanggap nito, kumain siya sa harapan nila. 44 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinabi ko sa inyo noong kasama ko pa kayo. Kailangang matupad ang lahat ng naisulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga Propeta, at sa mga Awit.” 45 At binuksan niya ang kanilang isipan upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ito nga ang nasusulat: magdurusa ang Cristo ngunit babangong muli sa ikatlong araw mula sa kamatayan, 47 at sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan ay ipapangaral sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Mga saksi kayo sa lahat ng mga ito. 49 Tandaan ninyo; ako mismo ang magpapadala sa inyo ng ipinangako sa inyo ng aking Ama; ngunit manatili kayo sa lungsod hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(I)
50 Isinama ni Jesus sa labas ng lungsod ang mga alagad hanggang sa Betania; itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan sila. 51 Habang sila'y binabasbasan, siya'y papalayo sa kanila. At dinala siyang paitaas sa langit. 52 At siya'y sinamba nila, pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. 53 Palagi sila sa templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.