Read the Gospels in 40 Days
Ilang Kasabihan ni Jesus(A)
17 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Ang sanhi ng pagkakasala ay hindi mawawala ngunit kaysaklap ng sasapitin ng taong panggagalingan nito. 2 Mabuti pa sa kanya ang itapon sa dagat nang may nakabiting batong panggiling sa kanyang leeg, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't mag-ingat kayo! Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi, patawarin mo siya. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong ulit siyang lumapit sa iyo na nagsasabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo siya.”
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” 6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikamorong ito, ‘Mabunot ka at maitanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.”
7 “Sino sa inyo ang magsasabi sa inyong lingkod na kagagaling lang sa bukid dahil sa pag-aararo o pagpapastol ng tupa, ‘Halika na rito agad at umupo sa hapag-kainan’? 8 Sa halip, hindi ba sasabihin ninyo sa kanya, ‘Ipaghanda mo nga ako ng hapunan, magbihis ka at maglingkod sa akin habang ako'y kumakain. Pagkatapos ko ay maaari ka nang kumain.’? 9 Pinasasalamatan mo ba ang lingkod sa pagsunod niya sa mga utos? 10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo ay sabihin ninyo, ‘Kami ay mga lingkod na walang kabuluhan; ginampanan lang namin ang aming tungkulin.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin
11 Habang patungo sa Jerusalem, nagdaan si Jesus sa pagitan ng Samaria at Galilea. 12 Pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Habang sila'y nakatayo sa malayo, 13 sumigaw sila na nagsasabing, “Jesus! Panginoon! Maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus ay sinabi niya, “Humayo kayo at magpasuri sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling. 15 Nang makita ng isa sa mga ito na gumaling na siya, bumalik siyang sumisigaw ng papuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus. Ang lalaking ito ay Samaritano. 17 Kaya't nagtanong si Jesus, “Hindi ba't sampu ang pinagaling? Nasaan ang siyam? 18 Wala bang natagpuang bumalik upang magbigay ng papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?” 19 At sinabi niya rito, “Tumindig ka at humayo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Ang Simula ng Paghahari ng Diyos(B)
20 Minsan, tinanong ng mga Fariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Hindi magsisimula ang paghahari ng Diyos na may nakikitang palatandaan; 21 hindi rin nila masasabi, ‘Tingnan ninyo at narito,’ o ‘Naroon,’ sapagkat masdan ninyo, ang paghahari ng Diyos ay nasa inyo.” 22 Sinabi niya sa mga alagad, “Sasapit ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo roon,’ o ‘Tingnan ninyo rito!’ Huwag kayong pumunta roon o sumunod sa kanila. 24 Sapagkat kung paanong kumikislap at nagbibigay-liwanag ang kidlat mula isang panig ng kalangitan hanggang sa kabila, gayundin ang Anak ng Tao sa kanyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa at maitakwil ng salinlahing ito. 26 Gaya nang nangyari noong panahon ni Noe, ganoon din ang mangyayari sa araw ng Anak ng Tao. 27 Ang mga tao noon ay nagkakainan, nag-iinuman, nag-aasawa, at pinag-aasawa hanggang sa araw na pumasok na sa daong si Noe at dumating ang baha at nilipol silang lahat. 28 Ganoon din noong mga araw ni Lot. Sila'y nagkakainan, nag-iinuman, namimili, nagbibili, nagtatanim at nagtatayo. 29 Subalit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, huwag nang bumaba ang nasa tuktok ng bahay upang kunin ang mga gamit sa loob ng bahay. Ang nasa bukid naman ay huwag nang bumalik sa kanyang naiwan. 32 Tandaan ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang nagnanais mag-ingat ng kanyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawalan ng kanyang buhay ay makapag-iingat nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, dalawa ang nasa isang higaan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasama sa gilingan, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 36 May dalawang lalaki sa bukid, ang isa ay kukunin at iiwan ang isa. 37 At nagtanong sa kanya ang mga alagad, “Saan po mangyayari ito Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung nasaan ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”
Ang Talinghaga tungkol sa Balo at sa Hukom
18 At isinalaysay ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga upang magturo sa kanila na dapat silang manalanging lagi at huwag panghinaan ng loob. 2 Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang balo na laging nagpupunta sa hukom at sinasabi, ‘Humihingi ako ng katarungan laban sa aking mga kaaway.’ 4 Matagal ding hindi pinapansin ng hukom ang babae. Ngunit sa kalaunan ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Hindi man ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa tao, 5 ngunit dahil lagi akong ginagambala ng balong ito, pagbibigyan ko ang hinihingi niyang katarungan. Kung hindi ay baka mainis pa ako sa madalas niyang pagparito.’ ” 6 Sinabi ng Panginoon, “Pakinggan nga ninyo ang sinasabi ng masamang hukom. 7 At hindi ba maigagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw at gabi? Sila ba ay matitiis niya? 8 Sinasabi ko sa inyo, bibigyan niya agad sila ng katarungan. Gayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makatatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Talinghaga tungkol sa Fariseo at sa Maniningil ng Buwis
9 Isinalaysay naman ni Jesus ang talinghagang ito sa mga mapagtiwala sa sarili, mapanghamak sa iba sa paniniwalang sila ay matuwid. 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—isang Fariseo at isang maniningil ng buwis. 11 Ganito ang panalangin ng Fariseo habang mag-isa siyang nakatayo, ‘Diyos ko, pinasasalamatan kita na hindi ako tulad ng ibang tao—mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya o gaya ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo. Nagbibigay ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis ay nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit at binabayo ang kanyang dibdib sa pagsasabing, ‘Diyos ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong iyon na itinuring na matuwid ng Diyos at hindi ang Fariseo. Sapagka't ang bawat nagtataas ng kanyang sarili ay ibababa at ang bawat nagbababa ng sarili ay itataas.”
Binasbasan ni Jesus ang mga Bata(C)
15 Dinala ng mga tao kay Jesus maging ang mga sanggol upang sila ay kanyang basbasan; ngunit sinaway sila ng mga alagad nang makita ito. 16 Subalit pinalapit ni Jesus ang mga bata. Sinabi niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, sapagkat para sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 17 Tinitiyak ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos gaya ng isang bata ay hinding-hindi makapapasok dito.”
Ang Mayamang Lalaki(D)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti maliban sa Diyos. 20 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya. Huwag kang pumatay. Huwag kang magnakaw. Huwag kang magsinungaling sa iyong patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 21 At sinabi ng lalaki, “Tinupad ko na ang lahat ng ito mula pa sa pagkabata.” 22 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi sa kanya, “Isa pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng mayroon ka at ipamahagi mo ito sa mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Labis na nalungkot ang lalaki sa narinig, sapagkat siya ay napakayaman. 24 Nang makita ni Jesus ang kanyang kalungkutan ay sinabi niya, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Sapagkat mas madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Kaya't sinabi ng mga nakarinig, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. 28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo. Iniwan po namin ang lahat at sumunod sa inyo.” 29 At sinabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo ito: sinumang mag-iwan ng tahanan, o asawa, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak para sa kapakanan ng paghahari ng Diyos 30 ay tiyak na tatanggap ng patung-patong na kapalit sa panahong ito at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating.”
Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)
31 Ibinukod niya ang labindalawa at sinabi niya sa mga ito, “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Matutupad ang lahat ng naisulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay siya sa mga Hentil at lilibakin, hahamakin, at duduraan. 33 Hahagupitin siya at papatayin, ngunit mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.” 34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga ito. Ang kahulugan ng sinabing ito ay inilihim sa kanila kaya't hindi nila maunawaan ang kanyang mga sinabi.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(F)
35 Nang malapit na sila sa Jerico, isang lalaking bulag ang nakaupong namamalimos sa tabi ng daan. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang mga tao, tinanong niya kung ano ang nangyayari. 37 At sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazareth. 38 Kaya sumigaw siya, “Jesus! Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga nasa unahan at siya ay pinatahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 40 Kaya't tumigil si Jesus at nag-utos na ilapit ang lalaki sa kanya. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang nais mong gawin ko?” Sumagot ang lalaki, “Panginoon, gusto ko po sanang muling makakita.” 42 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakakita kang muli. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” 43 At agad siyang nakakitang muli at sumunod kay Jesus na nagpupuri sa Diyos. Nang makita ito ng lahat ng mga tao, sila ay nagpuri sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.