Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 37-38

Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias(A)

37 Nang marinig ito ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang kasuotan, at binalot ang sarili ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

At kanyang sinugo sina Eliakim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang nakatatandang mga pari na may suot na damit-sako, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.

Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, ‘Ang araw na ito ay araw ng kalungkutan, ng pagsaway, at ng kahihiyan. Ang mga anak ay ipapanganak na, at walang lakas upang sila'y mailuwal.

Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang mga salita ni Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoon na hari ng Asiria upang hamakin ang buháy na Diyos, at sasawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos; kaya't ilakas mo ang iyong dalangin para sa nalabi na naiwan.’”

Nang dumating kay Isaias ang mga lingkod ni Haring Hezekias,

sinabi ni Isaias sa kanila, “Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ginamit sa paglapastangan sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.

Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kanya, upang siya'y makarinig ng balita at bumalik sa kanyang sariling lupain; at aking pababagsakin siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”

Ang Sulat ni Senakerib kay Hezekias(B)

Sa gayo'y bumalik si Rabsake, at natagpuan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna; sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Ngayon nga'y nabalitaan ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo.” At nang kanyang marinig ito, siya'y nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari sa Juda: ‘Huwag kang padaya sa iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan na sinasabing ang Jerusalem ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.

11 Narito, nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ang mga iyon ay winasak na lubos: At maliligtas ka ba?

12 Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran, ng Rezef, at ng mga anak ni Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari sa Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

Ang Panalangin ni Hezekias

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito; at umahon si Hezekias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 Si Hezekias ay nanalangin sa Panginoon,

16 “O(C) Panginoon ng mga hukbo, Diyos ng Israel na nakaupo sa mga kerubin. Ikaw ang Diyos, ikaw lamang, sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.

17 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong dinggin. Imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon, at tumingin ka. Pakinggan mo ang lahat ng salita ni Senakerib, na kanyang ipinasabi upang lapastanganin ang buháy na Diyos.

18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari ng Asiria at ang kanilang lupain.

19 Inihagis nila ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira ang mga ito.

20 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw lamang ang Panginoon.”

Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias(D)

21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria,

22 ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

‘Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion,
    tinawanan ka niya—
iniiling ng anak na babae ng Jerusalem
    ang kanyang ulo sa likod mo.

23 ‘Sino ang iyong inalipusta at hinamak?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata?
    Laban nga sa Banal ng Israel!
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang Panginoon,
    at sinabi mo, “Sa pamamagitan ng marami kong karwahe,
nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok,
    sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon,
    at ang mga piling sipres niyon;
ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan,
    ng pinakamakapal na gubat.
25 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng tubig,
at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa.

26 ‘Hindi mo ba nabalitaan
    na iyon ay aking ipinasiya noon pa?
Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon,
    ngayo'y aking pinapangyari na maganap
at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod
    upang maging mga nakaguhong bunton,
27 kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas,
    nanlupaypay at napahiya.
Sila'y naging parang damo sa bukid,
    at tulad ng sariwang gulayin,
parang damo sa mga bubungan,
    na natuyo na bago pa tumubo.

28 ‘Nalalaman ko ang iyong pag-upo,
    at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
    at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin,
    at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking pamingkaw sa iyong bibig,
at pababalikin kita sa daan
    na iyong pinanggalingan.’

30 “At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon.

31 At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas.

32 Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

33 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan.

34 Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

35 Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.”

Si Senakerib ay Nawalan ng Loob at Pinatay

36 At ang anghel ng Panginoon ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

37 Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive.

38 At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Nagkasakit si Hezekias(E)

38 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at halos mamamatay na siya. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay pumunta sa kanya, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay, at hindi ka na mabubuhay.”

Nang magkagayo'y ibinaling ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding, at nanalangin sa Panginoon.

Kanyang sinabi, “Alalahanin mo, O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo ng may katapatan at buong puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak na may kapaitan.

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias:

“Humayo ka at sabihin mo kay Hezekias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ni David na iyong ama: Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha; narito, aking daragdagan ng labinlimang taon ang iyong buhay.

At aking ililigtas ka at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.

“Ito ang magiging tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kanyang ipinangako:

Narito, aking pababalikin ang anino sa mga baytang na pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw ng sampung baytang.” Sa gayo'y umurong ang anino ng araw ng sampung baytang sa mga baytang na binabaan nito.

Ang sulat ni Hezekias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kanyang sakit:

10 Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol.
    Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon,
    sa lupain ng nabubuhay;
hindi ko na makikita pa ang tao,
    na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan.
12 Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin
    na gaya ng tolda ng pastol;
gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay;
    kanyang ihihiwalay ako sa habihan;
mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13     Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo,
katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto;
    mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

14 Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako;
    ako'y tumatangis na parang kalapati.
Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
    O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko!
15 Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin,
    at kanya namang ginawa.
Lahat ng tulog ko ay nakatakas,
    dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.

16 O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
    at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu.
    Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo!
17 Narito, tiyak na para sa aking kapakanan
    ay nagtamo ako ng malaking kahirapan;
ngunit iyong pinigil ang aking buhay
    mula sa hukay ng pagkawasak,
sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan
    sa iyong likuran.
18 Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol,
    hindi ka maaaring purihin ng kamatayan!
Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa
    sa iyong katapatan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y nagpapasalamat sa iyo,
    gaya ng ginagawa ko sa araw na ito;
ipinaalam ng ama sa mga anak
    ang iyong katapatan.

20 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin,
    at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad,
sa lahat ng araw ng aming buhay
    sa bahay ng Panginoon.

21 Sinabi ni Isaias, “Magsikuha sila ng isang kimpal na igos, at ilagay na tapal sa bukol upang siya'y gumaling.”

22 Sinabi rin ni Hezekias, “Ano ang tanda na ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon?”

Galacia 6

Magtulungan sa Isa't isa

Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.

Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.

Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.

Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.

Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.

Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.

10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.

Babala at Basbas

11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!

12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.

14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.

15 Sapagkat[a] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.

17 Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.

18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Mga Awit 65

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

Mga Kawikaan 23:24

24 Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya,
    at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001